Nasa campus siya nang araw na iyon ng Linggo. Pinayagan siya ni Don Manuel na maka-attend ng practice ng volleyball. Nakasandal siya sa ilalim ng punong-akasya nang may tumakip sa mga mata niya mula sa likod.
"Guess who?"
"Frankenstein?"
"Wrong."
"Dracula?"
"You can guess better than those two, Joanna." Natatawang bumitaw si Franz at naupo sa damuhan. Napaupo na rin siyang nakatawa.
"Ikaw pa ba naman ang hindi ko makikilala gayong kabisado ko na ang cologne mo." At kahit wala ang cologne mo ay alam kong ikaw. Gusto niyang idagdag. "Bakit ka nandito?"
"Para panoorin ang practice mo at upang makakita ng magagandang legs." Hinagod nito ng tingin ang magagandang binti ni Joanna na naka-shorts ng maiksi at medyas at rubber shoes. Hinampas ito ng tuwalya ng dalaga na bagaman biro ay pinamulahan ng mukha. Humiga sa damo si Franz upang makaiwas.
"Lecher!"
"Masisisi mo ba ako gayong ngayon ko lang napagtuunan nang husto ang mga binti mo? Aba'y lagi kang naka-uniform, ah. Sa bahay naman ay naka-walking shorts kung hindi nakapantalon." Pumutol ito ng mahabang damo at pinaglaro sa mga binti ng dalaga.
"Hey, ano ka ba!" Tinabig niya ang kamay nito.
"Joanna, nananayo ang mga balahibo mo sa binti at braso, o," tukso ni Franz na itinukod ang ulo sa braso at tinitigan siya.
"Franz, napipikon na ako at nakatingin dito ang team ko."
"Lagi ka namang pikon. At huwag mong intindihin ang mga iyon. Lagi naman silang nakatingin sa akin, eh."
"Crush ka nga ni Agnes, eh." Ang captain ball nila ang tinutukoy niya.
"Sorry na lang. Hindi ko siya type." Sa pagkakataong iyon ay ang daliri mismo nito ang pinaglakbay sa braso niya. Sinisikap niyang bale-walain iyon.
"Sino ang type mo, iyong barkada ni Shirley?"
"Game iyon, eh." Tumingala sa dalaga. "Jo, nagka-boyfriend ka na ba?" Umiling siya. "Nahalikan ka na?"
Humugot siya ng malalim na paghinga. Franz was just being friendly and casual, no more no less. Hindi siya dapat mailang.
"Kung hindi pa ako nagkaka-boyfriend, paano akong mahalikan?"
"It doesn't follow. Pero ang daming nanliligaw sa iyo, ah."
"Hindi ko sila type."
"Sino ang type mo, si Arnel?" May iritasyon sa ilalim ng tinig nito. "Malimit kayong magkasama, 'di ba?"
"Magkaibigan lang kami ni Arnel, tulad ng mga kaibigan ko, kayo ni Rigo."
"Mabuti naman kung ganoon. Hangga't maaari ay ayokong kinakatalo ang kaibigan." Nagsasalubong ang mga kilay na nilingon ni Joanna ito. Sinalubong ni Franz ang tingin niya. Bumaba sa mga labi niya ang mga mata ng binata. Siya ang umiwas at ibinalik sa field ang mga mata.
"Jo..."
"Hmm..." Hindi siya lumingon.
"Don't let anybody kiss you. Ako lang."
Doon siya lumingon. "Franz, hindi ko na gusto iyang birong iyan, ha? Huwag mo akong i-good time."
"Hindi ako nagbibiro at hindi kita ginu-good time."
"Alam mo, Mr. Playboy, kung hindi lang ako sa inyo nakatira at anak ka ni Don Manuel, kanina ka pa nakatikim sa akin." Nairita siya at akmang tatayo pero nagbigay ng warning ang binata.
"'Pag tumayo ka at iniwan mo ako dito, hihilahin kitang tiyak at matutumba ka sa akin. And you're giving me the chance to give you your first kiss here in broad daylight at may mga audience pa," banta nito sa seryosong tono.
She wrinkled her nose. "Ang sama ng taste mo. Pati ba naman ako papatulan mo? Katulong lang ako sa inyo, ah." Sinikap niyang lagyan ng sarcasm ang tinig.
"Kung intensiyon mong galitin ako, then congratulations!" Bumangon ito at tinitigan siya nang matalim. "Anong katulong ang pinagsasasabi mo?" galit nitong tanong. Hindi siya sumagot at niyakap ang mga binti at ipinatong ang mukha sa tuhod. "May katulong bang sarili ang silid sa itaas with complete amenities? Kasabay naming kumakain at sinusundo at inihahatid sa escuela?"
"Franz, I hate it when you're angry. I'm sorry, okay?" Hindi sumagot si Franz at sumandal sa punong-akasya at namulsa. Naputol ang katahimikang namagitan sa kanila nang dumating si Rigo at tinapik sa balikat si Franz.
"Tara," wika nito. "Hello, Jo."
"Saan?"
"Ihatid natin si Shirley sa kanila. Kasama natin iyong isa niyang classmate, si Angie. Puro game ang dalawang iyon, friend."
Ibinaling ni Joanna ang tingin sa mga nagpapraktis sa field. Pagkatapos ay nilingon ang dalawang lalaki.
"Babalik na ako sa practice." Hindi na niya hinintay na sumagot ang dalawa at lumakad patungo sa mga kasamahan.
"Hintayin mo ako sa uwian," pahabol ni Franz.
"Magsyota ba kayo ni Joanna?" si Rigo na hinabol ng tingin si Joanna.
"Hindi, bakit?"
"Bakit regular mong sinusundo kung hindi?"
"Hindi ko puwedeng pahindian ang Papa. Isa pa, malayo ang amin mula sa highway. Baka makursunadahan ng mga tricycle boy."
"Hindi mo kursunada?" patuloy ni Rigo.
Matagal bago sumagot si Franz na ang mga mata'y nakatuon sa dalagitang hawak na ang bola. "Hindi game si Joanna, friend. Polite and friendly dahil sa amin nakatira."
"I'm glad to hear that, friend," nilagyan nito ng diin ang huling salita. "Ayokong isama mo sa mga kalokohan natin si Joanna. Hindi okay ang nagpalaki diyan at ayokong madagdagan ang mga sama ng loob niya sa buhay malibang seryoso ang lalaki like Arnel."
"Papatayin ko si Arnel 'pag si Joanna ang napiling pagpraktisan ng loko," natatawang sagot nito na ikinatawa na rin ni Rigo.
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 3 (You Belong To My Heart)
Romance"You belong to me, sweetheart, to my heart, now and forever." Hindi mapaniwalaan si Joana na makalipas ang pitong taon ay muling nagbalik sa buhay niya si Franz. Seven years of heartache pero mukhang determinado si Franz na patuluy siyang magdusa s...