💋Kabanata 12: Huwad💄

1.6K 74 0
                                    

DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 12





~~~

KAYGANDA ni Yvonne sa suot na mint green one sleeve crop top-- kung saan ay hantad na hantad ang kaputian ng tiyan at pusod. Sa ibaba ay high waisted denim cutoff shorts--- kung saan ay nangangalandakan ang makinis at mahahabang biyas ng mga hita't binti. Sa talampakan ay nakasapin ang sparkly gold and brown sandals. Sa buhok ay  white floral headband.

At kahit gaano ito kagalit sa mga sandaling iyon ay parang hindi man lang nagawang tapyasan ang angkin nitong kagandahan. Kahit pa makulimlim ang mga mata at kahit pa maasim ang aura ng mukha nito.

Subalit anu't ano pa man, ang kagandahan nito ay nagtatakip sa huwad nitong pag-uugali.

"Bitiwan mo ang boyfriend ko!" Iyon ang asik ni Yvonne. Lumapit kay Bon. At sa pagtataka ni Desfi ay pahaklit na hinila ng dalaga ang kaliwang braso ng binata.

"Yvonne..." pero pum'westo si Yvonne sa harapan ni Bon. Sa likuran ay napatiim ng bagang ang binata.

At kahit nagtataka sa ginagawi ng kaibigan, niyakap pa rin ni Desfi ang dalaga.

"Sa wakas at naligaw ka na ulit dito, Best. Kumusta? Namiss kita..." malapad ang ngiti ni Desfi.

Ngiting nawala nang marahas siyang itulak ni Yvonne. Muntikan pa siyang mawalan ng balanse. Nalito siya.

"Huwag na huwag mo na ulit ako yayakapin o hawakan man lang. Hindi tayo magkaibagan!" sambulat ng dalaga. Ang mukha nito ay kasindilim ng mga ulap na nagbabadya ng malakas na ulan.

"B-Best, anong---"

"Best?" patuyang anito. "Ha! Matapos kong makita ang panlalandi mo sa boyfriend ko, iyan ang itatawag mo sa akin? Best? Best your face! Beast mode mo ako! Ahas!" mataginting na akusa pa ng dalaga.

At nagdulot iyon ng pagkalito at gulat kay Desfi.

Ahas? Boyfriend?

Sumulyap siya kay Bon na binabakuran ni Yvonne. Nakikita niyang madilim ang mukha nito.

"Yvonne, wala akong inaahas sa'yo. Ano ba ang sinasabi mo? Hindi kita maintin---"

"Boyfriend ko si Bon Erick Costelo! Tanga ka ba o nagbibingi-bingihan lang?" Pagalit na siwalat ng dalaga.

"Yvonne tama na 'yan. Halika na..."

"Bitiwan mo ako! Isa ka pa! Dito ka pala sumiping sa baklang 'to kagabi!" Galit na winaksi ni Yvonne ang kamay ni Bon na humawak sa braso ng una. At pagkuwan ay bumaling kay Desfi. "Ito lang ha, Desfirada! Lubayan mo ang boyfriend ko! Ki bago-bago pa lang namin, umaali-aligid ka na agad! Nasaan naman ang hiya mo?" Pagduro-duro nito. Nakalarawan sa mukha ang tagos-butong pang-uuyam.

Umiling si Desfi na hindi makapaniwala. Dumako ang kamay niya sa kanyang noo at saka dumeretso sa buhok upang pasabunot iyong suklayin ng mga daliri. Bigla siyang na-stress sa maaanghang na paratang ng kaibigan.

Inaakusahan siya at binibintangan sa isang bagay na wala siyang kaalam-alam. Nakaramdam siya ng pinaghalong inis at pagkadismaya. Ano itong palabas nito?

Matapos ang biglang hindi pagpansin sa kanya ng dalaga nitong mga nakatalikod na araw, heto ito at susulpot na parang tigre at handang sagpangin ang walang kamuwang-muwang. Mapait siyang napangiti. Kulang na lang ay sampalin niya si Yvonne sa kakapalan ng mukha.

"Kung..." pinigil niya ang galit. "Kung totoo ang sinasabi mo at nakita mo kaming magkahawak-kamay at nag-uusap, p'wes mali ang interpretasyon mo!" Sa mariin at matunog na tinig ay paliwanag niya. Sinalubong niya ng tingin ang nagbabaga nitong mata.

Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon