Sirene VIII

230K 7.7K 7.6K
                                    


[Kabanata 8]


Tahimik lang silang naglalakad sa kahabaan ng Calle Real. Nararamdaman ni Nikolas na ikinalungkot talaga ni Sirene ang dula na kanilang pinanood sa teatro kanina. Bukod doon hindi rin siya sanay sa ganoong klaseng katahimikan.

Alas-dos na ng hapon, makulimlim lang ang kalangitan at halos tahimik ang buong kapaligiran dahil oras din ng siyesta. Iilang mga kalalakihan lang ang kanilang nakakasalubong at tila naglalakad ang mga ito ng mabilis.

Ang mga kabahayan ay saradong lahat at hindi mapaliwanag ni Nikolas kung bakit tila nakaramdam siya na parang may mali sa paligid. Napatingin siya kay Sirene na naunang naglalakad sa kaniya, tulad ng dati tahimik lang ito at nakakapanibago talaga ang paglalakad nito ng mabagal.

"Kamahalan!" tawag ni Nikolas sabay habol sa dalaga at sinabayan niya ito sa paglalakad. "Alam mo ba kung bakit naghahalikan ang mga langgam sa tuwing nagkakasalubong sila sa daan?" biglang tugon ni Nikolas, napatigil naman sa paglalakad si Sirene at napalingon sa kaniya. 

"Hindi sila naghahalikan" tipid na sagot nito pero tinawanan lang siya Nikolas. "Nagkakamali ka kamahalan, naghahalikan sila. Hinahalikan nila lahat ng kapwa langgam na nakakasalubong nila" banat pa ni Nikolas na animo'y isa siyang eksperto at ubod ng talino.

Hindi na lang siya pinansin ni Sirene at nagpatuloy na muli ito sa paglalakad. Pagkaliko nila sa Calle Real ay natanaw nila ang Plazuela de Sta. Isabel. "Tsk tsk... maswerte ka kamahalan dahil marami kang natutunan sa'kin. Hindi naman ako maramot sa pagbabahagi ng kaalaman kaya makinig ka na lang" patuloy pa ni Nikolas habang sinasabayan si Sirene sa paglalakad. Medyo naiirita naman ang dalaga dahil sa tuwing nagkwekwento si Nikolas ay sinasabayan niya ito ng pagwawasiwas ng kamay niya sa ere para raw mas dama ang kwento.

"Ang mga langgam kasi ay walang asawa. Kaya malaya sila makipaghalikan kahit kanino. Walang bungangerang misis ang tatalak sa kanila pag-uwi. Minsan nga naiisip ko sana naging langgam na lang ako para magagawa ko lahat ng gusto ko. Hahalikan ko lahat ng makakasalubong kong binibini hehe" tawa pa ni Nikolas sabay ayos ng kaniyang sumbrero.

Magsasalita pa sana siya ngunit biglang nagsalita si Sirene "Manang!" tawag ni Sirene sa isang ale na ubod ng taba habang bitbit ang mga alaga niyang limang aso. Napalingon naman ang matabang ale sa kanila. "Bakit mo tinawag---" bulong ni Nikolas kay Sirene ngunit hindi na niya natapos pa dahil nagsalita na muli ang dalaga.

"Manang, nais daw po kayong halikan ng lalaking ito" diretsong tugon ni Sirene sabay turo kay Nikolas, biglang nanlaki ang mga mata ni Nikolas sa gulat at napaturo pa siya sa sarili niya. "A-ako? wala akong sinabi----"

"Nais niya raw po halikan ang lahat ng babae na makakasalubong niya" dagdag pa ni Sirene, akmang aalma si Nikolas ngunit bigla siyang tinulak ng dalaga papalit sa matabang ale na ngayon ay biglang namula ang pisngi.

"Talaga... ginoo?" ngisi pa ng matabang ale habang pilit niya pinapapungay ang kaniyang mga mata. Nagsitahulan naman ang mga aso niya laban kay Nikolas na ngayon ay pinagpapawisan na sa kaba. "Ah—eh n-nagbibiro lang po ang misis ko hehe" tugon ni Nikolas sabay hawak sa kamay ni Sirene at hinila niya ito papunta sa kabilang kalye. Tumakbo sila papalayo sa nakakahiyang eksenang iyon.

Napapadyak naman sa inis ang matabang ale habang hindi naman magkamayaw sa pagtahol ang kaniyang limang aso hanggang sa hindi na niya makontrol na hawakan pa ang mga ito. "Sandali!" saway niya sa kaniyang mga aso ngunit napigtal na ang tali ng mga ito at dali-dali nilang hinabol si Nikolas at Sirene na tumatakbo na ngayon.

"Tingnan mo ang ginawa mo!" sigaw ni Nikolas kay Sirene at gulat siyang napalingon sa limang malalaking asong kulay itim na humahabol na sa kanila ngayon. Halos maihi naman sa kaba si Nikolas dahil ilang pulagada na lang ay maabutan na sila ng limang asong iyon na anumang oras ay kakainin sila ng buhay.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon