Chapter 11

14.6K 347 15
                                        

TULIRO pa rin si Tipper. Hindi na siya magtataka kung bigla na lang siyang magsisisigaw, tumawa, at umiyak at the same time, dahil baliw siya. Isa siyang baliw dahil pumatol siya sa baliw!

Ang masakit sa lahat, kahit pa siguro pitong psychiatrists ang magsabi sa kanya na may diperensiya sa pag-iisip si Algernon, hindi pa rin magbabago ang damdamin niya para dito. She still adored him, loved him—kahit pa ang mga ipinakikita nito sa kanya ay dala lang pala ng disgrasyadong isip.

Pero bakit nagkaganoon si Algernon? Bumuntong-hininga si Tipper. Marami pa talaga siyang dapat malaman tungkol sa lalaki.

"Excuse me, are you Tipper?" Tinig iyon ng isang babae.

Nagtatakang nilingon ni Tipper ang pinanggalingan niyon. Babae nga. Maganda, sexy, makinis. "A-ako nga. Sino sila?" tanong niya, conscious na tinuyo sa isang T-shirt sa labahan ang kamay.

"I'm Lindsey. Kasama ako ni Albert. Sabi n'ong Caloy, hanapin daw kita so you can show me my room," anang babae.

"G-gano'n ba? Sandali lang, ha? Aayusin ko lang 'to," sabi niya na ang tinutukoy ay ang mga nilalabhang hindi matapos-tapos dahil sa dami ng nangyayari sa araw na iyon.

Pinatay uli niya ang washing machine. "Halika na. Ang mga bagahe mo?" tanong niya sa babae. Mukha namang mabait ito at walang rason para tubuan siya ng disgusto. Pero parang ganoon ang mangyayari.

Nananaig lang siguro ang insecurity niya dahil ang kaharap ngayon ay ang tipo ng babaeng mas nababagay kay Algernon, kahit baliw pa ang lalaki.

"Nasa sala or lobby ba 'yon?" Tumawa ang babae. Parang pati pagtawa, aral.

Nakitawa rin si Tipper kahit asiwa. "Ah, Lindsey, g-girl-friend ka ba ni Alberto?" tanong niya. Maire-report din niya iyon kay Margot. Iyon ang tipo ng kuwentong gusto ng babae. Kunwari na lang, biglang dumating ang babae sa isla. Isasama niya sa report na gagawin niya mamaya, plus iyong mga trivial things tungkol sa actor na sinabi sa kanya ni Algernon.

Nagkibit-balikat ang babae. "We're good friends," sabi nito. "Nag-away pala sila ng kapatid niya. Alam mo kung bakit?"

"Hindi. Aalamin ko pa."

Binalikan nila sa sala ang suitcase ng babae. Nagkahiyaan pa sila kung sino ang magdadala niyon. Parang hindi sigurado ang babae kung katulong siya o hindi. Hindi rin naman maatim ng pride niyang ipagbitbit ito ng suitcase dahil hindi na katulong ang turing niya sa sarili sa paraiso ni Algernon.

Pinagtulungan na lang nila iyong maiakyat sa second floor. Iyong katabi ng silid niya ang binuksan niya.

"Wow, it's nice! Parang hotel," komento ng babae pagkakita sa silid. Katulad din ng sa kanya ang layout ng silid.

"Kung gusto mo, magpahinga ka muna rito. Nag-merienda ka na ba?" tanong ni Tipper.

"Hindi pa nga, eh. May food ba?" It sounded like a giggle. Parang nahihiya ang babae na amining nagugutom ito.

"Gagawa ako ng sandwiches. Sandali lang."

"Thanks, Tipper. You're nice," sabi nito nang palabas na siya.

Bukas na ang aircon at nagsisimula nang lumamig ang silid nang balikan niya si Lindsey. Ipinatong niya ang tray ng pagkain sa mesang nasa pagitan ng dalawang armchairs.

"Wow, that looks yummy!" komento ng babae at naupo sa isa sa mga armchairs. Dinampot nito ang isang hiwa ng clubhouse sandwich na ginawa niya.

Bigla namang bumukas ang pinto. "There you are, 'tart!" bulalas ni Algernon at agad siya nitong inakbayan. "Kanina pa kita hinahanap—Uh-oh, and who's that lovely lady sitting on my chair?" Biglang inalis ni Algernon ang kamay sa balikat niya.

Tumayo naman agad si Lindsey. "I'm Lindsey. You must be Algernon?" Inilahad ng babae ang kamay.

"Right. Pleased to meet you, Lindsey." Tinanggap ni Algernon ang kamay ng babae.

"Maiwan ko na kayo," sabi ni Tipper, hindi maitago ang selos. Nakakita lang si Algernon ng mas magandang babae, kumalas na sa kanya. Kung hindi ba naman talaga sira ang ulo nito!

"I'll see you later, 'tart. I'll just entertain our guest," sabi naman ni Algernon.

"Okay," pagalit niyang sabi. Hinahanap daw siya nito, pero nang makita si Lindsey, "see her later" na lang!

Dapat, wala na siyang karibal sa minamahal. Dapat, kanya lang si Algernon dahil baliw ito. Dapat, sapat nang krus iyon. Unfair talaga ang buhay.

Tinapos ni Tipper ang labahin, pagkatapos ay naligo, mas matagal kaysa sa nakagawian niya. Then she donned her sexiest outfit—sa palagay niya: short shorts na itim, puting tank top na walang manggas, at sa paa ay iyong kupas niyang sneakers na pula.

Umakyat siya sa fourth floor pero wala roon si Algernon. Dumungaw siya sa terrace, binaybay ang kabuuan niyon. Sa dakong kanluran niya nakita ang hinahanap. Nasa ibaba ito, nakasakay sa motorsiklo, anyong ini-start iyon habang si Lindsey naman ay nakamasid, tumatawa. Nang umandar ang makina ng motorsiklo, sinenyasan ni Algernon ang babae na sumakay. Ganoon nga ang ginawa ng babae.

"Mga walanghiya!" sabi ni Tipper at patakbong bumaba ng hagdan. Pero hindi na niya inabutan ang dalawa. Kung bakit kasi walang elevator!

Sisipol-sipol si Caloy nang makasalubong niya. Mukha namang kanina pa siya nito pinagmamasdan at parang alam ang nangyari.

"'Please, release me, let me go. For I don't love you, anymore...'" pagkanta nito.

Walang sali-salitang sinipa niya ito sa binti.

"Aray ko! Kumakanta lang ang tao, eh!" angal nito, hinahaplos ang binti. "Hindi naman ako nagkulang sa paalala. Ngayon, hindi ko na kasalanan kung luhaan ka."

"Sino'ng luhaan?"

Pareho silang napalingon kay Alberto. Bagong ligo, naka-tennis shorts, at sports shirt na pula ang actor.

"Excuse me," sabi ni Tipper.

"Marunong ka bang mag-tennis?" tanong ni Alberto sa kanya.

"Hindi."

"Ako rin. Pero yaman din lang na naka-tennis outfit tayo pareho, mag-tennis na lang tayo," suhestiyon ni Alberto, giving her that boyish grin that launched a million followers.

"Wala namang tennis court dito," sabi niya.

"Then let's play imaginary tennis," sabi nito.

Nag-isip si Tipper. Bakit hindi? Ang walanghiyang si Algernon, isinama na kung saan si Lindsey, bakit siya magmumukmok gayong may mapagkakaabalahan siyang kasingguwapo nito? Wala pang electric fan sa utak. "Sige, turuan mo ako."

Humalakhak si Alberto. "I like that."

o niya. W٨

Señorito Series 1 : Algernon COMPLETED (Published by PHR)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon