Chapter 1

39.6K 615 24
                                    

"NAKU, sinabi n'yo pa!" sabi ni Tipper, saka pumalatak sa telepono. Naiintindihan ko ho kung hindi pa kayo settled gaano sa bago n'yong bahay. 'Yon nga hong sina Mrs. Clemente sa Rosal Street, tatlong taon na, hindi pa tapos mag-unpack." Ewan niya kung natutuwa sa kanya o hindi ang kausap niya, pero sabi sa seminar ng insurance company na dinaluhan niya:

"Clutch at any straw to establish some common basis for your trust and your signature on an endowment."

Iyon ang ginagawa ni Tipper nang mga oras na iyon kaya kahit hindi niya kilala ang kausap dahil ini-refer lang ito ng nag-recruit sa kanya, parang naghihiraman na silang dalawa ng toothbrush kung umasta siya.

"O-oo nga, eh," parang nag-aalinlangang pagsang-ayon ng kausap niya. "Lalo na't kaliitan pa ng mga anak ko—"

"Naku, 'yan ho ang matindi! Pito ho ang bata rito sa bahay namin kaya alam na alam ko ho kung gaano kahirap 'yang sinasabi n'yo."

"May mga anak ka na pala, you sound so young," sabi ng nasa kabilang linya.

"Ah, dalaga pa ho ako. Mga pamangkin ko ho ang sinasabi ko, pero para na rin akong ina dahil lagi ko silang kahalubilo. Paano, Mrs. Torre, sasaglit na lang ako diyan sa inyo? Hindi naman ho ako magtatagal dahil alam kong busy pa kayo masyado."

"O, s-sige," anang ginang.

Duda si Tipper sa convincing power niya dahil sa pagkakaalam niya, maski sarili niya ay hindi niya maiahente sa mga crushes niya. Pumayag lang marahil si Mrs. Torre dahil sa bilis ng diskarte niya. Pero hindi na mahalaga ang bakit. Ang mahalaga, may kliyente na siya. Her very first.

Isinabit niya sa plunger ang telepono at hinugot sa slat ang phone card na naghihingalo na ang laman. Inilagay niya iyon sa wallet niya at nginitian ang guwardiya sa gate ng subdivision kung saan naka-install ang payphone. Potential client din ang guwardiya kaya kailangang pakisamahan nang mabuti.

Ayon sa recruiter niya, madali lang daw yumaman sa pag-aahente ng insurance, basta matiyaga siya at matalas ang pakiramdam. Kailangan daw niyang galingan ang pagbasa sa tao at hindi magtatagal, matutulad siya rito na kung saan-saang bansa na nakarating dahil lang sa pag-aahente.

Kabisado na ni Tipper ang subdivision dahil minsan din ay nag-ahente siya ng mga lupa roon. Wala naman siyang naibentang lote dahil alam ng lahat na binabaha at mahirap ang tubig doon. Hanggang ngayon, wala pang nakakakita nang personal sa developer ng subdivision. At kung siya man ang developer na iyon, nunca rin siyang magpakita.

Iyong mga unang nakabili ng lote roon ay ibinebenta na ang rights ng property sa mga kagaya nina Mrs. Torre na matindi siguro ang kagustuhang magkaroon ng sariling bahay at lupa kahit malaki ang posibilidad na matangay iyon ng baha kapag nagkaroon ng sunud-sunod na bagyo.

Lumiko siya sa Block 25, hinanap ang Lot 6. Walang bakod ang bahay roon na parang cake ng debutante ang kulay. Pinapinturahan siguro ng bago ng dating nakatira para maging presentable.

May isang batang lalaking minamaniobra ang bisikletang may tatlong gulong na hindi niya alam kung ano ang tawag. Hindi niya maatim na tawagin iyong tricycle dahil walang side car.

"Boy, ang mommy mo?" tanong niya sa bata.

Tiningnan lang siya nito na parang wala siyang kabagay-bagay sa daigdig. Kung pamangkin niya ito, binulyawan na niya. Pero hindi. Kaya nagpakahinahon pa rin siya, sinikap na maging Miss Congeniality.

"Little boy, where is your mother, ha?" tanong ulit niya.

"Mamaaa! May nagtitinda ng Bible!" sigaw ng batang lalaki.

Señorito Series 1 : Algernon COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon