[Kabanata 10]
"Huwag kang matakot umibig... Sirene"
Paulit-ulit na bumabagabag ang mga salitang iyon sa isipan ni Sirene habang naglalakad sila ni Nikolas pabalik sa kweba. Nauunang maglakad sa kaniya si Nikolas at pasimple niyang pinagmasdan ang binata. Hindi nga niya maitatanggi na may itsura naman talaga si Nikolas lalo na sa tuwing ngumingiti ito at lumalabas ang biloy sa magkabilang pisngi.
Pinagmasdan niya pa ang likod ni Nikolas, hindi man ito napaka-kisig tulad ng ibang mga prinsipe sa mga istorya ay masasabing agaw pansin din ang magandang pangangatawan ni Nikolas. Matangkad din ito at maganda ang pagkakahubog ng ugat sa kaniyang braso.
Nang mapalingon si Nikolas kay Sirene upang tingnan kung nakasunod ito sa kaniya ay agad napayuko si Sirene sabay iwas ng tingin. "Iniisip ko lang kamalahan... Paano ka pala kakain mamaya?" panimula ni Nikolas at naglakad siya pabaliktad, kung saan nakaharap siya kay Sirene at naglalakad paatras habang pilit niyang hinahampas ng marahan ang mga dahon sa mga punong nadaraanan nila.
Napagtanto naman ni Sirene na kahit papaano ay nakakaaliw din pala ang pagiging isip bata ni Nikolas "Hindi ako kakain. Hindi ko naman kailangan kumain. Ipapaubaya ko na lang ang pagkaing para sa akin sa iba na mas nangangailangan" sagot ni Sirene dahilan para mapangiti lalo si Nikolas.
"Sabi ko na nga ba may pusong busilak ka ngang talaga kamahalan!" ngiti pa ni Nikolas, agad namang napaiwas ng tingin si Sirene lalo na't hindi pa siya kumbinsido sa kung anong pagpintig at kaba na kaniyang nararamdaman sa tuwing malapit sa kaniya si Nikolas.
"Sa akin mo na lang ibigay ang pagkaing para sa iyo kamahalan, magwawala na ang mga alaga ko sa tiyan" saad pa ni Nikolas sabay himas sa kaniyang tiyan. "Paano kung isda ang ulam mamaya kamahalan? Ayaw mo bang subukan tikman ang iyon?" tanong pa muli ni Nikolas, bagay na ikinakunot ng noo ni Sirene.
"Ang ibig ko lang sabihin kamahalan ay... wala namang mawawala sa iyo kung titikman mo ang mga kauri mo hindi ba? Masarap naman ang isda lalo na kapag inihaw at sinabawan hehe" patuloy pa ni Nikolas, napataas naman ng kilay si Sirene.
"Kung gayon... kung titikim ako ng isda, dapat ikaw ay titikim din ng kauri mo" diretsong sagot ng dalaga bagay na ikinanganga ni Nikolas sa gulat. "K-kain ako ng t-tao?" nandidiri niyang tanong, napatango naman si Sirene at napahalukipkip.
"Ano bang nais mong luto ng tao? inihaw o sinabawan?" dagdag pa ni Sirene, bagay na mas ikinanganga ni Nikolas at muntikan pa siyang masuka. Nagpatuloy na sa paglalakad si Sirene habang halos lumuwa naman ang mata ni Nikolas dahil sa pandidiri sa tuwing naiisip niya kakain siya ng tao.
"Bumabalik na naman siya sa pagiging mangkukulam haays" inis na bulong ni Nikolas sa kaniyang sarili habang pinagmamasdan si Sirene na nauuna nang maglakad papalayo. "Naririnig kita mula rito" saad pa ni Sirene habang nakatalikod, bigla namang napangiti si Nikolas sabay kaway "Ang sabi ko napakaganda talagang tunay ng iyong buhok kamahalan, gumagamit ka ba ng katas ng niyog?" tawa ni Nikolas sabay habol sa dalaga at nagsimula na naman siyang magkwento patungkol sa mga kung anu-anong mga walang kwentang bagay.
"Mabuti na ba ang iyong pakiramdam hijo?" nagtatakang tanong ni nay Rita habang salo-salo silang kumakain ngayon sa bukana ng kweba. Sila pa lamang ang gising, habang ang ibang sugatan ay nakahilata pa rin at hindi makagalaw kung kaya't isa-isa silang dinalhan ni nay rita ng pagkain kanina.
"O-opo, malakas po talaga ang katawan ko, sadyang pagod na pagod lang po marahil ako kanina" tugon ni Nikolas, napatango na lang si nay Rita ngunit bakas sa mukha nito na hindi pa siya kumbinsido. "Siya nga po pala, saan po kayo nakakuha ng pondo at mga pagkain?" tanong pa ni Nikolas upang malihis ang usapan. Napansin din niya kanina ang maraming mga sako ng bigas, prutas at mga pagkain ang nakaimbak sa loob ng kweba.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...