HINDI namalayan ng dalaga na may mga luhang dumadaloy na sa mga pisngi niya sa mga alaalang iyon. At ngayon, makalipas ang pitong taon ay bumalik sa buhay niya si Franz. May asawa na at anak.
"You belong to me, sweetheart, to my heart."
Higit sa lahat, nasusuklam pa rin sa kanya ang lalaki. Hindi ito nakalimot. And she will be working with him closely. At siya, ang buong akala niya'y wala na sa puso niya ang lalaki. Sa loob ng pitong taon ay ibinaon lamang pala niya sa sulok ng puso ang damdamin niya rito. Ngayong muli niyang nakita si Franz ay muli ring lumutang ang damdaming iyon. Higit na malakas at higit na mapanganib para sa sarili niyang katinuan.
LUNES ng umaga ay nagmamadaling pumanhik sa fourth floor si Joanna. Sa ibaba ay nakita na niya ang sasakyan ni Franz sa parking space na dating kay Mr. Gabriel.
"A-ano'ng nangyari?" naguguluhang tanong niya nang mabungarang iba na ang opisina niya.
"Sabi ng janitor ay ipinagawa ni Mr. Ramirez ang cubicle na iyan, Joanna," si Vivian, isang clerk na dating ang mesa'y tatlong hakbang lang mula sa kanya. Gusto ni Sir na ang kanyang sekretarya ay may sariling pribadong maliit na silid malapit sa kanya."
"But..." Naguguluhang napailing ang dalaga. Kung titingnan sa ibang anggulo, it is something to be proud of. Ang magkaroon ka ng isang pribadong silid next to the boss. Pero bakit nararamdaman niyang hindi ganoon ang intensiyon ni Franz? Friday ng gabi ang party and it was declared na ang mga tagaopisina ay walang pasok next day pero hindi ang mga workers sa tahian. At sa loob ng dalawang araw ay madaling naipagawa ni Franz ang cubicle niya.
"Bakit ganyan ang mukha mo, Jo?" patuloy ni Vivian. "Hindi ba dapat na matuwa ka? That is something of a promotion."
"Are you sure na ako ang ilalagay ni Fr... Mr. Ramirez sa cubicle na iyan?"
"Of course. At kanina ka pa niya hinihintay."
Lalong nanlaki ang mga mata niya. "N-nariyan na siya?" Tumango si Vivian. Hindi siya makapaniwala. Eight forty-five pa lang at karaniwan na ay alas-nueve y media dumarating si Mr. Gabriel. Wala sa loob na pumasok sa maliit na cubicle si Joanna.
Inikot niya ang paningin sa loob ng munting silid. Bigla ay nakadama siya ng claustrophobia. Hindi opisina ang pakiramdam niya sa silid kundi kulungan. Pabalandrang bumukas ang pinto niya at sumungaw si Franz. "Talaga bang ganito ang oras ng dating mo? Alas-nueve na, ah!"
She controlled her gasp. Kung hindi niya pipigilin ang sarili ay ipagkakanulo siya ng mukha niya. The man is outrageously handsome and very male. Tulad din noong araw kung saan hindi iilang mga babaeng estudyante sa St. Ignatius ang nababaliw dito. When he left for America, sinolo ni Rigo ang titulo and fame. Though it didn't also last dahil umalis ng San Ignacio si Rigo six months after Franz left dahil sa iskandalong nilikha ng Papa ni Lacey.
Well, maraming magagandang lalaki sa St. Ignatius, pero para sa kanya, si Franz lamang ang lalaki. Ang kaibahan nga lang, Franz now is not the young and happy man she used to know. Taller and bigger and handsomer and looked older than his actual age of twenty-nine. If only he would smile.
"Good morning, Mr. Ramirez," she replied calmly.
"Anong oras ng pasok mo?" angil nito.
"Nine o'clock. And I arrived fifteen minutes before that. I'm sorry kung naunahan mo ako. Hindi ko inisip na maaga kang darating. May iuutos ka ba?" Kung saan siya kumuha ng composure ay ewan niya. But she'd die kaysa ipaalam sa lalaking ito na nanginginig ang mga tuhod niya.
"From now on, Miss Samson, I want you to come at eight thirty and leave the office thirty minutes after five," patuloy nito sa pagalit na tono. "Nalaman kong nagsasara ang opisina ng alas-singko ng hapon. At nagtatrabaho ka kung ganoon ng pitong oras lamang. I will not allow it. Hindi ko papayagang pagsamantalahan mo ang opisina tulad ng ginawa mong pagsasamantala sa Papa!"
Parang tinarakan siya nito ng patalim sa dibdib at nararamdaman niya ang hapdi. Pero pinanatili niya ang kontrolado at walang emosyong mukha.
"Kung iyon ang gusto mo."
"Hindi dahil iyon ang gusto ko, damn you! Iyon ang dapat! Empleyado ka rito at dapat kang kumilos ng ganoon hindi iyong akala mo ikaw ang may-ari ng pabrika."
Hindi na sumagot si Joanna dahil hahaba lang ang usapan. Nagyuko ng ulo at inalis ang takip ng typewriter na puro alikabok dahil sa ginawang carpentry.
"Noong Biernes ay maganda at mamahalin ang ayos mo," patuloy ni Franz sa ibang topic. "I'm not surprised. With the money my father had left you."
"I'm glad you liked it." She smiled a little.
"Oh, yes. Iyon naman ang intensiyon mo, 'di ba? Ang matiyak na kaakit-akit ka sa aking mga paningin tulad noon. So don't give me that innocent act, Joanna. Hindi mo na uli ako maloloko tulad ng ginawa mo sa amin ng Papa."
"Of course. You're older and wiser now."
Lalong naningkit ang mga mata ni Franz sa kalma niya. "Ilang lalaki pa ang dinaya at niloko mo pagkatapos ng Papa, Joanna? Ilang matandang baldado ang pinagsamantalahan mo? Hindi ganoon karami ang tulad ng Papa dito sa San Ignacio..."
"Your father is one in a million at anuman ang iniisip mo sa akin ay minahal ko si Don Manuel," she said softly.
"Bullshit!"
Tumingala siya sa lalaki. "Ito ang unang araw nating dalawa, Franz. Kung lagi tayong ganito sa tuwing magkikita tayo, I think I have to tender my resignation now."
Nagtagis ang mga bagang ng lalaki. "Hindi ka magre-resign, Joanna. Hindi ko papayagan iyon. Magtatrabaho ka rito nang magtatrabaho. Paghihirapan mo ang bawat sentimong ibinabayad ng kompanya sa iyo. Pero huwag kang magkakamaling gumawa ng masama at patatalsikin kita at titiyakin kong wala kang mapapasukang iba!"
Buong kapaitang ngumiti ang dalaga. "Pagkapasok ko pa lang ay nakakaamoy na ako ng panganib. I know why I am being cubicled. Upang hindi makita at marinig ng ibang empleyado ang gagawin mong pang-iinsulto sa akin araw-araw."
"You deserved it!" muling angil nito.
"Iyon ang akala mo."
"Hindi iyon ang akala ko. Iyon ang ginawa mo. Nakita ka ni Cristy nang gawin mo sa Papa ang kalupitang iyon."
"Of course. Your nice sweet little sister saw me," tawang patuya niya.
Nagsalubong ang mga kilay ni Franz sa tono niya. "Tigilan mo ang tonong ginagamit mo sa kapatid ko. She was so magnanimous at pinatawad ka niya!"
Tumaas ang mga kilay niya. "Why, give my thanks to her, Franz," patuloy niyang pagtuya.
Marahas siyang tinitigan ni Franz. "Ano ang ibig mong sabihin diyan?"
Nagkibit siya ng mga balikat. "Nothing, Franz. Lumilipas ang oras ko at baka malugi ang kompanya na wala akong ginagawa."
"Bitch!"
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 3 (You Belong To My Heart)
Romansa"You belong to me, sweetheart, to my heart, now and forever." Hindi mapaniwalaan si Joana na makalipas ang pitong taon ay muling nagbalik sa buhay niya si Franz. Seven years of heartache pero mukhang determinado si Franz na patuluy siyang magdusa s...