KABANATA 5

211 11 0
                                    

***

“Dumadaloy na tubig? Walang anyong tubig dito, Irma,” kunot-noong naibulalas ni Amara.

“Pero sa bahaging 'yon, mayro’ng lawa.” Tumuro si Irma sa gitna ng sangang daan.

Madilim, masukal at nakakatakot. Para bang may mga tinig bumubulong sa kanyang tainga kaya maya’t maya ang pag-igik niya. “Nakakatakot naman dito.”

“Kailangang burahin mo na ang takot sa puso mo, marami tayong makakaharap na mga nilalang na mas nakakatakot pa sa lugar na ito. Tandaan mo, nasa teritoryo tayo ng mga masasamang engkanto kaya napaliligiran ito ng kanilang mga kampon.”

“Lahat ba sila, masama?” usisa ng prinsesa.

“Hindi. Hindi naman siguro lahat.”

Bumungad kina Amara at Irma ang mala-kristal na linis ng tubig sa ilog. Umaagos ito patungo sa kanluran. Pinatid nito ang matindi nilang pagkauhaw. Matapos ang sandaling pagpapahinga, muli na silang lumakad pero hindi pa man sila tuluyang nakalalayo ay may naramdaman nang kakaiba si Amara. Napansin niya ang pagkonti ng tubig at ramdam niya na may nakatingin sa kanila buhat sa likuran. Kaagad niyang tinakbo ang lambanang apoy na Irma at 'di nagdalawang isip na yakapin ito. Bumuhos sa kanila ang malamig na tubig na tila ba ibinuga ng kung akong nilalang hanggang sa marinig nila ang pagtawa nito. Galit naman itong nilingon ni Amara.

“Sino ka?” singhal ni Amara.

“Siya ang berberoka, si Beka,” bulong sa kanya ni Irma.

Isa itong halimaw-tubig na mistulang isang malaking isda at kalahating tao. Nakatira ito sa mga ilog o lawa. Hinihigop nito ang tubig hanggang sa madaling makita ang mga isda, kapag natukso na nito ang mga bibiktimahin, ibubuga nila ang tubig na hinigop nila at lulunurin ang mga ito.

“Ang lakas ng loob mong singhalan ako sa teritoryo ko! Hindi mo ba alam na kaya kitang lunurin ngayon?” galit na ganti nito.

“Hindi mo rin ba alam kung sino’ng nasa harapan mo?” ganti naman ni Irma na buong tapang itong hinarap.

Napakunot ang noo ng berberoka. Pinasadahan nito ng tingin si Amara hanggang sa mamilog ang mga mata nito.
“Siya ba? Kaya ba hindi siya nasunog nang yakapin ka niya?”

“Oo,” tipid na sagot ni Irma.

“Umalis na kayo! Ayaw kong madamay sa gulo n’yo!” tila takot na tinuran nito. Akmang tatalikod na ito paalis nang pigilan siya ng tinig ni Amara.

“Kilala mo ba ako, Beka?” tanong ni Amara pero nagpatuloy na ito sa paglayo. “Haharapin mo ba ako at sasagutin ang mga tanong ko o maaga kang lilisanin ng hininga mo? Mamili ka!” pananakot ni Amara.

Mukhang natakot naman ito at madaling humarap sa kanya. Parang batang paslit na biglang nabahag ang buntot nang tawagin ng kanyang ina. “H’wag, pakiusap. Ayaw ko lang talagang madamay,” maamong wika nito.

“Hindi naman kami nagpunta rito para sa 'yo, pero ikaw mismo ang nagpakita sa akin ng dahilan para isipin kong may kailangan kang sabihin sa 'kin. Ano’ng alam mo?” usisa ng prinsesa.

“Wala,” pagtanggi ni Beka.

“Hinahanap ko ang aking ina. Si Reyna Estrelya ng kahariang Verganda sa silangan. Baka nakita mo siya,” mariing tinuran ni Amara na tila ba may ibig ipahiwatig habang nakatitig sa mga mata nito.

“Hindi, prinsesa. Wala talaga akong alam.”

“Nagsisinungaling siya, Amara. Nararamdaman ko,” muling bulong naman ni Irma.

“Kapag napatunayan kong nagsisinungaling ka, babalikan kita. Tandaan mo 'yan, Beka,” muling pananakot ni Amara sa berberoka. Tinalikuran na nila ito. Samantala, labag naman ito sa kalooban ni Irma.

“Bakit? Alam kong nagsisinungaling siya. Mukhang may alam siya. Sayang din ng impormasyon na makukuha natin sa kanya,” pagmamaktol ng lambana na nakapamaywang.

Ngumiti lang sa kanya si Amara nang makahulugan.

“Teka, sandali! May sasabihin ako,” sigaw ng berberoka habang humahabol sa kanila.

“Ano 'yon, Beka?” nakangiting tanong ni Amara nang harapin nila ito.

“'Yon bang Estrelya na tinutukoy mo ay isang magandang babae na kamukha mo, kulay ginto rin ang buhok, maputi at may suot na kwintas na may pulang hiyas?” paglalarawan nito.

Nang dahil sa mga narinig, nabuhayan ng pag-asa ang puso ni Amara. “Oo, siya ang aking ina.”

“Nagdaan sila rito, ilang taon na ang nakalilipas. Hindi ko makakalimutan ang kanyang mukha habang nagmamakaawang tulungan ko siya. Kaya lang, natakot ako. Higit na makapangyarihan ang mga may hawak sa kanya kaysa sa akin,” paliwanag ni Beka.

“Saan siya dinala?”

“Hindi ko alam, pero narinig kong sa libis sila dadaan. Mangyaring hanapin n’yo ang anggitay na si Rida. Maaring may nakita siya.”

“Hindi ba siya dinala sa kaharian ng mga masasamang engkanto?” usisa ni Amara.

“Mukhang doon sila nanggaling bago mapadaan dito. Nagtangka raw kasi itong tumakas kaya nagkahabulan sa gubat. Sa wari ko, hindi na siya ibinalik doon at dinala na siya sa ibang lugar. Pero hindi ko na alam kung ano’ng ginawa nila sa kanya.”

“Malaking tulong na ito sa 'kin,” nakangiting tinuran ni Amara.

“Bukang-liwayway kung makita si Rida sa libis. Mailap siya, lalo na sa mga dayo. Mapanlinlang. Kaya dapat n’yo siyang paghandaan. Makatutulong kung mayro’n kayong hiyas o anumang alahas. 'Yon ang kanyang kahinaan. Madali siyang masilaw. Malaking tulong kung malinlang n’yo siya bago niya kayo maunahan,” bilin ng berberoka sa kanila.

“Salamat sa impormasyon, Beka.”

“Hangad kong magkita kayong muli ng iyong ina. Kung magwawagi ka man sa pagsubok na ito sa buhay mo, sana h’wag mo akong kalimutan. Gusto kong sumama sa 'yo at sa inyong kaharian. Handa akong maging mabuti at talikuran ang masamang pagkakakilala nila sa mga katulad ko. Patawad din kong napagkatuwaan ko kayo.”

“Wala 'yon. H’wag kang mag-alala, kaibigan. Hindi kita kalilimutan.”

“Paalam,” wika ni Beka bago sila tuluyang iniwanan.

Nagkatinginan naman silang dalawa.
“Pa’no mo nagawa 'yon, Amara?” pagtataka ni Irma.

“Ang alin ba?”

“Napabait mo siya at nakuha mo ang loob niya. At saka, nayakap mo ako nang hindi ka man lang napapaso o nasusunog?” Pinagdaop ng lambana ang kanyang dalawang kamay.

“Kanina lang sa sangang daan, may kakaiba na akong nararamdaman sa katawan ko. Para ring may mga bumubulong sa 'kin kung ano’ng gagawin ko,” sagot ni Amara.

“Ang galing! Nagsisimula na, Amara!”

Hindi naglaon, sa gitna ng kanilang pag-uusap, nakarinig sila ng kakaibang tunog na tila malapit lang sa kanila.

“Hala! Ano 'yon?” naibulalas ni Irma.

---

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon