DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 11~~~
"SO, bakit ka bumalik para tulungan kami ni Silo?" tanong ni Desfi kay Bon. Tanghali na at kagigising lang nilang dalawa. Pareho pa nga sila nagkagulatan nang mamulatan nila ang isa't isa habang magkayakap sa ilalim ng kumot.
At dahil pareho silang bumalikwas ng bangon, kapwa hindi na sila nakakambiyo sa gising na gising nilang alaga. Napalunok at napaiwas pa nga siya ng tingin nang mapansin niyang tila higante ang kay Bon.
Isipin pang sa ilalim ng short, walang suot na brief ang binata. Subalit nagpatay-malisya siya at deretsong tinungo ang banyo.
Sumunod niyang nalaman, magkaharap na sila ngayon... silang dalawa sa kusina para mananghalian.
Masarap ang ulam na niluto ni Aleng Layla. Sinigang na baboy.
Kanina ay nagpaalam ang mga magulang niya na pupunta raw sa bayan. May mahalagang aasikasuhin lang daw.
"Hindi ko alam," sagot ni Bon sabay kibit-balikat. "At mas lalong hindi ko alam kung bakit sa kabila ng kaalamang bakla ka, tinulungan pa rin kita." Saglit na dumaan ang kulimlim sa mga mata nito. Sumubo ng pagkain. Umiigting ang panga sa pagigil na pagnguya.
Humugot ng hininga si Desfi at saka uminom ng malamig na juice. Tinitigan niya ang binata. Pagkuwan, dala ng kuryusidad at pagtataka ay tinanong: "Bakit ba suklam na suklam ka sa bakla?"
Sa narinig na tanong, humagkis kay Desfi ang matalim na titig ni Bon. Tiim-bagang at padarag na inurong ang kaharap na isang plato ng pagkain. Umiigting ang panga sa pahinamad na pagsandal sa backrest ng silyang kahoy.
Noon napansin ni Desfi, mukhang malalim ang pinaghuhugutan ni Bon ng matinding galit sa bakla---or sa mga bakla. Kaya siguro ganoon na lamang ang pang-aalipusta nito sa kanya. At dahil hindi naman likas na masama, nagagawa pa rin nito magmalasakit sa baklang nangangailangan ng tulong.
"Pasensiya na. Okay lang kung hindi mo---."
"Bakla ang dahilan kung bakit lumaki akong walang ama." Bigla ay sabi nito. Nasa tono ang pinagsamang pakla at pait.
Awtomatikong napatitig siya sa guwapong mukha ng binata. Sa ilang saglit ay parang gusto niyang lapitan ito at aluin nang mahigpit na yakap. Pero pinigil niya ang sarili. Ngayon ay nauunawaan na niya ang pinanggagalingan nito.
"Iyon ang kwento sa akin ni Mama. At naniniwala ako sa kanya..." Nagkalambong ang mukha nito nang sabihin iyon. Tumitig sa kawalan. Habang pinaglalaruan ng daliri ang gumigitaw na butil-lamig sa katawan ng baso. "Ipinagbubuntis niya ako nang mahuli niya sa aktong pagtataksil ang Papa ko at ang best friend niyang bakla. Nagpang-abot daw sila nung bakla, pero itinulak daw siya at saka sinaksak ng bakla ang ama ko. Katwiran daw ng kriminal na iyon, kung hindi mapapasakanya si Papa ay mabuti pang patayin na lang. Napakahayop niya, Desfi. Traydor na, kriminal pa!" Kwento ng binata sa buong pagkasuklam.
At kung maaari nga lang mabasag ang baso sa palad ni Bon ay kanina pa ito nadurog.
Nakadama ng simpatya at awa si Desfi sa k'wento ng binata. At kung makikita nga lang niya ang kriminal na kabaro niya, tinitiyak niyang masusuklam din siya sa bakla.
"Kung... kung ganoon ay matagal na panahon na rin pala. Binata ka na. At siguro naman ay nagdusa na sa bilangguan ang---."
"Iyon ang kinagagalit kong lalo," pamumutol uli. "Hindi siya nagdusa sa kulungan, tumakas ang kriminal na iyon! Naiinis rin ako kay Mama dahil hindi niya ipinaalam sa pulisya ang krimen. Hindi ko alam kung bakit ganoon, Desfi! Hindi ko maintindihan." Sa madiin at nauuyam na singasing ni Bon. Padabog itong tumayo. Napahilamos ng dalawang palad sa mukha bago tumingin sa kanya.
Nakita niyang parang may malalim itong iniisip habang nakatitig sa kanya. Yumuko siya at nagkunwang iinom ng juice.
Nangunot-noo si Bon. "Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Bakit...?" tila naguguluhan itong umiling. "Mauuna na ako, salamat sa pagpapatuloy niyo sa akin. Pakisabi na lang sa parents mo." Nakapamulsang paalam pa.
"Makakarating," tumatangong sabi niya bago mabilis na tumayo. "Ihahatid na kita sa labasan." Ganyak niya matapos mailagay sa lababo ang kanilang pinagkainan.
"Sige," tipid na tango ni Bon at dagling nag-iwas ng tingin sa mahubog na katawan ni Desfi.
NANINGKIT ang mga mata ni Yvonne nang makita ang tumatawang si Desfi habang nakasunod naman sa likod nito ang kanyang boyfriend. Si Bon na kanina pa niya hindi makontak! Si Bon na kanina ay buong tiyaga niyang hinihintay na umuwi.
Tapos heto at makikita niyang tumatawa kasama ang haliparot na baklang 'yon! Kumuyom ang kanyang kamao. Ang buong akala niya'y galit talaga sa mga bakla si Bon; pero ano ito ngayong nakikita niya? Kitang-kita ang pagkaaliw nito habang nakasunod ang tingin sa hubog ng katawan ni Desfi.
Magaling! Ang sabi ni Bon sa ina, sa isang Inn sa bayan magpapalipas ng gabi, pero mukhang nagsisinungaling ang magaling na lalaki.
Huwag nitong sabihing nagkainteres na ito sa bakla. At mas lalong huwag nitong sabihing sa bahay ng bakla ito nagpalipas ng gabi.
Palabas na sa tarangkahan ang dalawa, di-kalayuan mula sa tindahang kinaroroonan niya. Malalaki ang hakbang na lumapit siya. Magkaharap ang dalawa at talagang hindi pa siya napapansin.
Mga taksil! Hiyaw niya sa isip.
"SORRY talaga sa masasakit na nasabi ko sa'yo." Sinserong paumanhin ni Bon. Mailap ang mga mata sa paglalakbay sa mukha ni Desfi. Labis na talagang naguguluhan ang binata. Kung anuman ang gumugulong iyon sa kanyang damdamin, hindi niya mawari. Estranghero ang dating niyon sa kanya. Kani-kanina lang niya iyon nakakapa sa dibdib.
"Kanina ka sorry nang sorry paglabas natin sa bahay. Okay na 'di ba? Sana lang kung magkita ulit tayo o magkasalubong, hindi mo na ako awayin." Bagamat naiilang sa titig ni Bon, sinikap pa rin ni Desfi na maging banayad ang tinig.
"Hinding-hindi na," buo at banayad na himig-pangako ni Bon. Kumurap at tumingala sa kumukulimlim na namang kaulapan. "Nagkamali ako, hindi ko dapat nilalahat kamuhian ang mga bakla. Iisa lang ang may kasalanan sa akin. At ikaw, napakabait mo pala." At saka bumaba ang mga mata ni Bon sa mga mata ni Desfi, pagkatapos ay sa labi.
Napayuko si Desfi. Pero sa gulat ay ginagap ni Bon ang kanyang mga kamay. Kasabay niyon ang pagsabog ng libo-libong boltahe sa kanyang pandama. Tila umabot sa kanyang puso ang kuryenteng iyon. At doon ay nagpakalabog nang husto.
"Bon.. "
"Gusto kita maging kaibigan, Desfi. Maaari ba?" buo at lalaking-lalaki ang tinig na iyon ni Bon. Nag-aanyaya.
Kaya naman awang ang bibig na umangat ang kanyang mukha. Para lang makita ang maaliwalas na mga ngiti ni Bon. Ngiting nagpabilis lalo sa kabog ng kanyang puso. Kayguwapong ngiti.
At hindi siya makapaniwala sa mabilis na pangyayari. Lalo pa at naramdaman niya ang bahagyang pagpisil ni Bon sa kanyang mga palad.
"S-Sus... kaibigan lang pala, oo naman." Alanganin ang ngiting pinasilay niya sa mga labi.
"Hindi!" isang mabagsik na tinig sa likuran ni Desfi---ilang-hakbang mula sa kinatatayuan nila.
Si Yvonne ang nalingunan nila. Naniningkit ang mga mata sa pagkakatitig sa magkahawak na mga kamay nila ni Bon.
BINABASA MO ANG
Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)
Romance"Pangako, hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin ng panahon. Sisiguraduhin ko, palagi na akong nasa tabi mo, kailangan mo man ako o hindi." Desso Firacio Rada, ang buo niyang pangalan. Isang bakla. Siya si Desfi para sa kanyan...