Sirene I

823K 17.4K 26.5K
                                    

[Kabanata 1]

Pilipinas, Nobyembre 1941

"Mga bata naniniwala ba kayo sa Sirena?" magiliw na tanong ng isang matandang lalaki sa mga maliliit na batang pasahero ng bangka habang dahan-dahan niyang sinasagwan ang bangkang sinasakyan nila.

Sabay-sabay namang nabuhayan ang mga bata at nagsitaasan pa ng mga kamay. "Ako! Ako! po"

"Sabi po ng aking inay, totoo raw po sila!" tugon ng isang batang babae na nakakagigil ang katabaan.

"Magaganda, mababait at matulungin sila sa kapwa" bida naman ng isang batang babae habang hinahawakan niya ang dulo ng kaniyang kulot na buhok.

"Ako po! pangarap kong maging sirena" ngiti pa ng isang batang babae na nakapusod ang buhok, sa kaniyang pagngiti tumambad sa lahat ang bungi sa harapan ng ngipin ng batang babaeng iyon.

"Gusto niyo ba ng kwento?" naaaliw na tugon ng matandang lalaki sabay ngiti sa mga bata. Sabay-sabay na napatango ang mga bata at napatitig ng mabuti sa taga-sagwan ng kanilang bangka. Habang ang mga magulang at ibang pasahero naman ng bangka ay abala sa pagmamasid sa nagagandahang mga isla ng Coron, Palawan.

Noong unang panahon ang mga sirena ay malapit sa mga tao. Mapagbigay at matulungin sila lalong-lalo na sa mga mababait na mangingisda. Kapag nagiliwan nila ang isang tao araw-araw nila itong hinahatiran ng mga sariwang isda sa dalampasigan. Malapit din sila sa mga bata at palagi nilang inaawitan ang mga batang umiiyak sa gabi.

Ang mga sirena ay nagtataglay din ng napakagandang anyo. Mahahaba ang kanilang buhok, mapupungay ang kanilang mga mata, matatangos ang kanilang mga ilong, mapuputi ang kanilang mga balat at matatamis ang kanilang mga ngiti.

Mapagmahal din ang mga sirena at kapag sila ay umibig ito ay panghabambuhay na. Ang puso ng isang sirena ay napakabusilak at sadyang punong-puno ng pagmamahal kung kaya't sa oras na magmahal sila ay handa nilang gawin ang lahat nang hindi naghahangad ng anumang kapalit.

Animo'y halos mapunit na ang mga ngiti ng mga batang paslit habang nakikinig sa napakagandang kwento ng matandang lalaking iyon na siyang nagsasagwan ng kanilang bangka.

"Isa pa! kwentuhan niyo pa po kami ng tungkol sa mga sirena" pagpupumilit ng mga bata at nagtatatalon pa dahilan upang maalog ng kaunti ang bangkang sinasakyan nila.

Natawa na lang ang matandang lalaki saka tumingin sa mga magulang ng mga bata, inilahad nito ang kaniyang palad senyales na humihingi ito ng salapi bilang bayad sa pang-aaliw na ginagawa niya sa mga bata.

Isa sa mga magulang ng bata ay nabibilang sa mayamang pamilya. Ang asawa nito ay isang sundalong Amerikano na isa sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ni Heneral Douglas MacArthur.

Binuksan na lang ng mayamang babae ang kaniyang bag at inabot ang bayad sa matandang lalaki upang aliwin pa ang mga bata. Napangiti naman ng todo ang matandang lalaki at ibinulsa agad ang natanggap na salapi.

"Sige sige, maupo na kayo mga bata. Ang ikwekwento ko naman ay tungkol sa apat na sirena na tagapag-bantay ng Hilaga, Timog, Silangan at Kanlurang bahagi ng Pilipinas" panimula ng matandang lalaki. Nanlaki naman ang mga mata ng mga batang paslit at halos walang kurap silang nakatitig sa kaniya.

"Ang apat na sirenang iyon ay mga anak ng dyosa ng karagatan at kamatayan na si Maguayan. Ang panganay ay si Amatheia ang pangalawa naman ay si Maira, ang pangatlo naman ay si Doreen at ang pang-apat naman ay si Sirene. Si Sirene ang siyang tagapagbantay ng perlas sa kanlurang (West) bahagi ng Pilipinas, dito sa ating bayan" panimula ng matandang lalaki. Halos abot tenga naman ang mga ngiti ng mga batang babae na aliw na aliw sa kwento ng matanda.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon