[Kabanata 14]
"Sino ba naman kasi ang nagsabi na naghahalikan ang mga langgam?" wika ni Nikolas sa sarili habang nakatingin sa grupo ng mga langgam na gumagapang sa batong inuupuan niya. May hawak siyang maliit na piraso ng sanga ng kahoy at iyon ay ginawa niyang tulay para makatawid ang mga langgam sa kabiilang bato.
"Paano kung magkagusto kayo sa reyna niyo? Maaari ba iyon?" tanong pa ni Nikolas sa mga langgam, kanina niya pa kinakausap ito. Mag-aalas tres na ng madaling araw at narito siya ngayon mag-isa sa gitnang bahagi ng bundok at may maliit na kweba roon.
Dito niya hihintayin si Sirene pagkatapos nang pakikipag-usap nito kay Kenzou sa lawa ng Laguna. Dala niya ngayon ang damit panlalaki na isusuot ni Sirene mamaya. "Haay, binabalaan ko na kayo, huwag na kayong magtangkang magkagusto sa reyna niyo dahil ang mga tulad nating mga dukha ay hindi nababagay sa kanila" pangaral ni Nikolas sa mga langgam at nahiga siya sa malaking bato.
Pinagmamasdan na niya ngayon ang perpektong kabilugan ng buwan. Batid niyang nagtagumpay sila sa plano dahil payapa pa rin at kapaligiran, walang kababalaghan na maaaring maidulot ng ina ni Sirene na reyna ng karagatan.
***
"Nagustuhan mo ba ang pagkain?" nakangiting tanong ni Kenzou kay Sirene habang magkatapat silang nakaupo sa isang pabilog na mesa na puno ng pagkain. Marunong naman magsalita ng wikang tagalog si Kenzou ngunit hindi masyado, mababakas din ang tono ng kaniyang pananalita. Sinikap ni Kenzou na makaintindi at matuto ng Filipino upang hindi na niya kailanganin pa si Mang Erning sa kaniyang tabi ngayon habang kasama niya si Sirene.
Malamig na rin ang gabi ngunit hindi nila alintana iyon dahil nasa loob naman sila ng isang kubo na ginawa ni Nikolas. Napatango lang si Sirene habang pilit na inuubos ang sopas na tanging pagkaing ginalaw niya. Karamihan sa mga pagkaing nakahanda sa mesa ay mga isda, lamang dagat at mga gulay.
"H-hindi ko pa pala nasasabi sayo ang buo kong pangalan, Kenzou Hayashida, tawagin... mo... na lang akong Kenzou" ngiti pa muli ni Kenzou, ang mga ngiting ito ng binata ay mas lalong nagpapaaliwalas sa perpekto niyang itsura.
"Sirene, ang pangalan ko naman ay Sirene" wika ni Sirene, binigkas naman ni Kenzou ng tatlong ulit ang pangalan ni Sirene sabay ngiti muli sa dalaga. Hindi niya akalain na makikita niya ang dalagang nakikita niya sa kaniyang panaginip noon. At ngayon ay hindi niya rin akalain na napakaganda ng dalagang iyon.
"Ikaw... ba... ay... may lahing... Amerikano?" tanong ni Kenzou, napatango na lang si Sirene, ayon din kasi sa bilin sa kaniya ni Nikolas kanina, ay kunwari ang tatay niya ay isang Amerikanong sundalo upang hindi magtaka si Kenzou sa kulay pilak niyang buhok.
"Sa... totoo lang... hindi ko rin... ginusto ang digmaang ito... ilang libong kalalakihan din sa amin ang narito ngayon... nawalay sa pamilya... para sa misyon na ito" paliwanag ni Kenzou, gusto mang sabihin ni Sirene na kahit magsalita ito sa kaniyang sariling wika ay maiintindihan pa rin ni Sirene dahil isa sa mga kakayahan ng mga sirena ay ang makaintindi at makapagsalita ng iba't-ibang wika ngunit siguradong magtataka si Kenzou kapag nalaman nitong nakakapagsalita rin siya ng Nihonggo.
"Ang Asya... ay para lamang sa Asya... Ang Pilipinas ay... bahagi ng Asya" patuloy pa ni Kenzou, napahinga naman ng malalim si Sirene. Batid niyang nalulungkot ngayon si Kenzou dahil nawalay siya sa pamilya niya at ngayon ay may mas mabigat pa itong tungkulin para sa kanilang sariling bansa.
"Ikaw... ano naman ang kwento ng... iyong buhay?" ngiti ni Kenzou sa kaniya, sandali namang napatulala si Sirene sa mesa bago siya muling tumingin kay Kenzou. Siya ngayon si Sirene, ang anak ng Amerikanong sundalo na amo nila Nikolas, Batchoy at Kamote. Matagal na niyang kilala ang magkakapatid na sila Nikolas kaya hindi ito nahirapan na isama siya para magkita sila ni Kenzou dahil nabanggit nga ni Kenzou na may babaeng kulay pilak ang buhok na madalas nitong napapanaginipan.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...