DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 6~~~
PAMILYAR kay Desfi ang mukha ng lalaking kontrolado ang kanyang k'welyo. At kahit sa malamlam na paligid, kitang-kita niya ang nag-aapoy na galit nito. Galit na hindi niya alam kung saan nito kinukuha.
At bahagya siyang natatakot sa pagiging brusko nito. Matangkad, pusog at naghuhumiyaw ang angas sa katawan.
Hindi naman ito masyadong agrabiyado sa aksidenteng pagbundol ng bisekleta niya rito. At kung susumahin, siya ang napuruhan dahil sumadsad sa aspaltadong kalsada ang kanyang mga tuhod at siko. Pero itong hunghang na ito, napaupo lang sa masukal na lupa, tapos tumilapon lang sa kalsada ang mga mansanas nito. Ngunit kung makapagsabog ng galit, sobra-sobra. Kalabisan na yata iyon.
Kung gusto nito, papalitan niya ng mas maraming prutas ang mga iilang pirasong mansanas nito.
Kaya sa halip na patuloy na manginig sa pagkasilong sa ungas, nagpumiglas siya.
"Sinabihan na kita agad kanina na tumabi ka! Ikaw itong shunga! Huwag mo akong malait-lait! Bitiwan mo nga ako!" Angil niya.
Marahas naman nitong binitiwan ang k'welyo niya. At dahil kumikirot ang mga tuhod niya, hindi na niya naiwasang sumalampak ulit sa aspaltadong kalsada. Napangiwi siya sa nadaramang sakit.
Si Bon ay nagulat sa ginawa. May kung ilang ulit na nagtalo ang damdami bago sinunod ang hiyaw ng pagmamalasakit.
"Tss! Okay lang ba? Nabalian ka ba?" anang binata at bahagyang inalalayan sa braso si Desfi. At kung may bahid man ng pag-aalala sa boses nito, walang makatiyak.
Kaya naman umangat ang mukha ni Desfi sa lalaki. Napamaang siya sa biglang pagbabago ng tono nito. Kanina lang ay halos sumabog na ito.
Siraulo! "Mukha ba akong okay?" Sa halip ay kunot-noong pagsusuplada niya.
"Fine!" Bigla ang pagtuwid ng tayo. "Ikaw pa ang mataray! Hindi ko nga alam kung bakit kinakausap ko ang tulad mo. Bading!" Sa iritadong tono ay angil ng binata.
Pero napagmasdan na ni Desfi ang binata. Natatandaan na niya, kaya pala pamilyar sa kanya. At dahil doon, hindi na siya magtataka kung baluktot ang ugali nito. Siguro ay pinalaki itong galit sa mundo.
"Aba mas lalo na ako!" Isang disgustong pag-ismid ang pinawalan niya. "Hindi ko rin alam kung bakit pumapatol ako sa sira-ulong katulad mo..." dagdag pa niya.
"Eh kung sapakin kita?" Nanlisik ang mga mata nito. Mukhang nasagasaan niya ang pride nito. "Sa ganyang ayos mo, may gana ka pa magsuplada. Sa halip na makiusap sa akin at humingi ng tulong."
Napamaang si Desfi. Ano raw ang sabi ni Bon Erick Costelo? Dapat daw siyang makiusap at humingi ng tulong dito? Ha! Hinding-hindi siya hihingi ng tulong sa tulad ng lalaking ito. Masyadong arogante!
"Sa iba na lang ako hihingi ng tulong kaysa sa 'yo! Mamaya niyan, isumbat mo pa sa akin ang pagtulong mo. Magkaroon pa ako ng utang na loob sa 'yo." Taas-noong tugon niya sa pagmamayabang nito.
Pataasan ng pride.
"Bahala ka nga!" nawawalan ng pasensyang tumalikod si Bon. "Dapat nga binugbog na kita sa suntok dahil bakla ka. Iiwan na lang kitang naghihirap diyan, tutal tanga ka na nga sa bisekleta, maarte ka pa!" Iritableng sinipa pa ni Bon ang isang mansanas.
Napamaang siya. Kulang na lang ay ihambalos niya ang kalsada sa ulo ng aroganteng binata. Hindi niya akalaing mas masahol pa pala sa hayop ang lalaki. Guwapo nga sana, wala naman puso! Walang awa sa kapwa.
BINABASA MO ANG
Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)
Romance"Pangako, hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin ng panahon. Sisiguraduhin ko, palagi na akong nasa tabi mo, kailangan mo man ako o hindi." Desso Firacio Rada, ang buo niyang pangalan. Isang bakla. Siya si Desfi para sa kanyan...