"AKALA ko uuwi na tayo?" ang nakangiting winika ni Savannah nang itigil ni Ronnie sa gilid ng kalsada ang sasakyan.
Bumaling sa kanya ang nobyo niya saka siya buong pagmamahal na pinakatitigan. "May gusto kasi akong ibigay sa'yo bago matapos ang araw na ito" anitong inabot sa may backseat ang isang clutch bag.
Awtomatikong binayo ng matinding kaba ang dibdib niya nang ilabas ng binata sa bag ang isang maliit na kahon. "A-Ano iyan?" kahit obvious naman sa kaniya kung ano ang laman niyon at kung ano iyon ay tanging iyon lang ang naisip niyang sabihin.
"Naalala mo nung gabing nagpaalam kang uuwi nang Laguna? Ito ang sinaglit ko noon sa mall. Kahit walang assurance na tatanggapin mo ito naisip ko lang na kailangang maibili kita nito. Kasi darating iyong time na papayag ka, kasi gagawin ko ang lahat para mapapayag ka" ang mahabang paliwanag ng binata.
Nang buksan ni Ronnie ang kahon ay saka tumambad sa kanya ang isang magandang engagement ring. Batong diyamante ang dulo niyon na siguradong hindi lang basta-basta ang halaga. "Alam ko sinabi mong hindi ko na kailangang ulitin pa ang wedding proposal ko sayo" simula ng binata saka inabot ang kanyang kamay. "pero dahil mahal na mahal kita, siguro kahit puro I love you at will you marry me nalang ang lumabas sa bibig ko ayos lang. Kaya I wanna ask you again. Will you marry me and be my forever?"
Titig na titig sa kanya si Ronnie. Ang mga mata nito kinakitaan niya ng kakaibang init at kislap na hindi niya kayang pangalanan. At isa lang iyon sa maraming dahilan kaya hindi na niya napigilan ang mapaiyak. "Of course I will marry you, I love you."
Lalong nangislap ang mga mata ni Ronnie dahil doon. Matapos nitong isuot ang singsing sa daliri niya ay kinabig siya ng binata at saka maalab na hinalikan. Pagkatapos niyon ay mahigpit siyang niyakap at saka hinalikan ang kanyang buhok.
"Hindi na importante sa akin anuman ang maging ending nito. Kasi isa lang ang alam ko, ang buhay ko ay magsisimulang muli, sa'yo" ang narinig niyang sinabi ni Ronnie habang nanatiling mahigpit ang pagkakayakap sa kanya.
Lalo siyang napaiyak dahil doon. Hindi siya makapagsalita gawa ng nag-uumapaw na kaligayahang nararamdaman niya kay minabuti niyang yakapin nalang ng mas mahigpit pa ang binata. Alam niya sa kabila ng pananahimik niya ay mararamdaman ni Ronnie ang anumang gusto niyang sabihin na hindi magawang sambitin ng mga labi niya.
"ANONG plano mo ngayon anak?" ang Papa niya nang magkasarilinan sila nito sa sala ng bahay nila at si Savannah ay naihatid na niya sa kanilang kwarto.
Maganda ang ngiting tinitigan niya ang alak sa kanyang baso saka iyon sinimsim bago sumagot. "May alok na trabaho sa akin sa Maynila, balak kong subukan. Kasabay ng pag-aaral ko sa pagpapatakbo nitong farm."
"Mabuti naman at naisipan mong dito na sa Pilipinas mag-stay. At mabuti nalang din at dumating si Savannah sa buhay mo, at least mayroon ka ng dahilan para hindi umalis" ang nasisiyahang isinatinig ng ama niya.
"Hindi ko siya kayang iwan Papa, ang totoo gusto ko lagi ko siyang nakikita at nakakasama" saka niya sinundan ng mahinang tawa ang sinabi.
"Masaya kami ng mama mo para sa'yo anak. At sigurado akong pati si Victoria ay masayang-masaya na ngayon para sa'yo" paniniyak pa ng ama niya.
Ngumiti lang siya saka na sinaid ang laman ng hawak niyang baso pagkatapos ay nagpaalam na sa ama niya na matutulog na. Kinabukasan rin kasi ang balik nila ni Savannah sa Maynila kaya pinagpahinga na niya ito ng maaga.
Hinaplos ng mainit na damdamin ang dibdib niya nang makitang mahimbing na natutulog ang nobya niya sa kanyang kama. Ang maganda nitong mukha, bakas ang contentment doon at iyon ang lalong nagpasidhi ng kasiyahang nararamdaman niya. Maingat siyang nahiga sa tabi ni Savannah saka niya inabot ang switch ng ilaw sa headboard ng kanyang kama. Tanging lampshade lang ang iniwan niyang bukas.
"I love you so much Vannah" bulong niya saka ito maingat na iniunan sa kanyang braso, niyakap ng mahigpit at hinalikan sa noo.
With her by his side ay talagang kumpleto siya at wala ng mahihiling pa. At iyon ang tanging dahilan na pinanghahawakan niya para masabing ang lahat ng mayroon sila ng dalaga ay talagang pinagtibay na noon pa man ng tadhana.

BINABASA MO ANG
A SMILE TO KEEP (TIME IN A BOTTLE SEQUEL)
RomanceCOMPLETED Nang pagtaksilan siya ng lalaking dapat sana ay pakakasalan ay minabuti ni Savannah ang lumayo. Pero hindi niya maintindihan kung sadya ba siyang sinusundan ng kamalasan dahil ang paglayo niyang iyon ang naging dahilan kung kaya siya nahab...