DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 3~~~
"KUMUSTA sila sa bundok, Firacio?" tanong ni Aleng Layla sa anak. Nakaharap ito sa nilulutong tinola. Panay ang tikim ng ginang sa sabaw. Kumibot-kibot ang mga labi at dila upang balansehin siguro ang lasa ng tinola.
"A-ayos naman sila ro'n, Ma," maikling tugon ni Desfi at bahagya pang nabubulol. Nakakataranta naman kasi nang maalala niya ang maiinit na tagpo kanina sa batis. Idagdag pa ang nakakab'wesit na huling mga salita ni kuya Nards bago siya nagtatakbong nilisan ang batis.
"Kaninang umalis ka ro'n, nagtatadtad na ba sila ng kopra?" segundang tanong pa ni Layla. Nangungunot ang noo nito. "Matabang ang sabaw, ano kayang kulang dito?" turan pa sa pinameywangang tinola.
"Pinauusukan pa lang po," sagot niya tungkol sa kinukumusta nitong kopra. Ipinagpatuloy niya ang paghahanda ng mga plato sa pabilog na mesa.
"Sana ay malaki ang kitain natin sa kopra. Magkasunod kasing dumating ang malaking bill natin sa kuryente at tubig. Kailangan natin ng pera," anang ginang matapos takpan ang tinola at patayin ang gas stove.
Walang naging imik si Desfi. Paano ba'y naghihimagsik pa rin ang kanyang kalooban sa sinabi sa kanya kanina ni kuya Nards.
Si Nards na isang dakilang malandi at paasa pala. Yudefruta!
"Napakayabang pala," inis na naibagsak pa ng bakla ang baso sa lamesa. Lumikha iyon ng nagdadabog na tunog.
Kunot-noong napamaang si Layla sa anak na mapait ang mukha. "May nakaaway ka ba, Firacio? Sino 'yang mayabang na tinutukoy mo?" nagtatakang tanong nito.
"Po?" maang na umangat ang mukha ni Desfi. Bigla ay nakadama ng init sa mukha. "Ah, sa... sa labas po sa tindahan ni aleng Crising kanina nang bumili ako ng mantika. Ang yabang pala ng aso nila..." bali-balikong sagot niya. Naging malikot ang mga mata. Agad ding tumalikod upang tunguhin ang kinalalagyan ng mga crochet potholder.
Gumuhit naman ang nagdududang ngiti sa mga labi ni Layla. "Buti 'di ka kinagat ng aso ni mareng Crising. Wala pa naman tayong anti rabies sa kagat ng mayabang na aso," nanunudyo ang tinig ng ginang. At saka bumaling ng mukha sa nahawing kurtina sa pinto ng kusina.
Si Mena Rada ang papasok sa kusina.
Habang si Desfi ay natitigilang lumapit sa gas stove upang hanguin ang kaserola. Nang maalala niyang si aleng Crising ang ina ni kuya Nards, doon lang niya nakuha ang ibig sabihin ng kanyang ina.
Sa kaalamang iyon ay nakadama ng pagkapahiya si Desfi. Isipin pang wala namang alagang aso sila aleng Crising.
My god!
Mabilis niyang inayos sa mga kamay ang crochet potholder at saka hinango sa gas stove ang kaserola. Kaswal niyang inilagay iyon sa lamesa. Pinipilit disimulahin ang pagkapahiya sa ina.
"Mauna na kayong kumain, Ma. Babalik ako saglit sa prutasan. Kadarating lang kasi ng trak ng nag-aangkat sa atin ng mga gulay at prutas. Kailangan ako ro'n," pagbibigay-alam ni Mena kay Layla habang naghuhugas ng kamay sa lababo. Pagkuwan ay nagpunas ng kamay sa puting hanging hand towel na nakasabit sa gilid ng refrigerator. Binuksan ang ref at yumukod para kumuha ng malamig na tubig.
"Pero gabi na 'yan ah. Ipagpabukas niyo na lang---"
"Ma, huwag na nating ipagpabukas pa ang mga gawaing p'wede namang tapusin ngayon." Natatawang putol ni Mena bago nagsalin sa baso ng malamig na tubig.
"O siya sige. Ikaw ang bahala, tutal sinisipagan ka naman. Magpaalam ka rin sa papa mo," si Layla habang natutuwang nakamasid sa panganay na anak.
Matikas ang tindig ni Mena kumpara sa ordinaryong babae. Clean cut ang buhok, panlalaking black V-neck t-shirt at ripped jeans. Titibo-tibong desente. Tipong may disiplina sa katawan at pananamit.
BINABASA MO ANG
Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)
Romansa"Pangako, hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin ng panahon. Sisiguraduhin ko, palagi na akong nasa tabi mo, kailangan mo man ako o hindi." Desso Firacio Rada, ang buo niyang pangalan. Isang bakla. Siya si Desfi para sa kanyan...