[Kabanata 18]
Tuluyang napinsala ang buong kalupaan. Nagkalat sa paligid ang mga bumagsak na puno at ang mga sanga nitong tinangay ng napakalakas na hangin. Gumuho rin ang kabundukan at ngayon ay nagkalat ang makapal na putik sa mabatong ilog.
Karamihan ay wala nang buhay at ang iba naman ay nalibing ng buhay sa loob ng minahan. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng mahinang ulan na mas lalong nagpalungkot sa kalagayan ng paligid. Dali-daling tumakbo ang ilan sa mga mamamayan na nakaligtas at tulong-tulong nilang binuhat at ginamot ang mga nag-aagaw buhay na tao na nagkalat sa paanan ng bundok at sa dalampasigan.
Nakita man ng ilan ang apat na sirena na tagapag-bantay ng mahiwagang perlas ngunit sa pagkakataong iyon nang matapos silang parusahan ng mahihiwagang nilalang ay nabura na sa kanilang isipan na ang tunay na may kagagawan niyon ay mga sirenang galit na galit lalo na si Sirene. Sa halip, ang nabuo na sa kanilang mga isipan ngayon ay isang matinding sakuna at malakas na bagyo ang tumama sa kanilang bayan.
***
Nakapangingilabot na lamig ang bumabalot sa loob ng sagradong kweba kung saan dinala ng apat na sirena ang walang buhay na katawan ni Nikolas. Kumikinang na mga batong punong-puno ng mga Aquamarine at dyamante ang bumabalot sa buong kweba.
May malaking at makinis na bato sa gitna kung saan napapalibutan ito ng mababaw na tubig na nakakahalina sa sobrang linaw. Kumikinang na kulay asul ang tubig at may usok na nagmumula rito dahil sa hiwagang taglay ng sagradong tubig na iyon.
Hindi na maawat si Sirene sa pag-iyak habang nakayakap kay Nikolas na nakahiga ng tuwid sa bato at namumutla na ang kaniyang buong katawan. Tahimik lang at walang imik ang tatlong sirena na nakaupo sa gilid ng bato habang pinagmamasdan ang kanilang kapatid.
Ang kanilang mga mahihiwaga at makukulay na buhok at buntot ay sinasayaw ng katubigan. Ilang sandali pa ay hinawakan na ni Doreen ang balikat ni Sirene upang ilayo ito sa pagyakap ng mahigpit kay Nikolas.
Patuloy na humagulgol ang dalaga at yumakap kay Doreen. Dahan-dahan namang hinagod ni Doreen ang likod ng kapatid upang patigilin na ito sa pagluha. Tanging ang paghihinagpis ni Sirene ang naririnig sa loob ng sagradong kweba.
Sa pagkakataong iyon ay lumapit na rin sa kanila si Amathea at Maira. Sa mga panahong ganito ay sila-sila pa ring magkakapatid ang nagdadamayan at nagtutulungan. Yumakap na rin sila kay Sirene upang iparamdam sa kapatid ang kanilang pagmamalasakit sa kaniya.
Ilang sandali pa ay biglang napatigil si Maira at napatingin sa nanlalamig na bangkay ni Nikolas. Nang bumitaw siya sa pagkakayakap kay Sirene ay napatigil din ang kaniyang mga kapatid. Dahan-dahan siyang lumapit kay Nikolas at tiningnan ng mabuti ang binata sabay hawak sa pulso nito sa kamay.
Sa kanilang apat ay si Maira ang siyang pinakamagaling sa panggagamot. Napatigil na rin si Sirene sa pag-iyak at bigla siyang nabuhayan ng pag-asa dahil sa kakaibang pagsuring ginagawa ngayon ni Maira kay Nikolas.
Magagawa nilang magpagaling ng mga sakit at sugat ngunit hindi nila kayang bumuhay ng isang patay. Si Nikolas ay namatay agad nang barilin ito ni Mang Lucio sa ulo.
"Maira?" tanong ni Amathea na agad lumapit sa kaniya, ang kanilang mga buntot ay nakalublob ngayon sa mababaw na sagradong tubig. Sunod namang lumapit si Doreen at hindi nagpahuli si Sirene na agad kumapit sa kamay ni Nikolas.
"May kakaiba sa taga-lupang ito" panimula ni Maira na halos walang kurap na pinagmamasdan ng mabuti si Nikolas at pinapakiramdaman ang pulso nito. Ilang sandali pa ay biglang nanlaki ang kanilang mga mata nang makita nila kung paano unti-unting nanumbalik ang pamumula sa mukha ni Nikolas.
BINABASA MO ANG
Sirene (Published by ABS-CBN Books)
FantasyMay isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay ng buhay ng tao ang mga sirenang iyon para sa...