Sirene XVI

173K 6.7K 9.9K
                                    

[Kabanata 16]

"Ipikit mo ang iyong mga mata, ituturo ko sayo kung paano mahanap ang pag-ibig" patuloy pa ni Nikolas at bigla itong napangiti. Napangiti naman si Sirene sabay tango saka niya dahan-dahang ipinikit ang kaniyang mga mata.

Sa pagkakataong iyon ipinikit ni Nikolas ang kaniyang mga mata at unti-unti niyang inilapit ang kaniyang labi sa labi ni Sirene at pareho nilang natagpuan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig na parehong ilap sa kanila noon sapagkat nabubuhay sila sa mundong makasarili.

Nang muli nilang imulat ang kanilang mga mata pareho silang napangiti. Ngunit biglang napahawak si Nikolas sa tapat ng kaniyang puso at napaatras siya. "K-kolas, bakit?" gulat na tanong ni Sirene sabay hawak sa binata.

Napahawak na rin si Nikolas sa kaniyang ulo at mata dahil biglang nanlabo ang kaniyang paningin at parang umiikot ang buong paligid. Hindi na rin niya masyado makita si Sirene na paulit-ulit binibigkas ang pangalan niya at ang boses nito ay parang bumagal. "Kolas!" sigaw ni Sirene nang biglang matumba si Nikolas at bumagsak sa sahig.

Gulat na napalingon sa kanila si Batchoy at Dolores na agad napatakbo nang mabilis sa daungan nang makitang nakahandusay na roon si Nikolas at walang malay. "K-kolas! G-gumising ka!" pakiusap ni Sirene habang pilit na ginigising si Nikolas ngunit hindi pa rin ito nagkakamalay.

"Anong nangyari kay Kolas?" nag-aalalang tanong ni Batchoy sabay hawak sa mukha ng pinsan. Maging si Dolores ay hindi rin makapaniwala sa nangyari kay Nikolas. "Inaapoy ng lagnat si Kolas!" wika ni Batchoy nang hawakan niya ang noo, leeg at braso ng pinsan.

Dali-daling isinampa ni Batchoy sa kaniyang likuran si Nikolas at tumakbo sila pasakay sa kalesa. Magtutungo sila ngayon sa bayan upang maghanap ng gamot sa mga abandonadong klinika ngunit ilang kilometro pa ang layo bago nila marating ang bayan.

Nang makasakay sila sa kalesa ay agad pinatakbo ni Batchoy ang kabayo. Magkatabi naman sa likuran si Sirene at Dolores habang yakap - yakap ni Sirene si Nikolas. Napatulala na lang din si Dolores kay Sirene dahil hindi siya makapaniwala na babae pala ang inakala niyang lalaking kapatid noon nila Nikolas at Batchoy, maging ang kilos nito ay hindi isang kilos ng nag-aalalang kapatid.

Mabilis ang pagpapatakbo ni Batchoy sa kalesa, at habang yakap ni Sirene si Nikolas ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata dahil pagagalingin niya ngayon si Nikolas ngunit wala pang sampung segundo ay bigla siyang napahawak sa puso niya nang maramdaman niya ang biglaang pagkirot na dahil sa paggamit niya ng kapangyarihan.

"D-dumurugo ang iyong ilong" gulat na wika ni Dolores sabay kuha ng isang tela mula sa kanilang bagahe at ibinigay niya iyon kay Sirene. Nag-aalala namang napalingon sa kanila si Batchoy lalo na dahil dumudugo ngayon ang ilong ni Sirene na hindi naman normal sa mahiwagang sirena.

Dalawang linggo na lang ay sasapit na ang ikalawang kabilugan ng buwan at ngayon ay nagsisimula na muling manghina si Sirene dahil hinihigop ng buwan ang kaniyang enerhiya. Nanginginig na pinunasan ni Sirene ang kaniyang ilog ggamit ang telang binigay ni Dolores.

"Benedicto!" sigaw ni Dolores nang mapatingin siya sa kalsada at nakita niyang may tatlong taong nakasuot ng itim na talukbong. Nakatayo ang tatlong iyon sa gitna ng kalsadang lupa habang napapalibutan sila ng matataas na talahiban sa kaliwa't kanan.

Agad pinatigil ni Batchoy ang pagpapatakbo sa kabayo dahil sa gulat dahilan upang magpupumiglas ang kabayo dahil sa pagkabigla. "S-sino sila?" kinakabahang tanong ni Dolores dahil sadyang nakakasindak ang anyo ng tatlong nakaitim na talukbong na iyon na parang si Kamatayan.

"K-kamahalan..." wika ni Batchoy, maging siya ay napaatras dahil sa takot. Nagsimulang maglakad ng dahan-dahan papalapit sa kanila ang tatlong nakaitim na talukbong na iyon. Agad silang nagpalinga-linga sa paligid ngunit walang ibang tao roon na mahihingian nila ng tulong.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon