[Kabanata 3]
"Ibalik mo sa akin ang perlas!" matapang na tugon ng dalaga habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas. Nanlilisik ang mga mata nito na anumang oras ay magagawa nitong paslangin ang binata.
Nagulat naman ang mga sugarol lalo na nang marinig nila ang salitang perlas. Hindi nila mapigilan mag-isip ng kung ano-ano lalo na mula pa bibig ng isang binibini na pilit na pinapabalik kay Nikolas ang perlas nito.
"Isa ka pa lang lapastangan sa mga kababaihan!" sigaw ng siang sugarol kay Nikolas na sinang-ayunan naman ng karamihan. Ibang perlas ang nasa kanilang isipan.
Gulat na gulat din ang mga tao dahil akala nila ay isang dayuhan ang dalaga dahil sa maputing balat nito at ang kulay pilak na buhok.
Agad namang itinaas ni Nikolas ang kaniyang kamay sa ere at pilit na nagpaliwanag ngunit mas lalong idinikit ng dalaga ang matalim na balisong sa kaniyang leeg. Napapikit na lang si Nikolas at napatingala sa kalangitan habang hindi na magkamayaw ang mga sugarol sa pagsigaw sa kaniya at ngayon ay mayroon pa siyang mas matinding problema.
"Ibalik mo sa akin ang perlas kung hindi ay papatayin kita" seryosong tugon ng dalaga habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas. Napalunok na lang sa kaba si Nikolas dahil hindi siya makapaniwala na ang kakaibang nilalang na nakita niya sa dagat noong isang gabi ay ngayo'y nasa harapan na niya. Ang sirenang tagapagbantay sa dagat ng kanluran...si Sirene.
Susugod na sana ang isang sugarol ngunit biglang hinawakan ni Sirene ang kwelyo ni Nikolas at walang kahirap-hirap niya itong hinila papatayo dahilan upang mapaatras ang mga tao sa gulat habang si Nikolas naman ay napasigaw dahil nasasakal na siya.
"Nasaan ang perlas?!" sigaw ni Sirene at malakas niyang hinagis si Nikolas. Napahandusay ito sa lupa dahilan para mapasigaw ang mga tao. Dali-dali namang kumilos si Batchoy saka inilahad sa madla ang sumbrero niya.
"Mga kababayan, sinong nais pumusta kay Don Kolas?" anunsyo ni Batchoy, napailing naman ang mga sugarol dahil lampa naman pala ang muntikan na nilang maging pinuno. Nang marinig iyon ni Nikolas tiningnan niya ng masama si Batchoy dahil imbis na sabong ng manok ang maglalaban ngayon sa entablado, mukhang siya at ang sirenang nanlilisik ang mata ngayon ang pagsasabungin nila.
"Sino naman ang pupusta para sa ating magiting na binibini?" tanong ni Batchoy, agad namang naghiyawan ang mga sugarol at sabay-sabay nilang inilagay ang pusta nila kay Sirene. Napakalas na sigawan ang naghari sa buong sabungan, ang lahat ay pumusta sa panig ng dalaga.
Sinubukan namang gumapang ni Nikolas papalayo ngunit agad siyang sinipa at tinandyakan ni Sirene sa balakang dahilan para mapasigaw siya ng napakalas. Hinila pa ni Sirene ang braso ni Nikolas saka inihagis siya sa grupo ng mga sugarol, dali-dali namang umiwas ang mga sugarol kung kaya't walang sumalo kay Nikolas at tuluyan siyang sumubsob sa lupa.
Isang napakalakas na hiyawan na may kasama pang palakpakan ang umalingawngaw sa ere. "A-aray!" tugon ni Nikolas sabay hawak sa kaniyang balakang na mukhang napuruhan nga. Maging ang kaniyang braso ay puno na rin ng gasgas ngayon. At nang hawakan niya ang kaniyang nguso nakapa niya ang sugat mula doon kung kaya't mangiyak-ngiyak siya dahil nasira na naman ang kaniyang mukha.
Galit na napalingon si Nikolas sa magandang babaeng siga na iyon "Masyadong mong sinasamantala ang pagiging babae mo----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil natameme siya nang maglakad papalapit sa kaniya si Sirene habang nanlilisik ang mga mata nito ngunit kahit ganoon ay tila nakakahalina ang kagandahan nito lalo na sa tuwing tinatangay ng hangin ang mahaba nitong buhok na kulay pilak.
"A-ang sabi ko buti babae ka, isang napakagandang---" hindi na natapos ni Nikolas ang pagpapalusot niya dahil nang makalapit si Sirene sa kaniya ay agad nitong hinila ang buhok ng binata. "Papatayin kita! Kinuha mo ang puso ni ina!" galit na sigaw ni Sirene saka sinuntok ang mukha ni Nikolas dahilan upang ang kabilang pisngi naman nito ang mamaga.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...