LUNES at maagang gumising si Joanna kaysa sa dati. Ngayong araw na ito ang balik ni Cristy ng Maynila. Gusto niyang tulungan ang dalawang katulong na babae na maghanda ng almusal at ibang gawain. Alam niyang ookupahin ni Cristy ang panahon ng mga katulong sa personal nitong pangangailangan tulad noong huling nandito ang dalaga.
Inayos niya ang sarili. Alam niyang tulog pa sa mga oras na iyon si Don Manuel. At tiyak na ganoon din si Franz. Alas-nueve ng umaga ang klase nito. Si Cristy ay malamang na hindi pa rin gising. Walang gumigising sa bahay na iyon nang alas-seis ng umaga maliban sa mga katulong at siya.
Nahinto siya sa pagbaba nang marinig niya ang mataas na tinig ni Cristy habang kausap si Don Manuel. Bukas ang silid ng matanda at gising na ito, which is very unusual.
Nag-aaway ba ang mag-ama? Mabilis siyang bumalik upang tingnan kung ano ang nangyayari. Hindi mabuti para kay Don Manuel ang nagagalit.
"Bakit kailangang nakawin mo ang mga alahas na iyan, Cristy?" galit na paninita ni Don Manuel. Nahuli nito si Cristy na binubuksan ang isang drawer sa pag-aakalang tulog pa ito. Isang emerald necklace at ternong hikaw ang nasa kamay nito nang magising si Don Manuel.
"Dahil hindi ninyo ako gustong bigyan ng pera, Papa!" hiyaw nito.
"Hindi birong pera ang laging hinihingi mo, Cristina. Hindi ko alam kung saan mo dinadala. Walang katapusang paggasta ang ginagawa mo. At ngayon, you resorted to stealing!" Sumisigaw ang matanda sa galit. Hindi malaman ni Joanna kung papasok o hindi. Personal ang pinag-aawayan ng dalawa.
"Sa Mama ang mga alahas na ito kaya may karapatan akong kunin at hindi mo ako mapipigil!" malakas nitong sigaw.
Dumilim ang mukha ng matanda. Nagpupuyos ang dibdib nito sa galit. "Wala kang karapatan diyan dahil hindi pag-aari ni Lorenza ang mga iyan. Iyan... ay heirloom at mula pa sa mga ninuno ng ina ni Franz. Hindi papayagan ni Franz na kuhanin mo iyan, tinitiyak ko sa iyo!" Sandaling natigilan si Cristy. Hindi niya mapapakinabangan ang mga alahas kapag nalaman ni Franz ang tungkol dito.
Sindak na pumasok sa silid si Joanna nang makitang kinakapos sa paghinga ang matanda. Halos wala nang kulay ang mukha ni Don Manuel.
"Don Manuel..."
"Ang... gamot ko... Joanna," wika nito na tutop ang dibdib.
Mabilis na inunahan ni Cristy si Joanna sa pagdampot ng gamot ng matanda sa ibabaw ng side table nito.
"Hindi ko ibibigay sa inyo ang gamot na ito kung hind ninyo kusang-loob na ibigay sa akin ang mga alahas na ito. O, di kaya ay bigyan ninyo ako ng halagang hinihingi ko," determinadong wika nito.
"Cristy!" bulalas ni Joanna. Hindi makapaniwalang magagawa ni Cristy iyon sa ganoong ayos ng matanda. "Ibigay mo kay Don Manuel ang gamot niya. Hindi mo ba nakikitang nahihirapan siyang huminga!"
"Hindi. Sabihin mo, Papa, na sa akin na ang mga alahas na ito! Sabihin mo!"
Mabilis na lumapit si Joanna sa dalaga at hinablot mula sa mga kamay nito ang gamot. Nilingon ang kinalalagyan ng tubig sa mesa subalit umungol si Don Manuel at natumba sa kama.
"Papa!" malakas na sigaw ni Cristy.
"D-Don Manuel!"
Si Franz na nagtatali pa ng roba nito ay pumasok sa silid ng ama. "Ano ang nangyari?" bulalas nito. Agad na tinakbo ang ama nang makitang nakahandusay subalit wala nang buhay ang matanda.
Si Cristy ay sindak na napaatras sa sulok. Si Joanna ay halos naestatuwa sa pagkakatayo kuyom nang mahigpit sa kamay ang bote ng gamot.
"Ano ang nangyari?" baling nito sa dalawang babae.
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 3 (You Belong To My Heart)
Romance"You belong to me, sweetheart, to my heart, now and forever." Hindi mapaniwalaan si Joana na makalipas ang pitong taon ay muling nagbalik sa buhay niya si Franz. Seven years of heartache pero mukhang determinado si Franz na patuluy siyang magdusa s...