***
Ikinagulat ng lahat nang magpasya si Haring Nerio na pakasalan si Zarina at putungan ito ng korona bilang reyna. Ganoon din ang pantas na si Satur. Sinisi niya ang kanyang sarili. Sinubukan niyang pigilan ang hari at bawiin ang kanyang mga naging payo, ngunit hindi niya na ito nakumbinse. Huli na kasi nang muli siyang makakita sa kanyang isipan ng mga pahiwatig, at ang mga ito’y hindi maganda.
“Hindi ito maaari. Isang malaking pagkakamali,” napapailing niyang nasabi habang nakatitig sa reyna sa gitna ng kasiyahan.
Samantala, sa kabila ng pagtanggap at tuwa ni Amara para sa kanyang ama at sa buong kaharian, iyon na rin ang naging simula ng kanyang kalbaryo. Walang araw na hindi siya sinasaktan ng madrasta. Sa tuwing magsusumbong naman siya sa kanyang ama, nagagalit ito at hindi naniniwala. Hanggang mapansin niya na maging ang kanyang ama ay nagbago na. May mga pagkakataong nakikita nito ang pangmamalupit sa kanya, pero wala itong ginagawa. Ang kanyang tagapangalaga na si Leona lamang ang kanyang naging sandigan sa loob ng ilang taon. Iyon lamang at ang pantas ang naaasahan niya at alam niyang nahahabag sa kanyang kalagayan.
Isang araw, nagkaroon ng piging sa kaharian.
“Leona, ano 'yan?” usisa ni Amara sa nakasalubong.
“Pinapakuha ng reyna itong kwintas niya. Naiwan niya,” kunot-noong sagot nito.
“Ako na'ng magbibigay sa kanya,” wika ni Amara na ikinatuwa ng kanyang tagapangalaga.
“Talaga ba, Amara? Sigurado ka?”
“Oo, naman.”
“Sige, heto. Salamat ha. Kailangan ko pa kasing asikasuhin ang pagkain ng mga bisita,” natutuwang tinuran ni Leona.
Kaagad namang pinuntahan ni Amara ang naghihintay na madrasta, subalit pagdating niya sa kasiyahan ay wala ito roon. Naisip niyang baka nasa loob ng isa sa mga silid kaya bumalik siya. Natuwa naman siya nang marinig ang boses nito na nagmumula sa loob ng isang silid. Nakabuka ang pinto nito, subalit bigla siyang natigilan nang makita niyang may kausap itong babae na hindi niya kilala. Nakasuot ito ng itim at mayroon ding itim na balabal na nakatakip sa mukha nito kung kaya’t mata lang ang nakikita. Nagtago siya sa gilid ng pinto upang pakinggan ang tila seryoso nilang pag-uusap.
“Kailangan maisakatuparan ang ating mga plano. Mahabang panahon na rin ang iginugol ko rito. At ngayong malapit na ang ikalabing-walong kaarawan ni Amara, nalalapit na rin ang aking malawakang pamumuno at malakas na kapangyarihan,” wika nito.
“Makumbinse n’yo kaya si Haring Nerio, mahal na reyna?” tanong nito.
“Oo naman. Sino ba ang aayaw sa kunwaring pagkakaisa?” humalakhak ito. “Ang ipakasal ang nag-iisa niyang anak at ang prinsipeng si Kael ng mga itim na engkanto ay siyang magiging susi sa pagkakaisa at katahimikan ng lahat. Pero bubulagain na lang sila ng katotohanan na ang lahat ay pawang panlilinlang. Ang sinumang humarang, papatayin ko!” mariin at makahulugan niyang sagot.
“Paano kung lumutang si Estrelya?” muling tanong ng babaeng nakaitim.
“Hindi niya magagawa 'yon dahil nakasalalay ang maraming buhay sa konti niyang pagkakamali. Isa pa, paparating pa lang siya, baka pinauulanan na siya ng mga umaapoy na palaso ng mga kawal.” Dumungaw siya sa may bintana at tinanaw ang mga panauhing nagkakatuwaan. “Sige na, umalis ka na. Baka may makakita pa sa 'yo. Iparating mo kay Kael ang mensahe ko,” bilin niya.
“Masusunod, mahal na reyna,” tugon nito. Kasabay ng unti-unti nitong paglalaho.
“Humanda ka, Amara!”
Dahil sa kaba, nabitawan ni Amara ang kwintas kaya lumikha ito ng ingay. Mabilis siyang tumakbo palayo para hindi siya nito makita.
Samantala, kinakabahang lumabas ng silid si Zarina at nakita niya ang kanyang kwintas sa sahig. Pinulot niya iyon at hinawakan nang mahigpit. “Ano’ng narinig mo, Leona? B’wisit!”
***
Ilang araw ang lumipas, ginugulo pa rin ng mga narinig ang kanyang isipan. Hinihiling ng kanyang puso na sana, hindi pumayag ang kanyang amang hari.
“Sino ka ba para magpasya sa buhay ko para sa sarili mong interes? Hindi ka magtatagumpay dahil alam kong hindi papayag si ama. Hindi siya makikipagsundo sa angkan ng masasama, lalo na ang ipakasal ako sa isa sa kanila,” nanggagalaiti niyang bulong sa sarili habang pinagmamasdan niya mula sa durungawan ng kanyang silid ang hari at reyna na nag-uusap sa hardin. “Kung tama ang pagkakarinig ko, buhay si ina. Alam kong tutulungan niya ako.”
Nakatulugan niya ang pag-iyak at magtatakipsilim na nang gisingin siya ng mga katok. Naalimpungatan siya pero nagdalawang isip na buksan ang pinto kaya muli siyang bumalik sa pagkakahiga. Subalit, tila desidido itong makausap siya. Bumukas ang pinto ng kanyang silid at iniluwa niyon sina Haring Nerio at Zarina.
“Anak,” tawag nito sa kanya.
Napatingin si Amara sa ama nang walang mababakas na pagkasabik o kahit na anong emosyon sa kanyang mga mata, kundi lungkot.“Amara, maghanda ka para bukas. Darating sina prinsipe Kael upang makipag-isa sa atin, nang sa gano’n wala nang kaguluhan pa sa ating pagitan. Sana, salubungin mo nang masayang pagbati ang iyong mapapangasawa,” paliwanag nito.
Napamulagat si Amara. Nagulat siya sa sinabi ng ama. Pumayag ito sa plano ni Zarina nang hindi muna siya tinatanong kung gusto niya. Nabaling ang kanyang tingin sa reynang malapad ang ngiti.
“Hindi! Hindi ako magpapakasal sa taong hindi ko kilala at lalo na sa taong hindi ko naman mahal para sa sarili ninyong kagustuhan!” pabalang niyang sagot.
“Ayaw mo ba ng katahimikan at pagkakaisa, anak? Ayaw mo bang maging masaya?”
Napabangon siya dahil tila nangibabaw ang inis niya sa mga narinig. “Bakit ama, sa tingin mo ba maligaya ako? Mula nang magpakasal ka sa babaeng 'yan, naging impiyerno na ang buhay ko. Pati ang relasyon nating dalawa, sinira niya. Malaking pagkakamali ang pagpayag mo sa mga ibinubulong sa 'yo ng traydor na 'yan! Kahit kailan, hindi niya mapapalitan o mahihigitan ang aking ina!”
“Wala kang respeto! Lahat ng ginagawa namin ay para sa kinabukasan mo!”
“H’wag kang magbulag-bulagan, ama. Lahat ng ito ay para lang talaga sa kinabukasan at kagustuhang sakupin ang lahat nang naaabot ng paningin niya. May masama siyang binabalak. Siya rin marahil ang dahilan kung bakit nawala ang tunay na reyna ng kahariang ito.”
“Tingnan mo, Nerio. Napakasuwail naman talaga nitong anak mo. Naturingan pa namang prinsesa. Nagagawa pa niyang pagbintangan ako sa mga bagay na hindi ko ginagawa,” pagpapaawa niya sa hari na maluha-luha pa.
“Hindi nababagay sa 'yo ang korona ng aking ina!” Mabilis niyang sinunggaban si Zarina at inagaw ang koronang nakaputong sa ulo nito. Nagulat na lamang si Amara nang isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Nabitawan niya ang korona at gumulong ito sa kanyang paanan.
“Susunod ka sa ayaw at sa gusto mo, kung ayaw mong palayasin kita sa kaharian ko!” sumbat sa kanya ng hari kasabay ng pagtalikod sa kanya ng dalawa. Kaagad ding pinulot ni Zarina sa sahig ang korona.
“Kung ang umalis ang tanging paraan, mas mabuti pa nga,” nanginginig na tinuran ni Amara kasabay nang paghalik ng malakristal niyang luha sa kanyang pisngi.
“Anuman ang pasya mo, nasa panig mo ako,” isang tinig na gumulat sa kanya mula sa hindi niya matukoy na direksyon.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...