Part 7

638 28 0
                                    

HAPON nang makauwi sila ni Ronnie mula sa pamamasyal sa mall. Pagkababa ng sasakyan ay agad siyang nagtuloy sa kanyang kwarto. Binilinan pa muna siya ng binata na magpahinga at ipatatawag nalang nito kapag handa na ang hapunan.

Sa kanyang silid pagkababa ng kanyang mga gamit ay agad na pumasok ng banyo si Savannah para maligo. Ilang sandali nang makalabas at makapag-ayos ng sarili ay saka niya naisipang magkape kaya lumabas siya ng kwarto para naman tunguhin ang kusina.

Natigilan siya nang mabungaran sa sala si Ronnie na kausap ang isang babae. Mukha itong bumbay pero maputi at talaga namang kahit nakaupo ay kapansin-pansin ang ganda at perpektong hubog ng katawan. Kung saan nanggaling ang mild insecurity na naramdaman ni Savannah ay hindi niya alam kaya mabilis niyang iwinala nalang iyon sa kanyang isipan.

"Vannah, akala ko nagpapahinga ka?" si Ronnie na sandali muna siyang sinuyod ng tingin bago nakangiting tinitigan.

Agad na nag-init ang mukha niya sa ginawing iyon ng binata. Simpleng blue floral dress lang ang suot niya kaya hindi niya mapigilan ang matuwa ng lihim gawa ng matinding paghangang nakita niya sa mga mata ni Ronnie.

"Oo sana, kaya lang hindi naman ako inaantok kaya magkakape nalang siguro ako" aniyang sandaling sinulyapan ang babaeng bisita ni Ronnie na nakaupo katabi ng binata sa mahabang sofa mismo. Nang ngumiti ito sa kanya ay lalong umaliwalas ang mukha nito na mas higit pang nagpatingkad sa kagandahan ng babae.

Tumango ang binata saka tumayo. "Ganoon ba? Anyway, si Lara nga pala, kasamahan ko sa trabaho sa Switzerland. Lara siya si Savannah" pakilala ni Ronnie.

Hindi napapalis ang magandang ngiting inabot ni Lara ang kamay nito sa kanya. "Hello, how are you?"

Alanganin siyang napangiti saka nahihiyang tinanggap ang pakikipagkamay ng babae. "I'm good, you?"

"Mabuti ako, at masayang-masaya ko na makilala ka" naramdaman niya ang katapatan sa tono ni Lara bagaman mabilis siyang napabuntong hininga nang mapuna ang makahulugan pero magandang sulyap na ibinigay nito sa binata.

"Same here" aniyang minabuting bawiin na ang kamay kay Lara. "maiwan ko na muna kayo?" pagkasabi ay agad na siyang tumalikod sa kagustuhang makaiwas sa iba pang posibleng sabihin ng dalawa. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya kumportable kay Lara kahit mukha naman itong friendly at mabait.

Kasabay nilang kumain ng hapunan si Lara. Noon nga niya napag-alaman na magkakilala na pala ito at ang tiyahin ni Ronnie na si Tita Erlie. At dahil nga sa katotohanang siya lang ang new comer doon ay nanatili siyang nakikinig lang sa usapan ng mga ito. Nakikitawa sa mga pagkakataong nakakatawa ang topic. Mabait at masayahin si Lara. Masasabi niyang when it comes to personality, ito ang babaeng version ni Ronnie. Although sa dalaga narin mismo nanggaling ang pagiging liberated nito.

Matapos ang hapunan ay sinubukan niyang tulungan si Tita Erlie sa pagliligpit ng kanilang pinagkainan. Pero dahil nga tenant siya roon ay hindi siya pinayagan ng ginang. Naroon naman daw si Aling Saling kaya madali nalang ang lahat ng gagawin.

"Vannah, hindi ka ba nilalamok dito?" sa garden nalabasan siya ni Ronnie ilang minuto matapos ang hapunan. Nakaalis na noon si Lara para magpalipas ng gabi sa isang mamahaling hotel sa bayan kung saan ito naka-check in.

Mula sa kanyang pagkakaupo sa upuang kawayan na nasa ilalim ng puno ng gumamela ay lumingon si Savannah. "Vannah" aniyang sinundan ng isang malamyos na tawa ang sinabi saka hinayaang maupo si Ronnie sa bakanteng bahagi ng upuan.

Namumungay ang mga mata siyang tinitigan ng binata. "Bakit hindi mo ba gusto ang ibinigay kong nickname para sayo?" ang malambing nitong tanong.

Kung tama ang tantiya niya ay nasa isang dangkal lang yata ang distansya ng mukha ng binata sa mukha niya. Kaya naman malaya niyang nasamyo ang amoy ng alak sa hininga nito na bumaladra sa kanyang mukha. "H-Hindi naman sa ganoon" aniyang iniiwas ang tingin rito.

"Yeah? Bakit ano bang nickname sa iyo nung ex mo?" ang walang gatol na tanong-sagot ni Ronnie saka mabilis na ginagap ang isa niyang kamay at hinalikan.

Malakas siyang napasinghap dahil sa ginawing iyong ng binata kaya wala sa loob na minabuti niyang bawiin ang sariling kamay mula rito. Pero sa halip na bitiwan ay mas lalo pang humigpit ang pagkakahawak doon ni Ronnie kaya hindi na siya nagpumilit pa.

"H-Hindi kasi mahilig sa ganoon si Julius" amin niya. Sandali niyang pinakiramdaman ang sarili, sa loob ng kulang dalawang araw narin niyang pananatili sa bahay na iyon kasama si Ronnie ay masasabi niyang may improvement naman sa sakit na dinadala niya. Na-lessen na iyon, at kailangan niyang aminin na ang binata ang dahilan kung bakit.

Tumango-tango si Ronnie. "Kumusta kana?"

Nang makuha ang ibig sabihin ng tanong na iyon ng binata ay agad na tila bulang naglaho ang mild insecurity na nararamdaman niya mula pa kanina. "Okay naman na, hindi na kagaya nung umpisa" pagsasabi niya ng totoo.

"Yeah? Mabuti naman kung ganoon, sana magtuloy-tuloy na iyan" anitong kinabig siya saka maingat na inihilig ang ulo niya sa balikat nito.

Tumawa siya ng mahina, hindi dahil sa kung ano pa mang kadahilanan kundi dahil narin sa kilig na mabilis niyang naramdaman dahil sa ginawing iyon ni Ronnie. "Ikaw, kumusta kana?" ganting tanong niya.

"Matagal na akong okay, hindi ko lang talagang magawang magmahal ng iba" sagot ng binata.

"Bakit? Dahil nangako ka kay Victoria na siya lang ang mamahalin mo?" may kurot sa damdamin na naramdaman si Savannah. Ngayon palang naiisip na niya kung gaano kahirap maging karibal ang isang taong yumao na.

SA loob ng mahabang panahon dahil sa tanong na iyon ay parang natauhan si Ronnie. Ano nga ba ang dahilan kung bakit naging mailap ng sobra ang puso niya sa kahit anong emosyon maliban sa pagnanasa at atraksyon? Not until Savannah dahil iba ang pagtingin at nararamdaman niya ngayon para sa dalaga. Kung ano iyon? Alam niya masyado pang maaga para pangalanan.

"Maybe yes, maybe no at pwede ring I don't know" aniyang nilingon si Savannah saka nginitian.

"Maswerte siya kasi may isang kagaya mo na nagmahal sa kanya ng sobra. Sabihin mo nga sakin Ronnie, saan ako pwedeng makahanap ng duplicate mo?" nakita niya ang matinding pagkabigla sa mukha ng dalaga dahil sa sinabi nito.

Noon niya maingat na inilayo ang sarili kay Savannah saka pagkatapos ay minabuting humarap dito. Nahihiyang nagbaba ng tingin ang dalaga kaya naman hinawakan niya ang baba nito saka itinaas ang mukha nito paharap sa kanya. "Bakit ka pa maghahanap ng duplicate ko samantalang nandito naman ako?"nanatiling tahimik lang si Savannah sa kabila ng matinding pagkabiglang nakita niyang gumuhit sa mga mata nito.

Ilang sandali ring nakuntento siya sa simpleng pagtitig lang sa magandang mukha ng dalaga. Ang mga mata nitong tila walang muwang pang tumitig rin sa kanya pero agad ring umilap nang marahil hindi na makatiis.

"Gusto kitang halikan" ang halos pabulong niyang sabi habang titig na titig parin sa kagandahang nasa kaniyang harapan.

A SMILE TO KEEP (TIME IN A BOTTLE SEQUEL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon