DEEP orange ang kulay ng bahay, berde ang bubong. May terrace sa ikalawang palapag, at tanaw ni Tipper ang pintuang salamin. Nag-doorbell siya, naghintay nang may limang minuto. Isang nakaunipormeng katulong ang sumilip sa tarangkahan.
"Dito ba nakatira si Mrs. Irma Galvez? Taga-ASCOR ako, padala 'kamo ako ni Mrs. Edna Ong, 'yong kausap niya kahapon."
"Sandali lang," anang maid at iniwan ulit siya sa labas.
Hindi naman nagtagal ay bumalik ito at pinatuloy siya.
Circular at pataas ang driveway kaya hingal na hingal siya bago narating ang front door. Hindi yata naglalakad ang mga nakatira sa bahay. May isang F150 na nakabalandra sa driveway.
"Sumunod ka na lang sa akin," sabi ng katulong.
Hangang-hanga si Tipper sa bahay. Vigan tiles na makintab ang sahig; kabi-kabila ay may nakikita siyang mga banga na iba-iba ang laki; may mga sariwang bulaklak; at malalaki ang mga paintings sa dingding.
Kailan kaya siya magkakaroon ng ganitong bahay?
Sa bandang likuran ay may parang patio, napapaligiran ng mga halaman at mga banga pa rin kung saan kasya siya marahil. Naalala niya si Matet. May halimaw sa banga!
May dalawang babaeng nakaupo sa garden set; pinalapit siya ng isa. Puti ang suot nitong parang pajamas pero masyadong elegante para sabihin niyang pantulog. Ang isa naman ay nakasuot ng beige na bestida at may makulay na scarf sa leeg.
Nang makalapit sa mga ito, lalo siyang namangha. Kilala niya ang babaeng naka-scarf. Nakikita niya ito Linggo-linggo sa TV; kung minsan ay araw-araw kapag pumapalit ito sa anchorwoman ng news program na pinapanood sa kanila gabi-gabi.
"Margot Soriano?" sabi ni Tipper, hindi napigilan ang pagiging fan. Tipikal na Pinay naman siya, nae-excite kapag nakakakita ng celebrity. Kahit si Fred Panopio na kaapelyido lang niya, inuusyuso niya noong bata pa siya kapag naiimbita itong kumanta sa plaza kapag fiesta o election.
Ngumiti ang journalist-TV personality. "Ako nga. Have a seat. Join us. Ano nga pala ang pangalan mo?"
Nang mga sandaling iyon, gusto na niyang yakapin ang babae dahil mabait pala at maganda rin. Hindi masyadong halata sa TV. Pero ang kinis-kinis ng kutis nito. Flawless.
"Teresita Panopio po. 'Tipper' na lang. P-puwede ba akong makahingi ng autograph, Miss Margot?" tanong pa niya.
"Sure. Pero mamaya na. May sadya ka raw sa amiga ko," sabi nito.
Saka lang niya naalala ang talagang pakay. Humingi siya ng paumanhin at nagpakilala. Mabilis niyang ipinaliwanag ang mga policies. Wala namang tanong-tanong na pumirma ng form si Mrs. Galvez, iyong gold card pa ang kinuha. May balak yata itong magpaopera!
Nang matapos sila, inilabas ni Tipper ang maliit niyang planner, binuklat sa blangkong pahina, at inilahad iyon kay Margot Soriano, "Paki-autograph naman ho, Miss Margot."
"Okay," natatawang sabi ng babae. Ball pen pa nito ang ginamit sa pagpirma.
"Salamat po. Hindi na po ako magtatagal, baka naabala ko ang usapan n'yo. Salamat po—" sabi ni Tipper.
"Matagal ka na ba sa ASCOR, hija?" biglang tanong ni Mrs. Galvez.
"H-hindi ho." At ipinaliwanag niya ang sitwasyon sa kompanya. "Kaya nga ho hirap na hirap ako. Gusto ko na ngang sumuko. Lugi pa ako sa pamasahe kadalasan. Halos lahat naman ng mga tao, insured na."
Mukha namang naawa sa kanya ang dalawa, in-interview pa siya. At ang pinagtapusan nila, naikuwento niya ang mga kabiguan sa buhay.
"Pero dalaga ka pa? Ilang taon ka na?" tanong ni Miss Soriano.
"Dalagang-dalaga po. Hindi ko na nga maisipang mag-boyfriend sa dami ng iniintindi ko. Twenty-four na ho ako." Naupo uli siya at hindi na tinanggihan ang juice na dinala para sa kanya ng katulong.
"That's good. Gusto mo 'kamo ng trabahong hindi na gagala-gala?" sabi ng journalist.
"Kung puwede nga ho. Kaso, ang hirap mag-apply sa mga opisina, laging walang bakante. Medyo giginhawa ho siguro ang buhay ko kung kada kinsenas at katapusan ay may aasahan akong suweldo."
"I see. Nangangailangan ako ng tao. At sa nakikita ko naman, puwede ka. Gusto mo bang magtrabaho sa akin?" tanong ng journalist.
Gilalas si Tipper, hindi makapaniwala.
"A-ako ho, kukunin n'yo? Wala ho akong alam sa pagbabalita at pagsusulat—" pag-amin niya.
"Ang mahalaga ay kung interesado ka, Tipper."
:p>
BINABASA MO ANG
Señorito Series 1 : Algernon COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDahil frustrated sa trabaho bilang real estate agent, tinanggap agad ni Tipper ang alok ng TV personality na si Margot Soriano na magpanggap na maid at mag-apply kay Alberto Fierro, ang action superstar na kasalukuyang nagtatago sa Tranquility Islan...