💋Kabanata 7: Paglaya💄

1.6K 79 1
                                    

DESFI RADA
by RODSY
Kabanata 7






~~~

KUMAPAL ang mga ulap sa gabing iyon. Naging makulimlim ang kalangitan. Umihip ang malamig na hangin.

Sa ibaba ng matarik na bangin, doon sa silong ng malalagong damo. Naroon ang nakahandusay na lalaki. Gula-gulanit ang kasuotan. Namamaga ang mukha. Tadtad ng pasa at paso ng sigarilyo ang buong katawan. At base sa kawalan ng galaw nito, aakalain ng makakakita rito na ito'y isang bangkay.

Hanggang gumuhit na ang matalim na kidlat sa kalawakan, kasunod niyon ang malakas na dagundong ng kulog. Bumuhos ang malalaking patak ng ulan. Lumakas nang lumakas. Bumigat nang bumigat ang bawat dilig sa kalupaan.

Gayundin sa mukha ng nakahandusay na lalaki. Binasa ng ulan. Nagbibigay ng lamig. Gumigising sa mga nahihimbing na pandama.

Siyang dahilan sa pagkislot ng daliri ng lalaki. Bahagyang napaungol. Bahagyang nanginig sa lamig. Kalaunan ay umubo.

Unti-unting nagigising... unti-unting binabalikan ng malay.

"Hah!" Bumalikwas ito ng bangon. Sunud-sunod ang paghilamos sa sariling mukha na nilulunod ng malakas na buhos ng ulan.

Kumurap-kurap. Inaaninag ang nabuglawang kadiliman.

Yumuko ito, nagsimulang mangapa sa lupa... sa mga damo... sa mga maliliit na siit ng patay na kahoy.

At sa pagapang na pagkilos sa nagpuputik na lupa, napahikbi ito.

"B-buhay p-pa... a-ako.... " ang halos paos na usal ng lalaki, saka umubo.

Isipin pa lang na siya ay nakatakas at nakaligtas sa tiyak na kapahamakan; labis niya iyong kinatutuwa. Tumingala sa langit at piping nagbigay pasasalamat sa Kaitaasan.

Sa ganoong ayos, naaalala niya ang kahayupan ng plano ni Marina para tuluyan na siyang maidispatsa...

"SAAN  n'yo pa ako dadalhin? Dito n'yo na ako patayin! Ganoon ba kayo kabobo para maging sunud-sunuran kay Marina?" pang-uuyam ni Mayka sa dalawang lalaki.

Subalit marahas siyang tinulak ng isang lalaki.

"Tumahimik ka bakla! Mabaho na nga hininga mo. Mabaho pa ang singaw ng katawan mo! Bilisan mo sa paglalakad!" Si Mario, mas matangkad at mas maangas kaysa kay Reno.

"Kung ako sa iyo, bayot! Magpapasalamat na ako sa nalalapit na kamatayan. Matatapos na ang paghihirap mo. Matatapos na rin ang pagtitiis namin sa pagbabantay sa 'yo!" Iyon naman ang diring-diri na daldal ni Reno. Dumura pa ito sa lupa at mas tinakpan ng itim na panyo ang ilong at bibig.

"Bakit hindi niyo na lang ako palayain? H-hindi ko naman kayo isusuplong sa mga pulis--agh!" subalit napaluhod siya sa kasukalan nang tadyakan siya ni Mario sa kanyang likod.

"Tangina! Hindi kami kasintanga mo! Ulol!" galit na asik ni Mario.

Kasunod ang nakakangilong putok ng baril.

"Agh!" nanlaki ang kanyang mga mata nang maramdaman niya ang bala ng baril sa kanyang kanang balikat.

Bumulagta siya sa masukal na lupa. Nanginginig na sinalat niya ang balikat. Napahikbi siya. Nangatal ang mga labi. Sa una ay tila namanhid iyon hanggang sa sinundan ng matinding pagsigid ng kirot.

"M-Mga d-dimon... yo... ka... yo!" Namumuhing usal niya kasabay ng pagpiyok ng kanyang boses. Nagbabadya ang mabilis na buhos ng mga luha.

"Gago! Matagal na kaming dimonyo! Ang dami mong satsat!" At itinutok ni Reno ang baril sa ulo ni Mayka.

Desfi Rada (Gayromance) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon