KABANATA 10

196 9 0
                                    

***

Pagsikat pa lamang ng araw ay tinungo na nila ang dalampasigan. Walang mapagsidlan ang kasabikan ni Amara na makita ang minokawa na magdadala sa kanya sa dulo ng kanyang paghahanap sa nawalay na ina. Umaasa siyang magandang balita ang maririnig at ang mga magiging kasagutan sa kanyang mga nakahandang tanong.

Maputi ang pinong buhangin sa dalampasigan. May mangilan-ngilang maliliit na kabibe roon na nilalaro ng kanyang mga daliri. Minsan nama’y gumuguhit siya ng mga imahe sa buhangin. Dinig niya ang bawat hampas ng alon sa batuhan. Habang kakaibang tuwa naman ang kanyang nararamdaman kapag naaabot ng hampas ng tubig dagat ang kanyang mga paa. Para siyang isang bata na tuwang-tuwang maupo sa dalampasigan habang nilalaro ng hangin ang kanyang mahabang buhok at nadadampian ng malamig na tubig.

“Amara, alam mo, kanina pa masama ang kutob ko. Parang may mangyayaring hindi maganda,” pagbasag ni Irma sa katahimikan. Nakaupo ito sa isang piraso ng tuyong kahoy na nasa tabi ni Amara. Habang ang kasama nilang sina Olan at Egay ay nakatulog sa ilalim ng punongkahoy, sa hindi kalayuan.

“Bakit? Ano ba’ng bumabagabag sa isipan mo?” usisa ni Amara sa kaibigang lambana.

“Baka nasundan tayo ng sigbinan at nakapagsumbong siya sa mga kasamahan niya. Baka mabulaga na lang tayo sa pagdating nila at kunin ka sa amin,” pag-aalala ni Irma. Tila ba umiiyak ito dahil sa malimit na pagpunas sa mukha ng kanyang mumunting mga kamay.

“Hindi n’yo naman hahayaang mangyari 'yon, 'di ba?”

“Hindi, s’yempre. Pero paano kung magtagumpay sila.”

“Makuha man nila ako, hindi ibig sabihin no’n na magtatagumpay na sila. Alam kong hindi papayagan ni Bathala ang maiitim nilang plano. Baka nakakalimutan mong, magiging higit na makapangyarihan ako sa kabilugan ng buwan. Lalaban ako, kahit ano’ng mangyari.”

“Ang tapang mo talaga. Sana nandito ang iyong ama para mamulat sa katotohanan at maprotektahan ka laban sa mga masasamang engkanto,” tugon ni Irma. Napabuntong hininga siya. “Nakapagtataka…”

“Ang alin?”

“Hindi na rin nagpaparamdam si Satur. Hindi na siya nagbibigay ng babala sa mga panaginip ko. Baka kung napa’no na siya.”

“H’wag mong sabihin 'yan. Sana, abala lang siya.”

Muli silang natahimik. Nabaling sa ganda ng kalikasan ang mga matang nanlabo dahil sa mga luhang dumudungaw sa mga mata na pilit pinipigilan sa pagpatak. Para magkunwaring matapang. Para hindi kakitaan ng kahinaan ng mga kaaway na maaring gamitin laban sa kanila. Maaring nasa paligid lang ang mga ito at naghihintay na lang ng tamang pagkakataon.

Napansin ni Irma ang malimit na pagtingin ni Amara sa natutulog na si Olan. Hindi niya maiwasang mag-usisa dahil sa koryusidad. “May pagtingin ka ba sa kanya?”

Tila nagulat naman si Amara sa narinig. Namilog ang mga mata nito at biglang namula. “Ano ba’ng sinasabi mo, Irma? Hindi ito ang tamang panahon para isipin 'yan.”

“Hindi lahat ng bagay, naililihim. Kapag umiibig ka, kahit walang salitang kumawala sa 'yong bibig, kusa siyang makikita sa kilos. At sa obserbasyon ko, pareho kayong may pagtingin sa isa’t isa. Hindi ako naniniwalang gusto niya lang ng hustisya para sa kanyang ama kaya sumama siya sa atin. Matagal niya na dapat ginawa. Bakit ngayon lang pagkatapos ng ilang taon?” duda ni Irma.

Nagkibit-balikat lamang si Amara. Hanggang sa maagaw ang kanyang pansin ng isang malaking ibon na paparating. Bahagya siyang napangiti nang lumapag ito sa kanyang harapan.

“Nomi, mabuti at dumating ka na. Akala ko, hindi mo natanggap ang aking mensahe,” wika ng sarangay na tumatakbo palapit sa kanila, kasunod si Olan.

“Maaari bang hindi? Pinakahihintay ko kaya ang sandaling ito,” tugon nito. Nabaling ang tingin nito kay Amara.

“Siya si Amara, ang anak ng reynang si Estrelya. Ang batang may marka ng buwan sa noo. 'Di ba’t ang ganda niyang binibini,” natutuwang pakilala ni Egay kay Amara. Habang ang prinsesa naman ay tumayo at hinarap ito nang maayos.

“Nakita ko nga. Kamukhang-kamukha ng kanyang ina.”

“Nakita n’yo raw ang lahat? Ano'ng alam mo? Buhay pa ba ang aking ina?” sunod-sunod na tanong ni Amara.

“Oo. Ang alam ko, ipinadukot nila ang reyna para makapasok ang kanilang pinuno sa inyong kaharian—sa inyong buhay. Gusto nilang makuha ang lahat nang mayro'n ito, pati ikaw at ang kapangyarihan mo,” kwento ng minokawa.

“Sino siya? 'Yon bang babaeng nakaitim na may takip ang mukha?” urirat niya.

Napailing ang minokawa. “Ang tinutukoy mo yata ay ang kanyang kanang-kamay na si Sena. Ang kanilang pinuno at ang utak nang lahat ng ito ay walang iba kundi ang iyong madrasta na si Zarina,” pagbubunyag ni Nomi.

Napaluha ito at nagulat sa mga nalaman. Nang mga panahong iyon ay nagsisimula nang maging malinaw sa kanya ang lahat. Kaya pala gano’n ang trato nito sa kanya at pilit minamanipula ang kanyang buhay. Duda niya rin, nasa ilalim ng kapangyarihan nito ang kanyang ama kaya walang kahit anong pagtutol ang hari sa hindi magandang ipinakita nito.

“Ano ba 'yong sinasabi nilang ritwal ng pagsasalin? Ano’ng gagawin nila sa akin?”

“Sasailalim ka sa isang ritwal. Sa tulong ng liwanag ng buwan at ng kapangyrihang bumibihag dito, maging ng dalawang makapangyarihang salamangkero na nasa kanilang panig, ililipat nila sa katawan ni Zarina ang iyong kapangyarihan. Wala silang ititira kahit kaliit-liitang kakayahan mo. Hihigupin nila ang lahat hanggang sa manghina ka at tuluyang mamatay. Gagamitin nila ang pambihira mong lakas para sakupin, hindi lang ang ating mundo kundi pati ang mundo ng mga tao. 'Yan ang kinakatakutan ng iyong ina—ang maghari ang kasamaan.”

“Ang aking ina…” natigilan ang maluha-luhang si Amara. “Nasaan ang aking ina? Dalhin mo ako sa kanya, pakiusap.”

“Handa ka na bang makita siya? Handa ka na bang makita ang rurok ng kasamaan nila?” makahulugang tanong nito.

Tumango si Amara, kasunod ang mga luhang nag-uunahan sa pagpatak. Ang hindi maikukubling takot at pangungulila na humahalik sa kanyang mga pisngi.

“Kung gano’n, panahon na. Naghihintay na siya,” wika nitong sinundan ng makahulugang tawa. Samantala, takot naman ang hatid nito sa mga kasama ni Amara.

Walang ano-anong lumipad ito at walang pasabing dinagit siya. Kinabahan man si Amara sa posibilidad na panganib, kumapit siya sa pag-asa at konting tiwala na nararamdaman niya sa kanyang dibdib para rito. Kung anuman umano ang sapitin niya, iyon ang kanyang kapalaran.

“Teka! Saan mo siya dadalhin?” sigaw ni Olan.

“Amara!!!”

---

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon