***
Habang nasa ere, magkahalong pagkamangha at takot ang nasa kanyang dibdib. Pagkamangha sa magandang tanawin na nasisilayan ng kanyang mga mata. Ganoon pala umano ang nakikita ng mga ibong naglalakbay sa himpapawid. Napakagandang likha ni Bathala. Samantala, hindi naman niya maisantabi ang takot dahil patungo sila sa pusod ng karagatan. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isipan ng nilalang na may dala sa kanya. Ayaw niya mang isipin, ngunit natatakot siyang may masama itong plano sa kanya. Sa halip na dalhin siya sa kanyang ina ay baka lunurin siya o kaya nama’y isuko sa mga kaaway.
“Saan mo ba ako dadalhin?” naluluha niyang tanong.
“Bakit tila bigla kang nagduda sa akin at sa motibo ko, prinsesa?” tila nadidismayang balik-tanong nito.
“Tinatanong kita, saan mo ako dadalhin?” bulyaw niya.
“Amara, sa halip na bulyawan ako, hindi ba dapat nagpapasalamat ka? Halos abot-kamay mo na ang iyong ina. Alam kong kapwa kayo nangungulila sa isa’t isa,” pahayag naman nito na ipinagtaka ni Amara.
“Sa lugar na ito?” naibulalas niya. Rumehistro sa kanyang isipan ang tinuran ni Irma ayon sa bilin ni Satur.
Sundan ang dumadaloy na tubig.
“Estrelya!” sigaw ng minokawa. “Estrelya, umahon ka! Tingnan mo kung sino ang aking kasama!”
“Teka, naguguluhan ako. Bakit mo pinaaahon ang aking ina sa dagat gayong hindi siya mabubuhay d’yan? Hindi siya isang sirena o nilalang na pantubig,” kunot-noong urirat ni Amara sa minokawa na hindi man lamang nag-aksaya ng panahon para sagutin siya.
“Estrelya! Halika, kaibigan. Tapusin na natin ang mga pagdurusa sa mahabang panahon ng pag-iisa at paghihintay.”
Mula sa tahimik na dagat, nakarinig siya ng kakaibang tunog. Tila mayroong malaking nilalang na papalapit sa kanila. Hanggang sa maaninag niya ang isang malaking anino na papaahon. Kasunod ng pagbulwak ng tubig at pagtilamsik niyon sa kanyang mukha, napapikit man siya, alam niyang may nilalang na humarang sa liwanag ng araw sa kanyang harapan. Sa kanyang pagdilat, isang pamilyar na mukha ang tumambad sa kanyang paningin.
“Ikaw? Ikaw 'yon?” naibulalas ni Amara.
Ang mga matang may lungkot, mga makahulugang ungol, malaking katawan ng isang dragon at ang tunog na nagmumula sa dibdib nito na tila ba sinasabing mahal kita. Iyon ang nilalang na nag-alaga sa kanya. Ang nagbigay ng proteksyon para hindi siya maano ng mga sigbin sa kuweba. Ito ang nakasama niya sa gitna ng madilim na kuweba, nang mga panahong nanghihina siya, sugatan at hindi makagalaw buhat sa malalim na na kinalaglagan. Subalit naroon pa rin ang tanong sa kanyang isip, paanong iyon ang kanyang ina gayong sa itsura at mga katangian nito, isa itong bakunawa.
Umungol ito at lumapit sa kanya. Tila ba hinalikan siya nito. Umihip sa kanya ang hininga nito. Pero nanatili siyang tahimik. Nakikiramdam.Samantala, ang mga kaibigang naiwan sa dalampasigan ay labis ang pag-aalala para sa kanya dahil hindi naman nila naririnig ang kanilang usapan.
Binitawan ng minokawa si Amara sa likurang bahagi ng bakunawa. Hindi maipaliwanag ng prinsesa ang kanyang nararamdaman. Hindi niya napigilan ang sariling yumakap sa likuran ng malaking nilalang na iyon. Hindi niya man makita ang anyo ng ina na kanyang hinahanap, nakadarama siya ng lukso ng dugo at damdamin na nagsasabing magkaugnay silang dalawa. Pumatak ang mga luha ni Amara. Kasunod niyon ay narinig iya ang muling pag-ungol nito.
“Ayaw ng iyong ina na umiiyak ka, Amara.”
“Ano’ng nangyari sa kanya, Nomi? Bakit naging ganito siya? Sino ang walang pusong may gawa nito sa aking ina?” umiiyak pa ring mga tanong nito.
“Si Zarina. Natakot ito na muling makatakas ang reyna at mabulilyaso ang kanyang mga plano kaya sa tulong ng kanyang mga salamangkero, ginawa nilang bakunawa ang iyong ina. Para hindi na ito makabalik at mabawi ang korona niya. Para din hindi ka niya mailayo at maisakatuparan ang masama nilang balak laban sa 'yo at sa inyong kaharian. Nagpanggap siyang isang kaawa-awang dayo. Inakit ang iyong ama na hindi naglaon ay napasunod niya at napaikot sa kanyang mga palad. Inakala niyang magagawa rin niya sa 'yo, mabuti na lang matigas ang ulo mo at nasa panig mo sina Leona at Satur,” kwento nito sa naguguluhang si Amara.
“Ang sama niya talaga! Wala siyang puso! Ibabalik ko sa kanya ang lahat nang kasamaang ginawa niya!” nanggagalaiting sigaw ni Amara. Naramdaman niya naman ang pag-iling at muling pag-ungol ng bakunawa.
“Hindi sang-ayon ang iyong ina. Natatakot siyang mapahamak ka. Ang gusto niya, lumayo ka kasama ang mga kaibigan mo. Sa lugar na hinding-hindi ka nila makikita. Kung maari ay sa kabilang ibayo—sa mundo ng mga mortal,” tugon ng minokawa na tila hingil sa sinabi ng kanyang ina.
“Hindi ako lalayo, kaduwagan 'yon. Hindi ko hahayaang magtagumpay na lang silang sakupin ang mundo. Pati ang kaawa-awang buwan ay binihag ng kanilang kapangyarihan. Pati ang buwang nilikha ni Bathala ay gusto nilang ariin at manipulahin. Hindi ako makapapayag. Tutuparin ko ang nasusulat sa libro ng propesiya ng ating mundo. Ako ang tatapos sa paghahari-harian nila,” mariin niyang tinuran. Alam niyang mahirap pero 'yon lang ang nakikita niyang paraan. “Ina, babalik ka sa tunay mong anyo. Ibabalik ni Zarina sa 'yo ang kagandahan ng isang tala na ninakaw niya. Ipinapangako ko.”
“Kung 'yan ang iyong pasya, siguro wala na kaming magagawa kundi ang protektahan at samahan ka sa laban mo. Sa laban ninyo ng iyong ina.” Napalingon ang minokawa sa mga kaibigang nakatanaw sa kanila. “Maiwan ko muna kayo, Estrelya.”
Bumalik ang minokawa sa dalampasigan. Tahimik siyang lumapag sa buhanginan. Kunot-noo namang lumapit si Olan sa kanya, kasunod sina Irma at ang sarangay.
“Bakit mo siya ibinigay sa nilalang na 'yon? Akala ko ba, kakampi ka namin!” singhal ni Olan kay Nomi na ikinagulat nito.
Nabaling ang tingin ng minokawa sa mag-inang tila nagkakatuwaan na sa gitna ng dagat. Hindi alintana ang init ng araw at posibleng lalim ng karagatan.
“Bakit ganyan ang itsura ninyo, mga kaibigan. Tingnan n’yo. Hindi ba kayo masayang makita na sa wakas, nagtagpo at muli nang nagkasama ang mag-ina?”
Lahat sila ay napatingin sa mag-ina. Puno ng pagtataka at mga tanong.
“Ang bakunawa—si Reyna Estrelya?” naibulalas ni Irma.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
Viễn tưởngSa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...