***
Nadatnan nila si Irma sa sitwasyong hindi nila inaasahan. Nag-aagaw-buhay. Subalit alam nilang pilit itong lumalaban. Hindi nila alam ang kanilang gagawin sa kaibigang lambana, lalo na’t wala rin silang kakayahan para tulungan ito. Si Reyna Estrelya at Amara lamang ang alam nilang makatutulong dito pero kapwa ito hawak ng masasamang engkanto. Mapuntahan man nila ang reyna sa karagatang nagsisilbi nitong bilangguan, wala siya sa tunay na katauhan at sapat na kapangyarihan sa anyong iyon.
Umalingawngaw ang mga sigaw ni Olan sa kalawakan ng wawa. “Kasalanan ko 'to. Hindi ko siya dapat hinayaang mawala sa paningin ko. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag may masamang nangyari sa kanya,” paninisi nito sa kanyang sarili.
“Wala kang kasalanan. Sadyang naisahan lang tayo ng mga kaaway,” sabat ni anggitay. “Oo, madalas tayong nagkakaroon ng hidwaan dahil sa away natin sa teritoryo. Masama ang tingin natin sa isa’t isa. Pero ngayon, mas nakilala kita. Mabuti ka—tayo. Gamitin natin ang kabutihan sa mga puso natin na pinukaw ng prinsesa para iligtas siya.”
“Tama si Rida. May dalawang araw pa tayo para magtungo sa kaharian ng mga masasamang engkanto at paghandaan ang bawat hakbang natin. Sa pagkakataong ito, hindi na tayo maaring magkamali,” pagsang-ayon ng sarangay.
“Maiwan ko muna kayo. Kailangan kong balitaan ang reyna. Itatanong ko na rin sa kanya kung ano’ng dapat gawin kay Irma,” paalam ni Nomi na dagli namang ibinuka ang malalapad na pakpak at lumipad palayo.
Napatingin si Olan sa kanyang palad kung saan naroroon ang walang malay na lambana. “Irma, lumaban ka. Hindi mo kami maaring iwan. Kailangan namin ang tulong mo. Kailangan ka ni Amara,” naluluhang wika ni Olan.
“Ano’ng gagawin natin?” tanong ni anggitay. “Kailangan na nating maghanda.”
***
Nakagapos ang mga kamay at paa. May mga pasa at sugat sa mukha at braso dahil sa panlalaban sa mga dumukot sa kanya. Ikinulong siya sa isang madilim na silid. Nag-iisa man siya roon, alam niyang may kasama siyang mga ligaw na kaluluwa—mga kapwa biktima o kaaway.
Hindi naman maglalaon ay maghihilom din ang mga sugat, mawawalan ng bakas ang mga pasa at ang sakit ng katawan, ngunit hindi ang galit sa mga may sala sa kanya. Ang galit na sa halip ay paghilumin ng panahon, lalong lumalalim at lumalala ang sugat. Parang kanser na maaaring maging mitsa ng buhay o ng mga buhay. Sa mabuting puso ng isang prinsesang sinugatan, nilinlang at pinaikot sa isang madayang laro, umusbong na at yumabong ang tawag ng paniningil. Magulo man ang nakikita niyang sitwasyon, hindi ang kanyang kamalayan. Sapagkat mulat na mulat na ito sa katotohanan.
Sa wari niya’y isang araw na siyang nakakulong sa loob ng silid na iyon. Dama na niya ang matinding uhaw at gutom. Ganoon pa man, mas dama niya ang lungkot at labis na pag-aalala para sa lambanang si Irma. Nakita niya kung gaano niya ginawa ang lahat para iligtas siya pero hindi naging sapat iyon sa mas malalaking kalaban. Tila piniga ang kanyang puso nang makita niya ang malakas na pagtama nito sa bato at dagling pagkawala ng malay. Muli namang pumatak ang kanyang mga luha na halos buong araw niyang nakasama.
Mayamaya ay umalingawngaw sa kanyang paligid ang langitngit nang bumukas na pinto. Nasilaw naman siya sa liwanag na mabilis kumalat sa buong silid. Naaninagan niya ang pagpasok ng dalawang pamilyar sa kanya.
“Satur?” naibulalas ni Amara nang ilapag nito sa kanyang harapan ang dalang pagkain nito. Pagkatapos ay kinalagan nito sa pagkakatali sa kanyang mga kamay.
“May panahon ka pa para iligtas ang sarili mo, kung gugustuhin mo,” tugon sa kanya ng pantas.
Nabaling naman ang kanyang tingin sa ama. “Tulungan mo ako, ama. Itakas mo ako rito. Nililinlang ka lang ni Zarina. Papatayin ka rin niya kapag nakuha niya na ang gusto niya.”
“Mamili ka, Amara—mamamatay ka o pakakasal ka kay Kael,” tila walang emosyong wika ng kanyang ama.
Napaisip si Amara. Kung si Zarina ang pinuno ng mga masasamang engkanto katulad nang sinabi ni Nomi, maaring ang prinsipeng si Kael ay walang iba kundi ang kanyang anak. Iyon nga lang, napatanong siya sa sarili kung sino ba ang ama nito. Hindi pa ba nakukuntento si Zarina na pinakasalan na siya ng hari para ipitin pa siya sa sitwasyon upang mas humigpit ang kapit niya.
“Hindi! Hindi ako pakakasal sa kanya! Hinding-hindi! Isang malaking kahangalan 'yan, ama. Gumising ka!” sigaw niya rito.
“Tumahimik ka!” ganti naman nito sa kanya. “Kumain ka na lang at mag-ipon ng lakas. May panahon ka pa. Mamayang gabi na magaganap ang pinakahihintay nating lahat.” Tinalikuran siya ng mga ito nang hindi man lang kababakasan ng awa sa kanya.
Naging maulap ang kanyang paningin dulot ng mga luhang dumungaw sa kanyang mga mata. Noon din ay naalala niya ang maamong mukha ng naga na si Olan. Ang mukhang mas nanaisin niyang masilayan sa bawat pagsikat at paglubog ng araw.
“Hindi ako papayag sa gusto nilang mangyari. Sino ba sila? Hindi nila madidiktahan ang kapalaran at puso ko, buhay ko man ang maging kapalit.” Kinuyom niya ang kanyang mga palad na binalot ng matinding galit.
Kung gugustuhin niya man umanong pakasal, iyon ay sa totoong laman ng kanyang puso ayon sa sinasabi ng mga guhit sa kanyang palad. Iyong kahit wala mang ginagawa ay napaiibig siya, inaalala at binibigyan ng halaga. Iyong sa mga hawak at yakap lang, alam niyang ligtas siya at magiging masaya.
Umaasa siyang darating ang mga kaibigan, lalong-lalo na si Olan, sa takdang panahon para tulungan siya. Umaasa siyang may pag-ibig sa nararamdaman nilang dalawa para sa isa’t isa, sapagkat iyon ang kanyang nadama sa kanilang unang pagkikita.
Pagkalipas ng ilang oras, tila may kung anong malamig na yumakap sa kanya. Sa kanyang pagdilat, may nag-iba sa kanyang paningin na hindi niya matukoy kung ano. Napahawak siya sa kanyang ulo nang maramdaman ang kakaibang enerhiya na naroon. Mistulang umiihip ang malakas na hangin sa kanyang pandinig, kasabay ng mga boses—ang kanyang mga kaibigan.
Sa gitna ng kanyang pamimilipit sa sulok dahil sa hindi maipaliwanag na nangyayari, nagsulputan sa kanyang tabi ang mga lalaking nakaitim. Pinagtulungan siya nang mga ito palabas habang siya’y hindi maunawaan ang nangyayari sa kanyang katawan.
Isang malakas na halakhak ng isang babae ang naulinigan niya, bago nagdilim ang kanyang paningin.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...