[Kabanata 11]
"Lumulubog ang barko!" sigawan ng mga taong naiwan sa daungan habang pinagmamasdan mula sa di-kalayuan ang paglubong ng barkong SS Coregidor. Nagkaroon ng malakas na pagsabog mula sa barko nang bumangga ito sa isang mine. Bukod doon ay sadyang napakaraming nakasakay sa barko dahilan nang mabilis na paglubog nito.
Nakatagilid na ang barko at unti-unting nilalamon ng karagatan. Nagsimula namang magsigawan habang sabay-sabay na naglulundagan ang mga tao na sakay ng barko sa dagat. Tumagas na rin ang langis mula sa barko dahilan upang dumaloy ang apoy sa ibabaw ng karagatan.
Nahirapan ang mga tao sa paglangoy papunta sa daungan at halos lahat ay sumisigaw at humihingi ng saklolo habang pilit nilalaban ang nakakalason na langis at malamig na karagatan. Ang usok mula sa nasusunog na barko ay kumakalat na rin sa kalangitan dahilan upang mas lalong mahirapan ang mga tao sa daungan na makita kung anon a ang nangyayari sa barko.
"Kamahalan!" sigaw ni Batchoy nang makitang dire-diretso at singbilis ng kidlat na lumundag si Sirene sa karagatan. Maging ang mga taong nakasaksi sa kakaibang anyong iyon ng isang dalaga ay hindi makapaniwala at gulat na gulat din sa mga pangyayari.
"Anong klaseng nilalang iyon?"
"Isang halimaw!"
"Aswang!"
Tinitigang mabuti ni Batchoy ang karagatan, umaasang matatanaw ang sirena ngunit patuloy ang malalakas na hiyawan sa takot ng mga taong nalulunod mula sa di-kalayuan. Ang ibang mga kalalakihan ay isa-isang nagsilundagan sa dagat upang tulungan ang mga nalulunod ngunit napaka-imposibleng marating nila iyon ng hindi sila napapagod sa paglangoy dahil sadyang malayo na ito sa daungan.
Dali-daling dinampot ni Batchoy ang talukbong na naiwan ni Sirene sa daungan na siyang natatapakan na ngayon ng mga tao. Agad siyang tumakbo papalayo roon upang maghanap ng maliit na bangka upang magamit niya papunta sa lumulubog na barko mga dalawang daang metro ang layo mula sa kinatatayuan nilang daungan. Mangiyak-ngiyak at nagmamadali siyang makahanap ng maliit na bangka upang maligtas ang pinsan at ang kaibigang sirena dahil alam niyang hindi rin ligtas ang sirena sa pagsabog at langis na tumatagos mula sa barko.
Ilang sandali pa ay bigla siyang napatigil sa kawalan nang marinig ang maingay na tunog ng mga sasakyan ng mga sundalong Amerikano na kumakaripas papunta sa daungan. Iniharang niya ang kamay niya sa kaniyang mata dahil s amalakas na ilaw na nagmumula sa mga sasakyang panghukbo na paparating na.
Agad napatabi sa gilid ang mga tao upang makadaan ang mga sasakyan. "Move! Move! Faster!" sigaw ng kumander habang mabilis na nagsilundagan ang mga sundalo pababa sa sasakyan bitbit ang maliliit na bangka. Nagsimulang magdasal ng taimtim ang mga kababaihan hawak ang kanilang mga rosaryo habang ang mga kalalakihan naman ay tumulong sa pagbubuhat ng mga bangka papunta sa bukana ng daungan.
Napabagsak na lang si Batchoy sa lupa habang tulalang nakatingin sa nasusunog na barko. Taimtim siyang nagdasal para sa kaligtasan ni Nikolas at Sirene.
Naalimpungatan si Nikolas dahil sa maingay na iyak ng isang sanggol. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at nauna niyang nakita ang isang kisame na kulay puti na maitim-itim na rin. Sandali niyang hindi maramdaman ang kaniyang buong katawan hanggang sa unti-unti niyang naigalaw ang kaniyang mga daliri.
Nanlalabo pa ang kaniyang mga mata ngunit ilang segundo pa ay unti-unti na itong lumilinaw. Nang ibaling niya ang kaniyang mata sa kaliwa ay nakita niya ang mahabang helera ng higaan na gawa sa makalawang na bakal at may kulay puting kama. Nakita niya rin ang mga nurse at doktor na hindi magkamayaw sa pagtakbo sa iba't-ibang direksyon upang gamutin ang napakaraming pasyente na duguan sa bawat higaan at sumisigaw ng napakalakas.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...