***
Malimit ang mga tawa at pagsigaw ni Amara kapag nababasa ng tubig habang mahigpit ang kapit sa likuran ng bakunawa. Tuwang-tuwa siya nang ilibot siya nito sa malawak na karagatan. Sumisid ito. Ipinakita rin sa kanya ang tanawin at mga buhay na nasa ilalim ng dagat. Maya’t maya ang pag-ahon nito upang makahinga si Amara. Tila ipinapakita niya sa kanyang anak ang naging tahanan niya sa loob ng ilang taon ng kanilang pagkakawalay.
Nang mga sandaling iyon, naalala ni Amara ang mga narinig niyang sinasabi ni Zarina patungkol sa reyna nang makita niya itong may kausap na babaeng nakaitim. ‘Paparating pa lang siya, baka pinauulanan na siya ng mga umaapoy na palaso ng mga kawal.’ Noon niya mas naunawaan ang lahat. Ito rin ang nagkompirma sa hinala niya noon sa madrasta.
“Ina, nasa dalampasigan ang ating mga kaibigan. Alam kong nagtataka sila, pero gusto ko rin sanang makita ka nila nang malapitan,” wika ni Amara habang hinihimas ang likuran ng ina.
Matapos niyang marinig ang mga ungol nitong mistulang sagot sa kanyang tinuran, tinungo nila ang dalampasigan. Doo’y nakangiting sumalubong sa kanila ang mga kasamahan. Lalo na si Irma na sabik na sabik makita ang kinalulugdang reyna.
Nagbigay-galang ang lahat sa reyna. Tinulungan naman ni Olan si Amara na bumaba.“Ina, si Olan, oh. Naaalala mo ba siya?”
Tumango ang bakunawa na tila nagsasabing, oo.
Sa gitna ng kanilang pag-uusap at katuwaan, isang hindi inaasahang kaibigan ang dumating. “Amara! Amara!”
Napalingon ang lahat sa pamilyar na tinig na tumatawag sa pansin ng prinsesa. Hanggang sa huminto ito sa kanilang harapan. Humahangos ito na para bang mula sa pakikipaghabulan.“Rida? Bakit?” nagtatakang tanong ni Amara.
“Umalis na kayo rito. Parating na ang mga kampon ni Zarina. Ipinahahanap ka,” mensahe ng anggitay. “Iniligaw ko sila, pero hindi tayo pwedeng makampante. Baka sa mga sandaling ito, may kutob na silang hindi totoo ang impormasyong ibinigay ko.”
“Mauna na kayo, Rida. Isakay mo si Amara. Humanap ka ng ligtas na lugar para sa kanya,” mariing tinuran ni Olan.
“Dito na muna kami. Susubukan din naming iligaw sila,” sabat naman ni sarangay.
Sumabat sa kanila ang nilikhang mga ungol ng bakunawa. Nilapitan ito ni minokawa. Hindi naglaon ay humarap ito sa kanila.
“Sige na, kumilos na kayo. Kami na ang bahala rito,” wika ni Nomi.
“Ina, sumama ka sa amin. Pakiusap,” pagmamakaawa ni Amara.
“Hindi siya maaaring sumama sa ngayon, Amara. Ito na ang mundo niya. Hindi siya basta-basta makaaalis dito. Ang sabi niya, ingatan mo ang sarili mo. Naniniwala siyang hindi ka pababayaan ng mga kaibigan mo. Gagabayan at puprotektahan ka niya sa sarili niyang paraan,” paliwanag ni Nomi.
“Hindi. Ayaw ko siyang iwan dito!” umiiyak na sigaw ni Amara na tumakbo papalapit sa ina at yumakap.
“Kailangan, prinsesa. H’wag nang matigas ang ulo. Magkikita kayong muli, sa tunay niyang anyo.”
“Pero paano, Nomi?”
“Kapag namatay si Zarina.”
Namilog ang mga mata ni Amara sa narinig, subalit napuno naman ng pag-asa at tapang ang kanyang dibdib. “Pangako, ina. Magkikita tayong muli. Babawiin ko kay Zarina ang buhay na inagaw niya sa 'yo.”
“Halika na, Amara! Bilis! May mga paparating!” sigaw nang lambanang aali-aligid sa prinsesa.
“Olan, mag-iingat ka,” baling ni Amara sa naga. Hindi napigilan ni Amara na yumakap dito.
“Oo, pangako. Susunod ako.”
Umalis sila, sakay ng anggitay. Samantala, nagpaiwan naman sina Egay, Olan at Nomi para salubungin ang mga kaaway. Ang bakunawa naman ay muling lumusong sa karagatan at sinundan ang direksyon na tinatahak ng anggitay. Maluha-luha naman si Amara habang tinitingnan ang inang nakasunod sa kanila.
“Paano tayo magkikita-kita?” tanong ni Amara kay Rida.
“H’wag mo nang problemahin 'yon. Ako na ang bahala.”
“E, saan mo kami dadalhin?”
“Doon muna kayo sa wawa, malapit sa hangganan. Kung magkagipitan, tumawid kayo sa mundo ng mga tao. 'Yon lang ang nakikita kong paraan ngayon para iligtas ka.”
“Hindi! Ayaw ko! Ibaba mo ako, Rida! Hindi ako tatakas. Lalaban ako!” galit na tutol ni Amara.
“Amara, kahit ngayon lang. Hindi naman niya sinabing tumawid tayo. Doon na muna tayo sa wawa. Doon natin hintayin ang iba. Kapag buo na ang kapangyarihan mo, saka tayo bumalik. Saka natin bawiin ang lahat at tuldukan ang kasamaan ni Zarina. Sa makalawa na ang kabilugan ng buwan. Konting tiis na lang,” paliwanag ni Irma.
Labag man sa kalooban ni Amara, wala na rin siyang nagawa. Nalungkot na lang siya nang tuluyan niyang hindi matanaw ang karagatan. Nagkukulay-rosas na rin ang kalangitan dahil sa papalubog nang araw. Dama niya na ang pagod at gutom.
Nang marating nila ang wawa, nanguha sila ng mga bungang kahoy na makakain. Nakahuli rin ng ilang isda si Amara sa malapit na ilog sa tulong ng kanyang kakayahan.
“Ang dami naman nito, Amara,” natutuwang wika ni Irma.
“Alam kong pagod at gutom na rin sila. Kumain na kayo. Ang matitira, itatabi natin para sa kanila.”
Pagkatapos kumain, nagpaalam si Rida na sasalubungin ang mga kasamahan para hindi ito maligaw. Pinatay nito ang siga nang sa ganoon ay walang mag-isip na naroon sila. “Babalik ako kaagad. Pagbalik ko, kasama ko na sila.”
Tumango si Amara habang tahimik lang si Irma.
“Amara, natatakot ako,” matamlay na wika nito.
“Bakit?”
“Parang may masama talagang mangyayari. Palagi mong tatandaan, mahal na mahal kita. Hindi ko kailanman pinagsisihan na inalagaan kita simula pa noong sanggol ka. Lubos akong nagpapasalamat sa reyna at kay Satur sa tiwala na ibinigay nila sa 'kin.”
“Ano ba’ng sinasabi mo?” kinakabahang tanong ni Amara.
“Ganito ang naramdaman ko nang mawala ang reyna. Ganito rin ang naramdaman ko no’ng makita kitang kaharap ang malaking ahas sa gubat no’ng bata ka pa.”
Napamulagat si Amara. “Ikaw ba ang dahilan kung bakit nag-apoy 'yong ahas?” naibulalas niya. “Pero si Leona ang nagligtas sa akin noon. Hindi kita nakita. Ang totoo, kailan lang kita nakilala pero mahal din kita.”
Lumipad ito at naupo sa kanyang balikat. Hinalikan siya nito sa pisngi saka bumulong, “Ako rin 'yon. Ako rin si Leona na iyong tagapangalaga at ang tinutukoy na nakakita nang magliwanag ang marka ng buwan sa 'yong noo."
Kinuha siya ni Amara at inilagay sa kanyang mga palad, saka tinitigang mabuti. Napaluha siya nang lubusan itong makilala. “Bakit ngayon ko lang napansin? Mahal na mahal din kita, Leona. Ikaw na ang naging ina ko buhat nang mawala ang aking ina. Salamat sa lahat.” Niyakap niya ito.
Nakatulog ang dalawa sa tabi ng dalawang malaking bato habang naghihintay. Tahimik ang gabi. Walang senyales ng kaaway. Wala ring senyales ng paparating na mga kaibigan. Nang biglang may tumakip sa bibig ni Amara at binuhat siya. Dahil sa mga ungol ni Amara, nagising si Irma.
“Hoy! Bitiwan n’yo ang prinsesa!” sigaw niya. Buong lakas siyang nanlaban kahit na nga ba, hindi iyon sapat para iligtas ang nasa panganib na alaga.
Nang dahil sa mga atake niya sa mukha ng isa sa mga lalaking nakaitim, malakas siya nitong natabig kaya’t bumagsak siya sa bato. Napalakas ang ungol ni Amara, kasunod ang pag-uunahan nang pagpatak ng kanyang mga luha.
Naiwang walang malay si Irma. Ang matingkad na apoy na tila nagniningas na siyang nagsisilbing liwanag ni Amara ay namanglaw. Nanghina. Katulad ng isang bombilyang malapit nang mamatay.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...