KABANATA 4

211 13 0
                                    

***

Malalim na ang gabi. Kinain ng katahimikan ang buong paligid. Bitbit ang isang supot na hindi kalakihan na naglalaman ng ilang pares ng damit, inumin at mga prutas, tahimik na pumuslit si Amara palabas ng kaharian. Ikinatuwa niyang natutulog ang mga bantay. Maaring ginamitan sila ng kapangyarihan ng pantas na si Satur, para tuparin ang pangakong tutulungan siya nitong makaalis. Sa pagtapak ng kanyang mga paa sa bukana ng kagubatan, isang tinig ang nagpatigil sa kanya buhat sa kanyang likuran.

“Amara…”

Napalingon siya. “Satur? Salamat.”

Tumango lamang ito at ngumiti sa kanya. “Paumanhin, Amara, hindi kita masasamahan. Mahahalata nila kapag nawala ako nang walang paalam pero h’wag kang mag-alala, mayro’n kang magiging gabay.”

“Sino?”

“Sa gitna ng kagubatan, may makikilala kang isang lambanang apoy. Kinausap ko na siya. Sasamahan ka niya at tutulungan sa paglalakbay at paghahanap mo sa 'yong ina. Ipagdarasal ko kay Bathala na sana ay h’wag ka niyang pababayaan. Sana makita mo si Reyna Estrelya.”

“Maraming salamat. Tatanawin ko itong isang malaking utang na loob sa 'yo.” Naluluha siyang lumapit kay Satur at yumakap. “Magkikita tayong muli. Sa aking pagbabalik, babawiin ko ang dapat ay para sa amin ni ina. Pakisabi kay Leona, h’wag siyang mag-alala sa akin. At mag-iingat kayo palagi, lalo na kay Zarina. Masama siya.”

“Ako na ang bahala kay Leona, aming prinsesa. Sigurado akong malulungkot siya pero alam kong mauunawaan ka niya,” napalingon si Satur sa kaharian nang may marinig siyang mga sigaw na tumatawag kay Amara. “Sige na, umalis ka na. Ako na'ng bahala sa kanila. Ipinapangako kong hindi ka nila masusundan.”

“Salamat!”

“Amara, ipangako mong magkikita tayong muli,” pahabol pa ni Satur na tinugunan ng ngiti ni Amara.

Tinahak ni Amara ang madilim na daan. Ang nakangiting buwan at nagniningningang bituin sa langit lamang ang kanyang gabay. Dama niya ang malamig na hanging umiihip sa kanyang katawan na nagbibigay sa kanya ng pakiramdam na hindi siya nag-iisa. Pakiramdam niya, mayroong mga matang nakatingin sa kanya. Hanggang sa maalala niya ang sinabi ni Satur na mayroon siyang makakasama. Iyon nga lamang, wala pa siya sa kalagitnaan ng kagubatan at habang humahakbang siya pasulong, pasukal naman nang pasukal ang daan. Naalala niya ang araw na hinabol niya ang kanyang ina at muntik na siyang matuklaw ng isang malaking ahas.

Natigilan na lamang siya nang mapansin niyang may paparating na liwanag na pasalubong sa kanya.

Kinabahan siya. Narinig niya ang huni ng mga ibong nagliparan palayo. Maging ang mga ingay ng kuliglig ay naghahatid na sa kanya ng takot.

“Bathala, tulungan n’yo po ako. May paparating na santelmo,” naibulalas niya habang tinitingnan ito. Nagniningas ito at mabilis na lumulutang palapit sa kanya.
Napaatras siya nang sunggaban siya nito na halos dumikit na ito sa kanyang mukha. Napapikit na lamang siya habang patuloy sa paghingi ng tulong sa Bathalang makapangyarihan. Nanginginig. Tagaktak ang pawis. Halos magiba ang kanyang dibdib dahil sa lakas ng kaba nito.

“Amara! Ano ka ba? Bakit parang takot na takot ka sa 'kin? Maganda naman ako, ah.”

Nagtaka siya sa narinig at unti-unting napadilat. Noong una ay nasilaw siya sa liwanag nito, ngunit hindi naglaon ay nakita niya ang lambana na nakasuot ng kulay ginto sa gitna ng kanyang nililikhang apoy. “Ang ganda mo nga!” Napamulagat siya habang nakatitig sa lambana.

“Kaya nga, e, ba’t takot na takot ka?” muli niyang tanong.

“Akala ko kasi santelmo ka. Nakalimutan kong lambanang apoy nga pala ang sinabi sa akin ni Satur.”

“Oh, ngayon, kumalma ka na. H’wag ka nang matakot kasi nandito na ako. Ako si Irma, ang iyong magiging gabay sa ‘yong paglalakbay,” pagpapakilala nito.

“Sa gitna ng dilim?”

“At maging sa liwanag, prinsesa.”

Kapwa sila napatingala sa kalangitan.

“Kailangan kong mahanap si ina sa lalong madaling panahon,” malungkot na tinuran ni Amara.

“Totoo, at kailangan mo siyang mahanap bago ang susunod na kabilugan ng buwan. Ang araw na iyon ay ang nalalapit mong kaarawan. Maaring sa ating paglalakbay, paunti-unti nang lalabas ang kapangyarihan mo,” paliwanag ni Irma.

“Kapangyarihan?”

Tumango ang lambanang si Irma. “Itinakda kang maging isang makapangyarihang engkantada na lulupig sa kasamaan at magbibigay ng katahimikan sa ating mundo. Kaya kailangan nating magdoble ingat dahil sa mga oras na ito, marami na ang naghahanap sa 'yo.”

“Bakit hindi sinabi sa 'kin nina ama at ina ang tungkol sa bagay na ito?” usisa ni Amara kay Irma.

“Dahil wala rin silang alam. Nang ipanganak ka, nakita ng isa sa mga utusan ng reyna ang liwanag na gumuhit sa 'yong noo. Hugis bilog—ang marka ng buwan. Lumikha ito ng liwanag na abot sa kalangitan sa gitna ng kadiliman ng gabi. Iyon marahil ang dahilan kaya nalaman ng mga masasamang engkanto kung saang lupain ka matatagpuan. At maaaring isa sa kanila, nakapasok na sa inyong kaharian,” kwento nito.

Biglang rumehistro sa isipan ni Amara ang babaeng nakaitim na nakita niyang kausap ni Zarina. Napaisip tuloy siya. Ano ba ang kaugnayan ng kanyang madrasta sa mga masasamang engkanto?

Nagpatuloy na sila sa kanilang paglalakbay hanggang sa marating nila ang hangganan ng kagubatan, tinawid ang iba’t iba at nakamamanghang lupain sa loob ng ilang araw. Hanggang sa matanaw na nila ang lupaing hinahanap nila. Dumaan sila sa isang tulay na yari sa matibay na puno. Nangangatog si Amara habang inihahakbang ang kanyang mga paa dahil nakikita niya ang lalim na maari niyang kabagsakan kapag nahulog siya. Hindi niya masiguro kung ano ang nasa kailaliman at sa gitna ng bitak nang pagkakahati ng dalawang lupaing tinatawid nila. Tila nabasa naman ni Irma ang kanyang nasasaisip.

“Sa likod ng mga hamog na natatanaw mo na siyang nagkukubli ng kadiliman sa kailaliman, matatalas na bato ang naro'n na hindi maaawang luray-lurayin ang 'yong katawan kapag bumagsak ka sa kanila,” wika ni Irma na tila may halong pananakot. Ngiting-ngiti siya na tila ba isang traydor.

Lalong kinabahan si Amara, ngunit nilakasan niya ang kanyang loob. Pagdating sa kabilang lupain, isang sangang daan naman ang tumambad sa kanila.

“Irma, saan tayo? Sa kaliwa o sa kanan?”

“Kung sa kaliwa ka, para mo na ring isinuko sa kalaban ang buhay mo. Kung sa kanan ka naman, kailangan mong sagupain ang mag-asawang higante na nagbabantay sa bahaging 'yon. Mapapalayo ka pa,” paligoy-ligoy na sagot nito. “Kailangan nating sundan ang dumadaloy na tubig.”

---

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon