[Kabanata 17]
Magmamadaling araw na ngunit hindi pa rin umaalis si Sirene sa tabi ni Nikolas na hanggang ngayon ay wala pa ring malay habang patuloy na inaapoy ng mataas na lagnat. Madalas niyang dampian ng puting tela ang noo, pisngi at leeg ni Nikolas na pinagpapawisan.
Tahimik na rin ang buong paligid, halos tulog na ang lahat. Nag-iisang kandila na lang ang nagbibigay liwanag sa loob ng kweba na tinutuluyan nila Sirene. Nasa isang sulok naman natutulog si Batchoy habang nasa tabi naman ni Sirene si Carolina na mahimbing na ring natutulog.
Ilang sandali pa ay biglang napalingon si Sirene nang maramdaman niyang may paparating, may nakita siyang anino na naglalakad papasok sa kweba na tinutuluyan nila. Dahan-dahan niyang dinukot sa kaniyang bulsa ang maliit na balisong ngunit napatigil siya nang makilala kung sino ang paparating nang tumaan na ito ng liwanag.
"Aking nararamdaman na hindi ka isang ordinaryong tao, hindi ba?" panimula ni Mang Peng, ang kaliwang mata nito ay hindi na nakakakita ngunit tila tinititigan si Sirene ng mga mata nitong may kakambal na paghihinala.
Hindi naman umimik si Sirene, ibinaling na lang ulit niya ang paningin niya kay Nikolas na natutulog ngayon sabay hawak muli sa kamay ng binata. "Hindi na kita tatanungin kung bakit gising ka pa ngayon dahil batid kong hindi mo naman kailangan matulog" patuloy pa ni Mang Peng at naglakad ito papalapit kay Nikolas habang paika-ika hawak ang kaniyang lumang tungkod.
"Ikinagagalak ko na masilayan kayo, Kamahalan" saad pa ni Mang Peng sabay yuko kay Sirene. Nararamdaman ni Mang Peng na isang mahiwagang nilalang si Sirene ngunit hindi niya matukoy kung sino ang sirenang kaharap niya mula sa alamat ng apat na sirena na tagapag-bantay sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas.
"Batid kong hindi rin lingid sa iyong kaalaman na namamatay ang mga taong nakakaalam ng aming pagkatao" wika ni Sirene, napayuko lang si Mang Peng na animo'y hindi nasindak sa banta ng mahiwagang sirena.
"Ipagpatawad po ninyo ngunit ang kamatayan ay hindi ko na kinatatakutan. Ako'y matanda na, marami nang karamdaman, hindi na makakita, hindi na makakain ng mga nais kong pagkain, wala na rin akong pamilya. Ano pang dahilan upang matakot akong mamatay?" saad ni Mang Peng at naupo ito ng dahan-dahan sa tabi ni Nikolas, ang kamay ng matandang albularyo ay malamig at nanginginig-nginig dahil sa katandaan.
"Sinasabi mo bang handa ka na mamatay? Hindi ka ba natatakot kung sa anong paraan ka mamamatay?" wika pa ni Sirene habang nakatingin ng diretso sa matanda. Napahinga naman ng malalim si Mang Peng habang sinusuri pa rin ang pulso ni Nikolas.
"Batid kong hindi mo magagawa iyon, ang puso mo ngayon ay niyakap na ng pag-ibig. Ang iyong puso noon ay makasarili tulad ng binatang ito, kayong dalawa ay nabubuhay noon para sa pansariling kaligayahan ngunit ngayon ay nararamdaman ko na ang pag-ibig na ang naghahari sa inyong mga puso" patuloy pa ni Mang Peng sabay ngiti ng marahan. Animo'y masaya siya at hindi makapaniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig.
Hindi naman nakapagsalita si Sirene napayuko na lang siya at kahit papaano ay gumaan ang kaniyang pakiramdam dahil sa sinabi ng matanda. "Bukod doon, hindi dapat katakutan ang kamatayan. Ang mga tulad naming mga ordinaryong tao ay humahantong din sa kamatayan. Nagkakaiba nga lang kung sinong mauuna, mahuhuli at kung sa anong paraan ngunit kahit ganoon lahat pa rin kami ay namamatay" dagdag pa ni Mang Peng, pinisil-pisil niya ang braso ni Nikolas na ngayon ay nangingitim at namumula na rin. Animo'y may lasong dumadaloy sa buong katawan nito.
Parang sinaksak ng libo-libong punyal ang puso ni Sirene sa katotohanang si Nikolas ay isang ordinaryong tao na maaaring mamatay. "Umiibig ang binatang ito sa iyo, ang isang tulad mo at ang tulad niya ay hindi maaaring mahulog sa isa't-isa. Ang kaniyang pagmamahal sa iyo ang siyang lalason papatay sa kaniya. Nakikita mo ba ang pangingitim ng kaniyang ugat? Ito na ang hudyat na dumadaloy na ang lason ng pag-ibig sa kaniyang buong katawan" paliwanag pa ni Mang Peng habang ginuguhit niya ang kaniyang hintuturo sa braso ni Nikolas na unti-unti nang nangingitim.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...