DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 9~~~
KUMULIMLIM ang mukha ni Bon eksaktong makilala niya ang bakla sa kanyang harapan. Ito na ang ikatlong beses na nagkrus ang kanilang landas. Una at pangalawa, tatanggapin niyang hindi iyon sadya ng pagkakataon.
Subalit ngayon, hindi na pagkakataon ang nananadya. Sinadya na ng bakla. Isipin pa lang na nasa lansangan pa ito---sa mga ganitong oras---nasisiguro niyang naghahanap ito ng aliw. At ang pakiramdam niya, kanina pa siya nito inaabangan.
Mahusay! Ano pa ba ang aasahan niya sa isang bakla? Makakita lang ng lalaking pwedeng maangkin, titiktikan na.
Kagaya ng baklang pumatay sa kanyang ama.
At isang buhay na pruweba ang bayot na kaharap na naman niya ngayon.
"Ikaw pala! Mabuti't narito ka rin, ano kasi---"
"Isang beses lang ako naging mabait sa'yo," malamig na putol niya sa walang kwentang sinasabi nito. "Pero mukhang naging dahilan iyon para tiktikan mo ako. Ano? Porke ba nagmalasakit ako sa 'yo noon sa katangahan mo sa bisikleta, inisip mo na agad na madali mo akong makukuha? Pasensyahan tayo, bayot! Wala akong balak tumuhog ng bakla. Kung meron man akong balak, iyon ay ang kamuhian kayong mga salot." Matigas niyang pang-uuyam sa buong pagkatao nito.
"H-Hindi ko alam ang sinasabi mo..." maang itong nangunot-noo.
Nakaramdam lalo siya ng inis. Pagod siya sa trabaho at antok na antok na siya. Tapos heto, mag-aaksaya siya ng panahon sa isang bakla?
"Hindi ba potang-bakla ka? Dapat alam mo ang sinasabi ko!" Ngunit nabiling sa sampal ang kanyang mukha. Nag-init iyon, tila nangapal.
Nag-init ang ulo niya. Walang sinuman ang nakakasampal pa sa kanya. Ang bakla ang una. Naikuyom niya ang kanyang mga kamao.
"Wala pang nakakasampal sa akin, ikaw pa lang!" Mapanganib na ngitngit niya sabay daklot sa braso nito. Madiin at mapagparusa.
"Napakamapanghusga mo!" Sa halip ay iyon ang mapaklang sagot nito. "Guwapo ka lang sa mukha pero nakalalason ang pag-uugali mo! Ang totoo, hindi kita kilala bago kita tawagin kanina para humingi lang sana ng tulong. At iyang ibinibintang mo sa akin, kahit kailan ay hindi ko gagawin lalo na sa tulad mong arogante at gago! Hindi ako pota! Ang pag-iisip mo ang pota! Kung meron ka mang galit sa mga bakla, huwag mong idamay ang iba. Ni hindi nga tayo magkakilala tapos makahusga ka, sobra-sobra!" Mataginting na panunuya nito. "Bitiwan mo ako!"
At hindi man niya tuwirang aminin, may kung anong sumipa sa kanyang konsensiya. Agad niya iyong itinaboy.
"Hindi ko nga alam kung bakit nagsasayang ako ng oras sa'yo. Bwesit!" Pagalit niya itong binitiwan. Nasusuklam na tumalikod siya.
Kung hindi niya iyon gagawin, baka durugin niya sa kamao ang mukha ng bakla.
PAGKABALIK ni Desfi kay Silo, nanghihinang naupo siya sa tabi nito. Bigla ay parang naubos ang lakas niya sa walang pakundangang pang-aalipusta sa kanya ni Bon. At hanggang sa mga sandaling iyon, kumukulo pa rin ang dugo niya sa kakitiran ng utak ng binata.
"Hayop! Kapal ng pagmumukha!" tagis-bagang na napahilamos siya.
Hindi niya alam, pero sa tatlong beses nilang pagtatagpo, lagi siyang nilalait ng aroganteng binata. Daig pa nito ang nakalulon ng gabundok na sama ng loob para alipustahin siya ng ganoon. Akala pa naman niya noong nagmalasakit ito sa kanya ay may mabuti itong kalooban.
Dismayadong napabuntong-hininga siya.
Totoong minsan talaga ay huwad ang pagtulong ng iba. Iyon bang sa dulo ay isusumbat sa iyo.
BINABASA MO ANG
Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)
Romance"Pangako, hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin ng panahon. Sisiguraduhin ko, palagi na akong nasa tabi mo, kailangan mo man ako o hindi." Desso Firacio Rada, ang buo niyang pangalan. Isang bakla. Siya si Desfi para sa kanyan...