"NASAAN ang anak ko?" tanong ni Tipper pagkakita kay Caloy. Tumaba ang lalaki pero halos ganoon pa rin naman ang hitsura.
"Anak mo 'yon?" Parang gulat na gulat ito. "Kaya pala makulit din," natatawa pa nitong dagdag.
"Nasaan siya? Nasaan si Conchita?" Gigil na gigil na siya.
"Nasa swimming pool, ayaw umahon."
"Ano 'kamo?" bulalas niya. "Alas-diyes ng gabi, nasa swimming pool siya?"
"May heater naman, eh, saka may bubong na."
Inunahan na niya si Caloy patungo sa kinaroroonan ng swimming pool. Ilang metro pa lang siya mula roon ay dinig na niya ang tili at hagikgik ng kanyang mutyang anak. She had never been this angry. Habang siya ay halos mamatay na sa pangamba kanina, halos takasan na siya ng katinuan, Algernon was enjoying the company of their daughter!
"Mommy!" sigaw ng anak niya pagkakita sa kanya. Luminous na orange ang bathing suit nito, nakasakay sa salbabidang orange din ang kulay, korteng dinosaur. Si Algernon ay nasa sulok ng pool, prenteng pinapanood ang bata.
Lalo siyang nagalit. Ang walanghiya at hinahayaang lulutang-lutang sa tubig ang anak! Paano kung matumba ang salbabida? Malulunod si Conchita! Alam niya kung gaano kalalim ang swimming pool.
"Hello, there, Tipper. Join us?" sabi ni Algernon.
"Ang kapal ng mukha mo, hayup ka!" sigaw niya rito. "Halos mamatay na ako kanina. Alam mo ba ang ginawa mo?"
"I'm sorry. Pero alam ko namang hindi ka papayag na sumama sa akin dito, kaya kinidnap ko si Conchita Babe. 'Di ba, sweetheart?" baling nito sa bata at itinaas ang kamay, may hawak na tali, parang iyong ginagamit sa jumping rope. Sa pagkamangha ni Tipper, nakakabit iyon sa salbabida ni Conchita. Hinila nito iyon palapit dito. "Enough na raw sabi ng mommy." Kinuha nito sa salbabida ang anak na agad nagpapapalag. Ayaw pa rin nitong umalis mula sa tubig.
"Tama na 'yan, Conchita! Uuwi na tayo!" Lumapit siya sa mag-ama. "Halika na!" Inabot niya ito kay Algernon, pero in-snub lang siya ng anak.
"Ayoko uwi! Swim pa ako!"
Si Algernon ang binalingan niya. "Anong klaseng ama ka? Gabing-gabi na, pinapayagan mo pang maligo sa pool ang anak mo? Anong oras pa nakababad diyan si Conchita?"
"Three hours," sabi nito at ibinalik sa salbabida ang bata. "She loves the water, walang masama. She's having a great time." Pumihit si Algernon paharap sa kinatatayuan niya. Huli na nang ma-realize niya ang gagawin nito.
Nahagip nito ang isa niyang kamay at walang pakundangang hinila siya patungo sa tubig. Malaking splash ang nilikha niya; ganoon na lang ang hagikgik ng anak niya.
"Ah, basa si Mommy! Ah, basa!"
"Shit ka! Shit! Shit! Shit!" talak ni Tipper nang ilitaw niya ang ulo, sisinghap-singhap.
"You better watch your mouth when you're in the presence of our lovely daughter," sabi ni Algernon, parang pinagtatawanan din siya ng mga mata nito.
"Wala akong pakialam! Shit ka! Shit kayo pareho!" Nilinga niya ang anak. "Ikaw bata ka, ilang beses ko nang sinabi sa 'yo na huwag kang basta-basta sasama sa mga hindi mo kilala, ang tigas ng ulo mo! Manang-mana ka rito sa ama mong baliw!" Sabay turo niya kay Algernon.
Biglang pumalahaw ng iyak ang bata. Na-realize yata nitong totoong galit siya.
"'Yan, natakot ang bata," sabi ni Algernon at hinila ang tali ng salbabida; inalo nito ang anak. "Hindi naman galit si Mommy. Nag-worry lang. Stop crying, okay?"
BINABASA MO ANG
Señorito Series 1 : Algernon COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDahil frustrated sa trabaho bilang real estate agent, tinanggap agad ni Tipper ang alok ng TV personality na si Margot Soriano na magpanggap na maid at mag-apply kay Alberto Fierro, ang action superstar na kasalukuyang nagtatago sa Tranquility Islan...
