[Kabanata 6]
"Suman na bukayo kayo riyan" alok ng isang binatilyo na tindero, payat ang pangangatawan nito habang buhat-buhat niya ang isang bilao ng kaniyang paninda na naglalaman ng mga bagong lutong suman na bukayo. Naalimpungatan si Nikolas nang kalabitin siya ni Batchoy na kanina pa natatakam sa suman na tinitinda ng binatilyo.
"Ano ba Batchoy, patulugin mo naman ako" reklamo ni Nikolas sabay sandal ulit sa pinakasulok ng dingding. Nakaupo lang sila ni Batchoy na natulog buong gabi dahil napakaraming pasahero sa loob ng tren at halos wala ng espasyo. "Nagugutom na'ko!" giit pa ni Batchoy, kulang pa ang kalahating sakong nilagang kamote na baon nila at naubos na niya iyon lahat kagabi.
Magrereklamo pa sana si Nikolas ngunit bigla rin siyang napahawak sa kaniyang sikmura dahil kumukulo na rin ito. "Bakit mo kasi inubos lahat ng baon natin?!" reklamo ni Nikolas, napakamot naman sa ulo si Batchoy sabay himas din sa kaniyang bilog na tiyan.
"Napagod kasi ako sa pagtakbo natin kahapon mula palengke hanggang sa papaalis na tren at bukod doon kumain ka rin naman ng kamote ah!" tugon ni Batchoy, dinukot naman ni Nikolas ang isang kamote na nakalagay sa kaniyang bulsa, iyon ang kamoteng ibinigay niya kay Sirene kagabi ngunit tinanggihan ng dalaga dahil hindi naman siya kumakain niyon.
"Oh, heto" saad ni Nikolas sabay abot kay Batchoy ng nag-iisang kamoteng iyon. Nanlaki naman ang mga mata ni Batchoy sa tuwa dahil pinakapaborito niya talaga ang kamote. "Kaya utot ka ng utot eh, bawas-bawasan mo nga 'yang kakakain mo nito" patuloy niya pa, hindi naman siya pinansin ni Batchoy dahil agad nitong kinuha sa kamay niya ang kamote at nilantakan iyon.
"Ano bang gusto mong kainin ngayon?" tanong ni Batchoy nang matapos niya kainin ang nag-iisang kamote. Agad namang lumingon si Nikolas sa kaliwa nila kung saan naroon ang binatilyong nagtitinda ng suman. Napangiti naman si Batchoy dahil mukhang naunawaan na niya ang kalokohang binabalak na naman ng kaniyang pinsan.
Naunang tumayo si Nikolas na parang haring naglakad sa gitna ng maraming bagahe at ilang mga kalalakihang natutulog sa lapag ng tren. Paulit-ulit niya pang inayos ang kaniyang sumbrerong buri (gawa sa banig) na animo'y isa siyang Don.
"Hijo!" tawag ni Nikolas sa binatilyong tindero na ngayon ay abala sa pag-aalok ng kaniyang paninda sa iba pang mga pasahero na mukha rin namang walang balak bumili. Napalingon sa kaniya ang binatilyo at agad niya itong sinenyasan na lumapit sa kaniya. Dali-dali namang naglakad ang binatilyo papalapit sa kaniya at nahihirapan pa ito sa paghakbang sa mga tao at bagahe sa sahig.
"May pambili po ba kayo ginoo?" tanong ng binatilyo at pinagmasdan niya si Nikolas mula ulo hanggang paa. Napakunot naman ang noo ni Nikolas, sa isip-isip niya ay mukha siyang hari ngunit nakalimutan niya na nakasuot lang siya ng ordinaryong puting damit na pang-itaas na medyo madumi na at ang kaniyang pantalon ay madumi na rin.
Napataas naman ang kilay ni Nikolas saka pa-simpleng sumenyas kay Batchoy sa likuran nila at muli niyang hinarap ang binatilyo "Ingatan mo ang iyong sinasabi bata, isa akong kilalang tao sa Norte. Ganito lang ang aking anyo sapagkat maraming mga tao ang naghahabol sa kayamanan ko" pabulong na tugon ni Nikolas at kung umasta siya ay para nga siyang isang pinuno ng mga grupo ng siga.
Magsasalita na sana ang binatilyo ngunit biglang dumating si Batchoy at napayuko sa harapan ni Nikolas "Don Kolas! Kanina ko pa po kayo hinahanap, umaapaw na po ang salapi sa ating lalagyan. Ano pong gagawin ko sa mga salaping hindi na kasya sa ating napakalaking baul?" tugon ni Batchoy kay Nikolas, pabulong niya itong ginawa ngunit sinadya niyang lakasan ang boses niya upang marinig ng binatilyo na marami silang pera.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...