[Kabanata 12]
"Kenzou... Kenzou Hayashida ang pangalan niya" tugon ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Sa pagkakataong iyon, hindi niya malaman kung bakit may kakaiba sa ngiti ni Nikolas. Hindi iyon ang ngiti na madalas niyang masilayan sa labi ng binata. Ang ngiting pinapakawalan niya ngayon ay isang ngiti na taliwas sa sinasabi ng kaniyang mga mata.
Napahinga na lang ng malalim si Nikolas saka umiwas ng tingin kay Sirene at pinagmasdan na lang niya ang mga sasakyan ng hukbong Hapones na sunod-sunod na dumaraan ngayon sa gitna ng kalsada. "Sabagay, kung babae lang din ako, siguradong mahuhumaling din ako sa Kenzou na iyan" wika pa ni Nikolas nang hindi nililingon si Sirene.
"W-wala akong pagtingin sa kaniya" pagtanggi ni Sirene, bigla namang napangisi si Nikolas. "Akala ko ba hindi marunong magsinunggaling ang isang sirena?" pang-asar niya pa sa dalaga. Napalunok na lang sa kaba si Sirene dahil sadyang mtalino talaga si Nikolas pagdating sa mga bagay-bagay.
Magsasalita pa sana siya ngunit biglang sumingit sa usapan si Batchoy na nasa tabi nila "Sa aking palagay, dapat na tayong umalis dito" bulong ni Batchoy malapit sa mukha nilang dalawa dahilan para maamoy nila ang amoy ng kamote sa bibig nito. Nagkalat pa sa pisngi ni Batchoy ang ilang piraso ng kamote.
Pinakiramdaman naman ni Nikolas ang mga kababaihan at kalalakihan sa likuran nila kung saan nakatingin ang mga ito ng mabuti sa mukha ni Sirene lalo na't lumilitaw ang ilang pirasong buhok nito sa noo na kulay pilak habang nababalot ng itim na talukbong.
Nagulat si Sirene nang biglang hawakan muli ng mahigpit ni Nikolas ang kaniyang kamay at hinila siya nito papalayo sa gitna ng maraming tao sa gilid ng kalsada. Agad namang sumunod si Batchoy sa kanila habang bitbit nito ang kanilang mga bagahe.
Nang makalabas sila sa kumpol ng maraming tao ay dire-diretsong naglakad si Nikolas sa isang eskinita na walang katao-tao habang hawak-hawak pa rin ng mahigpit ang kamay ni Sirene. "S-sandali! Kolas" habol ni Batchoy, napalingon naman sa kaniya si Nikolas at napansin nitong hirap na hirap na ang pinsan sa pagbitbit ng kanilang mga bagahe.
"Akin na iyan" saad ni Nikolas, agad namang hinagis ni Batchoy ang isang tampipi kay Nikolas na walang kahirap-hirap na nasalo ng binata. Napatitig saglit si Sirene kay Nikolas habang patuloy silang naglalakad. Kahit papaano ay nakahinga na siya ng maluwag dahil magaling at malakas na muli ang binata.
"Ano bang gagawin natin dito? Kolas" reklamo ni Batchoy habang pilit na lumundag-lundag dahil nagkalat sa paligid ang mga sira-sirang kagamitan. May isang patay na pusa na nilalangaw na sa gitna at marami ring nagkalat at nagtatakbuhang mga daga.
"Dito" wika ni Nikolas at napatigil siya sa tapat ng isang abandonadong barberya na sira-sira na rin. Sinipa niya lang ang pintuan ng ilang beses ngunit hindi ito bumukas. Napa-buntong-hininga naman si Sirene at bumitaw sa pagkakahawak ni Nikolas saka niya sinipa ng walang kahirap-hirap ang pintuan ng barberya dahilan para mawasak at tumilapon ang pintuan nito papasok sa loob.
"Tsk, sayang, pumalpak ka pa" tawa ni Batchoy kay Nikolas dahil ang astig-astig na nito kanina kaso mas astig pa rin si Sirene. Nauna nang pumasok si Sirene sa loob, "Ano namang gagawin natin dito?" tanong ng dalaga. Sumunod na sa kaniya si Nikolas at Batchoy saka nila inilapag ang dalawang tampipi sa isang mesa sa gilid.
Sira-sira na ang loob ng barberya, maging ang malaking salamin nito na halos kulay dilaw na ay basag-basag na rin. Nagkalat din ang mga kahoy at natumbang mga mesa at upuan sa loob ng barberya. "Dito pa man din ako nagpapagupit noon, haay, ang mahal pa naman ng singil nila sa gwapo kong mukha" nanghihinayang na saad ni Nikolas na ikinataas ng kilay ni Batchoy at Sirene dahil bumabalik na naman ang magkamahangin ng pilyong Nikolas.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...