"MAUUNA na ako" si Ronnie na tinapik ang balikat ni Ace saka pagkatapos ay hinalikan ang pisngi ni Michelle. Sa isang pribadong ospital sa Maynila kaninang madaling araw isinilang ng bestfriend niya ang isang malusog na sanggol na lalaki.
"Mag-iingat ka, at huwag mong kalilimutan na Ninong ka sa binyag nitong si Adrian" ang bestfriend niyang si Michelle.
Tumawa siya ng mahina saka tumango. "Oo naman, hindi ko kalilimutan iyon" aniyang dinama ang maliit na kamay ni Adrian.
Kahit hindi niya aminin, alam niyang nasa puso niya ang maliit na panibugho na paano kaya kung hindi nawala si Victoria? Malamang ganito rin kagwapo ang anak nilang lalake lalo kung magmamana ito sa ina. Noon niya naramdaman ang karaniwang sakit na gumuhit sa kanyang dibdib kapag naaalala niya ang yumaong kasintahan.
Sometimes remember me...
Wala sa loob na napapikit si Ronnie nang parang kahapon lang ay narinig niyang ibinulong iyon ng mga labi ni Victoria. Nasa Emergency Room noon ang nobya niya gawa ngisang malagim na aksidente limang taon narin ang nakalilipas.
I will always remember you. I will always love you... Iyon ang natatandaan niyang naisagot niya sa kabila ng matinding pag-iyak. At kahit halos hindi na malinaw ang paningin niya gawa ng makapal na pag-uulap ng kanyang mga mata ay nakita niyang sa kabila ng paghihirap ay sumilay ang pilit ngunit matamis na ngiti sa mga labi ni Victoria.
Ang ngiting iyon ang isa sa maraming magagandang katangiang minahal niya sa dalaga. Iyon ang una niyang hingaan. Ang unang bumihag sa puso niya. At hindi niya inasahan minsan man na siya rin palang huli niyang masisilayan bago ito nalagutan ng hininga sa kanya mismong harapan.
I will always remember you. I will always love you... Aniyang inulit ang mga salitang iyon bago pinatakbo palabas ng highway ang minamaneho niyang sasakyan.
BAKIT kailangan pang maging ganito kasakit ang ending ng lahat? Hindi ba pwedeng maging madali nalang?
Kasunod ng mga tanong na iyon ay ang patuloy na pag-agos ng mga luha ni Savannah habang tahimik na umiiyak at yakap ng mahigpit ang kaniyang unan. Kahapon lang ang saya-saya niya dahil matapos ang mahigit dalawang taon nilang pagiging mag-steady ay nagpropose narin ng kasal sa kaniya si Julius. Pero kanina lang sa opisina binisita siya ng isang babaeng malaki ang tiyan at sinasabing anak raw ng nobyo niya ang batang dinadala nito.
Sa simula ay hindi siya agad na naniwala. Pero dahil iba ang kabang nararamdaman niya ay minabuti niyang kausapin ang binata. At noon nga nito inamin ang tungkol kay Lenie, ang babaeng buntis na sumadya sa kanya kanina sa trabaho.
Ang totoo hindi kasi siya pumapayag na may mangyari sa kanila ng nobyo niyang si Julius hangga't hindi sila naikakasal. Inakala niyang sa kabila ng hindi pagrereklamo ni Julius ay okay lang rito pero iba pala ang nangyayari kapag hindi sila magkasama. Dahil ayon narin mismo sa binata. Si Lenie ang pirmi nitong bed partner sa loob ng anim na buwan bago nito ito nabuntis. Nanlulumo niyang tinitigan si Julius saka umiiyak na hinubad ang singsing na ibinigay nito sa kanya kahapon.
Ayon kay Julius ay isang college student si Lenie na nakilala nito sa isang mamahaling bar sa Makati. Kaya hindi niya mapigilan ang maawa para sa dalaga at isipin ang kinabukasan nito sakaling hindi ito panagutan ng dati niyang nobyo.Alam niyang mabuti itong tao dahil iyon ang una niyang naramdaman. Pero hindi ang mga iyon ang dahilan kung bakit mas pinili niyang magparaya. Iyon ay walang iba kundi sa bata. Dahil kung siya man ang tatanungin, ayaw niyang mangyari sa kanya ang nangyari kay Lenie.
Mula sa pagkakasubsob sa unan ay nag-angat ng kanyang ulo si Savannah nang marinig niya ang muling pagtunog ng kanyang cellphone. Hindi na niya kailangang tingnan kung sino iyon dahil simula kanina isang tao lang ang paulit-ulit na tumatawag, si Julius. Nang hindi makatiis ay kinansela niya ang tawag saka na minabuting i-block ang numero ng dating nobyo sa kanyang telepono. Kahit ano pang sabihin nito wala na siyang planong makipagbalikan pa.
Dalawa silang magkapatid at bunso siya. Ang kuya niyang si Brian ay binata pa at nagtatrabaho sa isang malaking chemical company sa Laguna. Matanda ito ng limang taon sa kanya. Kasama nito doon ang Mama at Papa nilang sina Wilma at Noli at sa mismong bahay nila nanatiling naninirahan.
Pasko nang maipakilala niya sa mga ito si Julius. Ang totoo against ang parents niya sa paninirahan niya ng mag-isa sa Maynila kaya para patunayan sa mga ito na kaya niya ay iningatan niya ng husto ang sarili niya. Sa kabila ng lahat, kahit sabihing nawala sa kanya si Julius nang dahil lang sa simpleng hindi niya pagpayag na magtalik siya ay nagpapasalamat parin siya. At least nanatiling buo at malinis ang pagkababae niya.
BINABASA MO ANG
A SMILE TO KEEP (TIME IN A BOTTLE SEQUEL)
RomanceCOMPLETED Nang pagtaksilan siya ng lalaking dapat sana ay pakakasalan ay minabuti ni Savannah ang lumayo. Pero hindi niya maintindihan kung sadya ba siyang sinusundan ng kamalasan dahil ang paglayo niyang iyon ang naging dahilan kung kaya siya nahab...