***
“Ang bakunawa, kinakain niya ang buwan!” sigaw ng isa sa mga salamangkero.
“Mahal ako ng aking ina, Zarina. Gagawa at gagawa siya ng paraan para tulungan ako at ang mga mahal niya. Sana naisip mo 'yan!”
Nagulat silang lahat nang may maraming tubig na bumuhos mula sa kinaroroonan ni Amara. Napalingon naman siya sa pinagmulan niyon at doo’y nakita niya ang nakangiting berberoka.
“Beka! Nandito ka!” natutuwang sigaw ng prinsesa.
“Nandito silang lahat kaya hindi ako maaring mawala. Patawad, nabasa kita.”
“Wala 'yon, malaking tulong 'to.” Nabaling ang tingin ni Amara kay Zarina na matalas ang tingin sa berberoka. “Nakakainis bang malaman na ang mga inaasahan mong kampon mo ay nasa panig ko ngayon?” mapanuya niya namang sigaw kay Zarina.
Mula sa kanyang mga kamay ay namuo ang nangngangalit na kuryente. Sa kanyang pagbibigay ng buong lakas doon, dumaloy ito sa bakal at kadena patungo kay Zarina. Kasabay naman nito ang pagtanggalan ng mga ito mula sa pagkakatali sa kanya. Sumigaw si Zarina sa sakit, maging ang kanyang mga salamangkero at kapwa sila nawalan ng malay.
Nagsimula ang tunay na laban, sa pagitan ng kabutihan at kasamaan. Habang sa mundo ng mga mortal, natutuwang pinapanood ng mga tao ang nagaganap na eklipse. Walang kamalay-malay sa digmaang nagaganap sa kabilang mundo para sa katahimikan, hindi lamang sa mundo ng mga engkanto pero maging sa kanila. Habang ang lahat ay kinatatakutan ang mga nilalang na ito, may ilang bumaliktad at pinili pa rin ang kaligtasan nila sa kamay ng kasamaan.
Tila umapaw ang mga tubig sa ilog at karagatan. Galit na hinahambalos ang mga maiitim ang budhi. Nagsidatingan din ang mga ibon sa himpapawid, ang mga kabayo at toro’y kumawala sa kanilang mga hawla, at maging ang mga ahas ay piniling lumaban sa panig na kanilang pinili. Ikinagulat din ni Amara ang pagpanig sa kanila ng dalawang higante.
Nagtama ang paningin nina Olan at Amara. Wala mang binibigkas na salita, tila nagkakaunawaan.
Nagkaharap sina Kael at Olan. Naging madugo iyon. Nagulat na lang si Amara nang pumagitna sa dalawa si Satur at nagmakaawa. “H’wag! H’wag n’yong papatayin ang aking anak, parang awa n’yo na.”
“Anak?” naibulalas ni Amara.
“May pagtingin sa akin si Zarina noon, pero mas pinili ko ang aking yumaong kabiyak na si Jona. Isang gabi bago siya natagpuang patay, nilinlang ako ni Zarina. Walong taon na si Kael nang malaman kong may anak ako, pero tinalikuran ko siya. Parang—”
“Satur!” sigaw ni Amara nang bigla itong natigilan at lumuwa ng dugo. Bumulagta ito sa kanyang harapan.
“Wala kang kwentang ama!” sigaw ni Kael habang hinuhugot ang duguang espada sa likuran ng pantas.
“Ikaw ang walang kwentang anak!” sigaw ni Amara. Mabilis niyang nalapitan si Kael at sinakal ng buong lakas habang dumadaloy sa kanyang katawan ang malakas na kuryente at hindi maipaliwanag na lakas. Wala na itong buhay nang bitawan niya.
“Kael!” sigaw mula sa kanyang likuran ng umiiyak na si Zarina. “Walang hiya ka, Amara!” Umangat ang mga bato sa paligid dahil sa galit ni Zarina. Lingid naman sa kanilang kaalaman ni Olan, ang espadang nabitawan ni Kael ay lumutang din sa ere.
“H’wag!” sigaw ng isang pamilyar na tinig.
Nang lumingon si Amara, nakita niya na lang ang kanyang ama na humarang sa paparating na espada at siyang tumarak sa likuran nito.
“Ama!” naluluhang sigaw ni Amara. Umiiyak niyang nilapitan ang ama at niyakap.
“Anak, patawad sa mga pagkukulang ko at sa napakalaking pagkakamali na nagawa ko. Ang hangarin ko lang ay magkaroon ka ng isang inang mangangalaga sa 'yo at reyna ng ating kaharian, pero hindi ko alam na nahulog na pala ako sa patibong ng kalaban,” pahayag nito kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha.
“Lumaban ka ama. Buhay si ina. Magkakasama-sama na tayong muli.” Tinapik-tapik ni Amara ang pisngi ng ama. Ang mga mata nito’y unti-unti nang pumipikit.
“Ama, h’wag mo akong iwan.”
“Mahal na mahal kita, anak.” Iyon na ang huling salitang kumawala sa bibig ni Haring Nerio. Bumagsak sa lupa ang kamay niyang mahigpit na nakahawak sa balikat ng kanyang prinsesa.
Galit na ibinaling ni Amara ang kanyang luhaang mga mata sa tumatawang si Zarina. “Walang hiya ka! Magbabayad ka!”
Noon naman ay paisa-isang na silang inaatake ng mga batong kinokontrol ni Zarina na nasasalubong naman ng buntot ni Olan. Paisa-isang nagdatingan ang mga kaibigan ni Amara at pinalibutan ito. Ibinalik sa kanya ang mga batong ipinupukol niya. Duguan na siya, ngunit hindi pa rin ito tumitigil.
“Nag-iisa ka na lang. Sumuko ka na,” babala ng sarangay na sinundan naman ng mapang-asar na tawa ng anggitay.
“Hindi pa tayo tapos!” galit na ganti ni Zarina. Bigla itong nawala sa kanilang paningin at ikinagulat ni Amara ang paglitaw nito sa kanyang tabi. Sinakal siya nito nang malakas at pinagbantaan ang kanyang mga kaibigan.
“Amara!” naibulalas ni Olan. “Bitawan mo siya!”
Nabaling ang tingin nila sa buwang unti-unti nang iniluluwa ng bakunawa.
“Ang buwan!” tila nabuhayang sigaw ni Zarina.
“Ano pa ba ang silbi ng buwan sa 'yo ngayon? Wala na. Lumipas na ang pagkakataon mo!” sarkastikong tinuran ni Amara.
“Kung hindi ko makukuha ang kapangyarihan mo sa tulong ng kanyang liwanag, gagawin ko sa sarili kong paraan. Katulad ng ginawa ko sa 'yong ina!” nanginginig na tinuran nito. Paharap niyang sinakal si Amara. Pahigpit nang pahigpit hanggang sa maibuhos na niya ang kanyang buong lakas. Ganoon pa man, wala siyang pag-aalalang narinig mula sa mga kaibigan ni Amara. Nakita niya pa nang gumuhit ang mga ngiti sa labi ng prinsesa.
Ilang sandali lang, natigilan si Zarina. Dinig nilang dalawa ang tunog ng napunit na damit at laman. Mayamaya’y lumuwa rin ito ng dugo. Nabitawan niya si Amara at nilingon ang kung sinumang nilalang na sumaksak sa kanyang likuran. Napamulagat na lamang siya nang tumambad sa kanya ang nakangiting mukha ni Amara habang hawak ang nilikha nitong punyal na may kinang ng mga bituin, ngunit may galit na tila isang kidlat. Muli pa siyang sinunggaban ng saksak ni Amara sa dibdib at hindi man lang siya nakapanlaban.
Nakita pa niya ang paglapit ng Amara na kanina'y sakal-sakal niya at ang pag-iisa ng dalawang katawan.
“Masyado mo akong minaliit. Ngayon, ang kamatayan mo ang kapalit ng mga masasamang ginawa mo. Kasama na ang ginawa mo sa aking ina, sa panlilinlang sa aking ama, sa pagpatay at pananakit sa mga kaibigan ko at sa pang-aabuso mo sa akin noon. Ngayon, natupad ko na ang itinakda. Ang sunduin ng kamatayan ang inyong paghahari!” galit na wika ni Amara.
Hindi naglaon ay bumagsak si Zarina sa lupa. Nalagutan ito ng hininga. Ang tanda ng kanilang tagumpay.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...