KABANATA 6

194 11 0
                                    

***

Matapos manghuli ng isda para sa kanilang hapunan, nagtungo sila sa liblib na bahagi ng libis upang doon na magpalipas ng gabi. Lumikha si Irma ng siga upang maibsan ang ginaw na hatid ng gabi. Doon na rin sila mag-aabang sa anggitay.

“Busog na ba 'yong halimaw sa loob ng tiyan ng prinsesa?” pabirong tanong ni Irma.

“Oo, salamat sa mga isdang 'to,” natatawa namang sagot ni Amara.

“Mabuti na lang, hindi pa nakakalayo si Beka kanina. Natulungan niya tayong manghuli ng isda, kundi wala tayong kakainin ngayong gabi.”

“Konting tiis lang. Pasasaan ba’t mararating din natin ang dulo ng paghahanap natin. Hindi na tayo magugutom at mapapagod,” nakangiting tinuran ni Amara.

“Sana nga, para maging ligtas ang buong mundo para sa lahat.”

“Sige na, matulog ka na. Kailangan nating mag-ipon ng lakas para bukas.”

Nahiga si Irma sa kandungan ni Amara, habang ang prinsesa naman ay nakontento na lamang sa pagkakalapat ng kanyang likod sa isang malaking puno na nagkakanlong sa kanila.

Bukang-liwayway nang maalimpungatan si Amara dahil sa mga kaluskos mula sa hindi kalayuan. Tahimik niyang ginising si Irma. Gumapang siya patungo sa matataas na damo at doon nagtago. Nang silipin niya kung sino 'yon, namangha siya sa kanyang nakita. Isang puting kabayo na ang kalahating katawan ay sa tao. Mayroon itong isang sungay sa uluhan na katulad ng sa isang unikornyo. Mahaba ang kulay puti ring buhok nito.

“Ang anggitay!” mahinang naibulalas ni Irma.

Matapang na tumayo si Amara at dahan-dahang nilapitan ang anggitay.

“Oy, teka! H’wag! Sandali!” pigil sa kanya ng munting kaibigan pero hindi siya nakinig.

“Rida…”

Napaigtad naman sa gulat ang anggitay at akmang tatakbo na palayo.

“Sandali, kaibigan. Mayro’n akong munting handog para sa 'yo,” pigil ni Amara sa kanya. Inilahad niya ang kanyang kamay. Nasa kanyang palad ang isang kwintas na may kulay gintong hiyas. Ang regalo sa kanya ng kanyang ina noon.

Samantala, napako naman doon ang tingin ng anggitay. Dahan-dahan itong lumapit sa kanila. Tila naniniguro. Nakikiramdam.
“Sino kayo? Ano’ng ginagawa n’yo rito?” ma-awtoridad na tanong nito.

“Manlalakbay kami mula sa silangan. Napadpad kami rito ng aking kaibigan dahil may nakapagsabing maaring nakita mo ang aking ina,” paliwanag ni Amara.

“Ang iyong ina?” naibulalas nito.

“Oo. Sana matulungan mo ako.”

“Matagal nang walang naliligaw rito. Tahimik akong namumuhay rito nang walang nangangahas na manggulo sa akin hanggang sa dumating kayo!” bulyaw nito sa kanila.

“Dinukot ang aking ina, ilang taon na ang nakararaan, ng mga masasamang engkanto. Kamakailan ko lang nalaman ang posibilidad na hindi niya talaga kami iniwan at buhay pa siya, kaya nagpasya akong hanapin siya.”

“Sino?” napaisip si Rida. “Isa lang naman ang naaalala ko. Ang babaeng kasing ganda ng bituin sa gabi. Ang reyna mula sa silangan,” pagkasabi niya nito ay namilog ang kanyang mga mata at napaatras.

“Siya nga! Nasaan siya?” usisa ni Amara.

“Ikaw marahil ang kanyang anak na sinasabing may marka ng buwan sa noo. Ang tinutukoy sa nasusulat na propesiya na papatay sa mga masasamang engkanto,” tila natatakot niyang tinuran.

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon