Sirene XIII

162K 6.3K 6.7K
                                    

[Kabanata 13]


Dahan-dahang naglalakad si Nikolas at Batchoy sa gitna ng kagubatan habang pasan-pasan ni Nikolas si Sirene sa kaniyang likuran. Nang sumuka ito ng dugo kagabi ay muling nawalan ng malay ang dalaga. Nang tumila ang ulan ay nakakita sila ng isang abandonadong bahay kubo at doon pansamantalang pinagpahinga si Sirene.

Ngunit paggising nila kinabukasan ay nawawala na ang kanilang kalesa. Mabuti na lang dahil nadala ni Batchoy ang kanilang mga bagahe sa loob ng bahay kubo. Halos isang oras na silang naglalakad sa masukal na kagubatan. Pinili nila ang daang iyon upang makapagtago agad kung sakaling may mapadaang mga sasakyang panghukbo sa mga kalsadang lupa.

"Sa aking palagay ay may dalawampung kilometro pa patungo sa bayan" hinihingal na saad ni Batchoy habang pasan-pasan sa kaniyang ulo ang dalawang mabibigat na bagahe nil ani Nikolas. Napagdesisyunan nila na magtungo sa bayan dahil posibleng may mga abandonadong tindahan doon ng mga gamot at pagkain.

Determinado at pilit na kinakaya ni Nikolas ang paglalakad habang pasan sa likod si Sirene na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Patuloy na ang pagtagaktak ng pawis sa kaniyang noon dahil na rin sa matirik na sikat ng araw. Pasado alas-diyes nan ang umaga at hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakakain ng almusal.

Iniiwasan ding mabuti ni Nikolas ang mga mababatong daan upang hindi mawalan ng balanse. Hindi niya rin akalain na medyo may kabigatan din pala si Sirene ngunit hindi na niya iyon alintana lalo na't nasa peligro ang buhay nito at kailangan na nilang mahanap ang perlas. Bukod doon ay hindi rin siya makagalaw ng maayos habang naglalakad dahil nararamdaman niya ang paghinga ng dalaga sa kaniyang leeg.

Ilang sandali pa ay naalimpungatan na sa Sirene, ilang segundong nanatiling malabo ang kaniyang paningin kaya hindi niya matukoy kung nasaan siya at kung anong nangyayari sa paligid. Maya-maya pa ay namalayan niyang pasan-pasan siya ni Nikolas at nakayakap siya sa likod nito. Bigla siyang nakaramdam ng hiya dahilan para biglang mamula ang kaniyang magkabilang pisngi habang tulalang nakatitig sa makinis na batok ni Nikolas.

"Kamahalan!" natauhan na lang siya nang biglang magsalita si Batchoy na nasa kaliwa nila naglalakad, napansin nito na gising na si Sirene at kanina pa tulala sa likod ni Nikolas. Biglang napatigil si Nikolas sa paglalakad at napalingon sa dalaga kung kaya't agad umiwas ng tingin si Sirene.

"Kumusta kamahalan? May masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Nikolas, hindi niya masyadong makita si Sirene dahil nakapasan ito sa kaniyang likod. "Tila namumula ang iyong mukha kamahalan" puna ni Batchoy, agad namang naglakad si Nikolas sa tabi ng isang malaking puno at dahan-dahang inilapag doon si Sirene.

Sumunod naman si Batchoy saka inusisang mabuti ang sirena. "Sa aking palagay ay may tigdas ang kamahalan" wika pa ni Batchoy, agad namang tiningnan ni Nikolas si Sirene at hinawakan niya ang noo at leeg ng dalaga.

Agad namang napayuko si Sirene "Wala namang lagnat o sinat ang kamahalan" tukoy ni Nikolas at naupo na siya sa tabi ng dalaga. "E, bakit namumula ang mukha niya?" nagtatakang tanong ni Batchoy dahil nangangamatis ngang tunay ang pisngi ni Sirene.

"H-humapdi lamang ang aking balat dahil sa tindi ng sikat ng araw" paliwanag ni Sirene nang hindi makatingin sa kanila. Napatango-tango naman ang mag-pinsan. "Mestiza ngang tunay ang kamahalan" pagsang-ayon na lang ni Batchoy saka napasandal sa puno.

"Anong nangyari sa iyo kagabi? Bakit bigla kang nawalan ng malay sa ilalim ng lawa?" nag-aalalang tanong ni Nikolas, napahinga naman ng malalim si Sirene bago magsalita "H-hindi ko alam, hindi ko na alam ang mga nangyayari" tipid niyang sagot. Ilang minutong katahimikan ang naghari sa kanila habang umiihip ang marahan na hangin sa kagubatan dahilan upang maglaglagan ang mga patay na dahon sa mga punong sinasayaw ng hangin.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon