Sirene V

221K 8.6K 4.8K
                                    

[Kabanata 5]


"K-kung sakaling hindi nabantayan ng isang sirena ang mahiwagang perlas at hindi na ito maibalik sa kaniya, anong mangyayari?" tanong ni Nikolas sa tindera.


"Sa oras na mawala ang mahiwagang perlas at kapag hindi na ito naibalik pa sa karagatan ... mamamatay ang sirenang tagapag-alaga ng nawawalang perlas na iyon" diretsong sagot ng ale, sa kauna-unahang pagkatataon ay nakaramdam si Nikolas ng pag-aalala para kay Sirene na ngayon ay tulad ng tao, maaari na rin itong mamatay.


Sandaling hindi nakapagsalita si Nikolas, natauhan na lang siya nang lumingon sa kaniya ang tindera "M-may palugit po ba kung hanggang kailan ang itatagal para maibalik ang perlas sa karagatan?" tanong pa muli ni Nikolas. Napaisip naman ng malalim ang tindera.


"Hindi ko alam hijo, basta ang alam ko lang ay habang tumatagal ang sirena dito sa lupa at habang tumatagal ang pagkawala ng mahiwagang perlas sa karagatan ay unti-unting manghihina ang sirenang iyon" tugon pa ng tindera, muli namang napatitig si Nikolas sa obrang nakasabit sa dingding ng tindahan. Sa huling pagkakataon ay muling nagsalita ang tindera at ang mga salitang sinambit nito ay siyang nagpadagdag lalo sa pangamba ni Nikolas "Unti-unting manghihina ang sirena hanggang sa siya ay mamatay"



"Bakit parang ang lalim ng iniisip mo Kolas? Himala" kantyaw ni Batchoy habang nilalantakan ang dalawang mais. Napasandal naman si Nikolas sa gilid ng pintuan ng tren habang tulala sa labas ng bintana nito. Kasalukuyan silang nasa loob ng tren at ilang oras pa lamang ang lumilipas nang makaalis ito sa Batangas.

Mabagal ang takbo ng tren at umaalingawngaw sa paligid ang maingay na tunog nito. Pahabang helera sa gilid ng tren ang upuan kung kaya't ang mga kalalakihan ay naupo na lang sa lapag o nakatayo sa mga sulok.

Nagkalat din ang malalaking bagahe ng mga pasahero na siyang nasa tabi nila. Ang ibang malalaking baul ay inuupuan ng mga batang naglalaro at nagtatawanan. Alas-dos na ng hapon at karamihan sa mga pasahero ng tren ay tulog habang ang iba naman ay nagbabasa ng dyaryo.

"Napapaisip lang ako, ano kayang mangyayari kung sakaling hindi natin mabalik kay Sirene ang perlas?" tanong ni Nikolas habang tulalang nakatingin sa bintana ng tren. Matirik ang sikat ng araw sa labas kung kaya't kitang-kita ang ganda at lawak ng mga palayan na kanilang nadadaanan.

"Edi papatayin niya tayo" sagot ni Batchoy sabay punas sa bibig niyang punong-puno na ng mais. "Haay Kolas wag mo sabihing balak mo siyang takasan, siguradong hindi siya magdadalawang isip na patayin ka kapag niloko mo siya tungkol sa perlas" saad pa ni Batchoy at napailing-iling pa ito, inalok niya pa si Nikolas ng mais na kinakain niya pero ubos naman na ito.

Napahawak naman si Nikolas sa baba niya at hinimas-himas niya ito habang nag-iisip ng malalim. "Posible bang maging tao ang isang sirena?" tanong pa muli nito, napakunot naman ang noo ni Batchoy sabay kuha naman ng nilagang kamote na nasa bulsa niya.

"Imposible 'yon" sagot ni Batchoy, napalingon naman sa kaniya si Nikolas. "Hindi ba imortal ang mga sirena? Ibig sabihin kapag dumating sa punto na maaari na silang mamatay magiging tao sila?" saad naman ni Nikolas, napatigil naman sa pagkain si Batchoy at napaisip na rin ito ng malalim.

"Ayon sa pagkakatanda ko sa alamat hindi sila maaaring mamatay dahil imortal sila, dumadaloy din sa dugo ng apat na sirena ang kapangyarihan ng kamatayan dahil sila ay mga anak ni Maguayan na dyosa ng karagatan at kamatayan. Ayon din sa alamat mayroong babaeng anak noon si Maguayan na nangngangalang Lidagat ngunit namatay ito kung kaya't ang mga kaluluwa ng mga patay ay dinadala niya sa kailaliman" tugon pa ni Batchoy. Biglang naalala ni Nikolas noong gabing nakita niya kung paano lunurin ni Sirene ang batang babae, naramdaman din niya ang malakas na pwersa na humihila sa kanila paibaba sa karagatan.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon