DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 18~~~
DAPIT-HAPON. Nag-aagaw ang dilim at liwanag. Huminto sa purok-sais ng barangay Santa Clara ang tricycle na iyon. Kasunod ng paghimpil niyon sa tapat ng tarangkahan ng mga Rada ang pagbaba ng isang payat na lalake. Mahaba ang buhok. Tila hapong-hapo dulot ng mahabang biyahe. Walang bitbit kahit ano, maliban sa pagkasabik na umaalipin sa puso.
Saktong nakalayo na ang tricycle nang magsimulang humakbang si Mayka. Hilam sa luha ang magkabilang pisngi. Dumadagundong sa labis na kaba ang dibdib.
I'm home... mapaklang ngiti ang gumuhit sa mga labing iyon. Tiningala ang mataas na tahanan ng mga Rada. Kaylaki na nang ipinagbago niyon... mas naging makulay. Lalo na ang mga halaman sa loob ng bakuran.
Humugot siya ng malalim na hininga. Sinimulan na niyang pindutin ang doorbell na iyon.
Habang hindi na napapansin ang mga usiserong kapitbahay na kandahaba ang mga leeg, mapagsino lang ang pamilyar na estranghero...
PAKANTA-KANTA si Desfi habang nasa hardin. Nasisiyahan siya sa pagmamasid ng mga halamang-bulaklak. Pumitas pa siya ng isang rosas at inipit niya iyon sa kanyang tainga. Saka siya nagposing para mag-selfie.
Wow! Ang pretty ko, aniya sa sarili bago nagpasyang i-post iyon sa fb.
Nagmamahal na nga ako, minamahal pa ako. Ang kanyang nilagay na caption.
Hanggang sa gulantangin siya ng sunud-sunod na doorbell. Nangunot-noo siya pero humakbang na rin para pagbuksan ng gate ang hindi inaasahang panauhin.
Isang payat na lalaki ang kanyang napagbuksan. Matangkad ng tatlong pulgada kumpara sa taas niya. Umaabot sa balikat ang kulot na buhok. Maputla ang kulay. At base sa mabibigat na hininga, alam niyang pagod na pagod ito.
Bagamat parang may kamukha ito sa mga lumang picture sa family album nila, itinaboy niya iyon sa isip. Maging ang tila bundol ng kaba sa kanyang dibdib ay kanyang kinalma.
"Ano pong sadya?"
"I-Ikaw na ba.... ang bunsong anak ni... Kuya Delfin?" Sa halip ay iyon ang garalgal na tanong ng estranghero.
Alanganin siyang tumango habang nalilito. Titig na titig ito sa kanya.
"Ang laki... Ang laki mo na... aking pamangkin!" Lahad nito at lumuluhang hinagod ng tingin si Desfi.
Si Desfi na napamaang. "Po?" Hindi niya matiyak kung ano ang masasabi. Sa pakiramdam niya, lumutang ang kanyang utak. Paanong nakilala ng estrangherong ito ang kanyang ama? Paano nito nasabing pamangkin siya nito? Hindi yata niya maalalang kamag-anak niya ang kaharap. Gayong lahat halos ng malalapit nilang kamag-anak ay nakilala niya tuwing may reunion sila. Hindi kaya nakaligtaan ng kaniyang ama na ipakilala sa kanya ang isang ito bilang malapit na kamag-anak?
"M-Maraming panahon na nga... ang... ang ninakaw sa akin." Hanggang sa tuluyang humagulhol sa harap niya ang estranghero. Pumiyok ang boses. Garalgal.
"H-Hindi ko po kayo... maintindihan." Nagsama sa tono niya ang pagtatanong at pagtataka. Bahagya pa siyang umurong nang akmang hahawakan siya nito sa braso.
"Ipinagbubuntis ka pa lang nang ako ay nawala. A-Ako... 'to. A-ang nawawala mong..."
"Michael? Ikaw nga ba?" Nang sa bagong baba sa tricycle na si Layla. Bitbit ang mga pinamiling one-week groceries ay tila nagagahol itong lumapit sa humarap na lalaki. "Totoo ba 'to? Hindi ba ako dinadaya ng aking paningin?" Napapatulalang sinuyod ng ginang ang anyo ng kaharap.
BINABASA MO ANG
Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)
Romance"Pangako, hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin ng panahon. Sisiguraduhin ko, palagi na akong nasa tabi mo, kailangan mo man ako o hindi." Desso Firacio Rada, ang buo niyang pangalan. Isang bakla. Siya si Desfi para sa kanyan...