Sirene IV

278K 9K 10.8K
                                    


[Kabanata 4]



"SINO ANG BABAENG ITO KOLAS?!" sigaw ni inang Diday na makakapag-pawindang sa sinuman. Ang kanilang lola ay ubod ng tapang at wala itong inuurungan kung kaya't hindi magandang ideya na pagsamahin sila ni Sirene na isang sirenang palaban din at walang inuurungan.

Napahinga na lang ng malalim si Nikolas sabay hawak sa kamay ni Sirene na ikinagulat ng dalaga "Inang, siya po si Sirene ang aking misis" sagot ni Nikolas na ikinatulala ni Inang Diday, na ikinanganga ni Batchoy at ikinatalim ng tingin sa kaniya ni Sirene.

Akmang bibitaw si Sirene sa pagkakahawak ni Nikolas sa kaniyang kamay ngunit hinigpitan ni Nikolas ang hawak nito at pinandilatan siya ng mata na animo'y kinakausap niya ito sa kaniyang isipan.


Bitawan mo ang kamay ko!


Nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas dahil hindi siya makapaniwala na nakakausap niya si Sirene sa isipan. Bigla niyang naalala ang sinabi ni Batchoy kagabi tungkol sa kapangyarihan at kakayahang taglay ng mga sirena at isa na nga roon ay ang kakayahan nilang makipag-usap gamit ang isipan (telepathy).


Isa... dalawa... tatlo... bitawan mo ang kamay ko! giit pa ni Sirene habang nakatingin ng matalim kay Nikolas na ngayon ay pinagpapawisan na sa kaba.


S-sumunod ka na lang kamahalan, ito na lang ang tanging paraan. Malalagot ako kay inang!


Napakunot naman ang noo ni Sirene. Wala akong pakialam kung bugbugin ka ng lola mo!


Kapag nalaman ni inang ang lahat siguradong hindi niya ako papasamahin papuntang Maynila at kapag nangyari iyon hindi mo makukuha ang perlas!


Napatigil naman si Sirene habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas. Nagtataka naman si inang Diday na nakatingin sa kanilang dalawa na ngayon ay kunot noo lang na nakatitig sa mata ng isa't-isa.


"Kolas? Hija? Anong nangyayari?" nagtatakang tanong ni inang Diday, nanatili namang kunot-noong nakatitig lang si Nikolas at Sirene sa isa't-isa, animo'y hindi sila magpapatalo. Habang hindi naman malaman ni Batchoy kung anong nangyayari sa kanilang dalawa at kanina pa siya palipat-lipat ng tingin sa kanila.


Huwag kang mag-alala kamahalan ako ang bahala. Hindi mo naman kailangang magsalita o aminin na mag-asawa tayo basta wag ka lang kokontra. Watch and burn! Pagmamayabang pa ni Nikolas at unti-unting sumilay ang nakakainis na ngisi sa labi nito.


Napakunot lalo ang noo ni Sirene. Sira! Watch and learn kasi iyon!


Ang gwapo ko talaga! tawa pa ni Nikolas sa kaniyang isipan dahilan upang mas lalong mairita si Sirene.


"Kolas? Asawa mo ba talaga ang babaeng ito?" tanong pa muli ni Inang Diday saka naglakad papalapit sa kanila. Nawindang silang lahat nang biglang hawakan ni inang Diday ang mukha ni Sirene. Napahakbang paatras si Sirene ngunit agad hinawakan ni Nikolas ang kaniyang likuran.


Pakiusap, hayaan mong hawakan ka ni inang. Tugon ni Nikolas sa kaniyang isipan habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Sa totoo lang, hindi sanay si Sirene na hawakan siya ng isang tao at ang bagay na iyon ay siguradong nakakapag-alarma sa kaniya.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon