MAHAL niya ako, 'yon lang 'yon! Titig na titig si Tipper sa mga umiikot na damit sa washing machine. Kahapon pa niya ina-analyze ang kahulugan ng tanong sa kanya ni Algernon noong isang gabi. Bakit siya nito tatanungin ng ganoon kung hindi ito interesadong makasama siya habang-buhay?
Pero bakit hindi maalis-alis ang kaba niya, pati insekyuridad? Pero sino ba naman ang hindi mai-insecure sa lalaking may tatlong Swiss bank accounts? At pihadong hindi basta-basta ang dalawa nitong naging asawa. Samantalang siya, isang hamak na ahente lang na nagpapanggap na katulong! Seseryosuhin ba siya ni Algernon Tobias Pierro? But he was so nice and sweet to her. Lagi silang sabay kumain and she was sleeping in his bed. Dapat siguro, tanggapin na lang niya at i-enjoy lahat ng nangyayari sa buhay niya.
Kaya lang, kung mahal talaga siya nito, bakit siya pa rin ang naglalaba, namamalantsa, nagluluto, naglilinis ng bahay? Dapat ay magpahanap na uli ito ng bagong maid.
Masyadong maraming tanong, nahihilo na siya. Iniahon niya mula sa washer ang mga damit.
"Uh-oh, what are you, a mistress or a maid?"
Napaigtad si Tipper at napalingon sa pinanggalingan ng tinig. Napamulagat siya nang makita ang lalaking nakasandal sa pinto ng labahan—kamukha ni Algernon, pero maputla.
Si Alberto Fierro! Sa pagkakataong iyon, alam niyang hindi na siya nagkakamali. He looked exactly like his pictures in magazines and newspapers.
"I'd say both," sabi pa ng lalaki. "I'm Albert." Lumapit ito sa kanya.
"T-Tipper." Ipinahid niya sa duster ang kamay at inilahad iyon dito, nanginginig dahil, after all, he was her idol. Ngayong kaharap na niya ang actor, saka niya nakita ang mga pagkakaiba nito kay Algernon.
"'Tipper.' Nice name. Now, could you tell me where my brother is?"
The mischievous look in his eyes seemed to be permanently etched, hindi kaparis ni Algernon na iba-iba ang expression sa mukha, mahirap basahin, unpredictable.
"B-baka nasa likod, do'n sa ipinapagawa niyang swimming pool," sagot ni Tipper.
"Swimming pool!" bulalas ni Alberto. "Ano na naman ang naisipan ng taong 'yon?"
"Gusto mo bang tawagin ko?"
"Hindi na. Pupuntahan ko na lang." Tumalikod na si Alberto. Pero bigla ring pumihit paharap sa kanya. "Tell me, he took you sailing on his toy boat, champagne and roses on the deck beneath the dark sky—"
"H-hindi pa ako nakakasakay sa yate," sabi niya, hindi malaman kung paano ipapakahulugan ang narinig.
Lalong nangislap sa kapilyuhan ang mga mata ng actor. "But you had champagne, right?"
Alanganin siyang tumango.
"Well, good luck!" sabi nito.
"Ano'ng ibig mong—"
Pero lumakad na palayo ang lalaki.
"Shit!" Itinuon ni Tipper ang mga kamay sa bibig ng washer. Una, si Caloy. Pagkatapos, si Alberto. Bakit iisa ang sinasabi ng mga ito? Pinaglalaruan lang ba talaga siya ni Algernon at kapag nagsawa na sa kanya, basta na lang siya itatapon?
Pero paano niya ilalayo ang sarili sa lalaking nagbibigay ng katuparan sa pangarap ng lahat ng babae? Romantic experience right off those books she loved to read.
Natigil lang si Tipper sa pag-iisip nang may marinig na parang komosyon na nanggagaling sa labas. Pinatay muna niya ang washing machine at lumabas. Sa likod siya nagtungo dahil parang doon nanggagaling ang komosyon.
Doon nga. Hindi pa siya nakakalabas ng backdoor ay dinig na niya nang malinaw ang sigawan buhat sa ginagawang swimming pool. Kabadong binuksan niya ang pinto.
"Algernon!" sigaw niya nang makita ito na akmang tatadyakan si Alberto na nakahiga sa lupa; kaunting galaw lang ni Algernon ay mahuhulog na ang actor sa hukay.
Natigilan naman si Algernon. "Bumalik ka sa loob, Teresita!" utos nito at hinila sa T-shirt ang kapatid, akmang uupakan sa mukha.
Pero parang torong isinalpok ni Alberto ang katawan sa kapatid. Shoot ang mga ito sa hukay.
Patakbo siyang lumapit. "Shit! Kunin n'yo sila!" sigaw ni Tipper sa mga tauhan doon. "Awatin n'yo!" Kahit nahulog na, patuloy pa rin sa pagpapambuno ang dalawa. Puno na ng putik ang mga katawan, walang balak sumuko. "Algernon! Tama na 'yan! Magkapatid kayo!" sigaw uli niya.
Both ignored her. Parang walang mahalaga sa mga sandaling iyon kundi ang masaktan ang isa't isa. Ano ba ang pinag-awayan ng magkapatid? Hindi siya nakatiis, lumusong na rin siya sa hukay. Sa kagustuhang maawat ang magkapatid, humarang siya sa mga ito. Naisalya siya ni Alberto, sadsad siya sa putikan.
"Hayup ka! Papatayin mo pa ang 'tart ko!" sigaw ni Algernon at dinaluhong na naman ang kapatid.
Kahit naman nasaktan nang kaunti at takot pa rin, nagawa pa ring kiligin ang puso niya. Walang karapatan ang kahit sinong sabihing pinaglalaruan lang siya ni Algernon. He loved her.
"Algernon, tama na please," pakiusap ni Tipper.
Nagsibaba na rin sa hukay ang mga lalaking naghuhukay, nagkalakas-loob marahil na awatin ang dalawa dahil sa kanya.
"Tama na ho, mga bosing," anang isang lalaki at pinigilan si Alberto na makaganti.
"Pakawalan n'yo ako! Papatayin ko ang mayabang na 'yan!" sigaw ng actor pero hindi umaarte nang mga sandaling iyon; talagang galit.
"Ikaw ang mayabang, hayup ka!" sagot naman ni Algernon. Nadaluhan na niya si Algernon at pigil-pigil niya ito sa braso.
Nakarating na rin marahil kay Caloy ang nangyayari; humahangos itong lumapit sa hukay. Si Alberto naman ay iniaakyat na ng dalawang lalaking pumipigil dito.
"Ikaw, caloy, palayasin mo sa isla ko ang hayup na 'yan!" sigaw ni Algernon.
"Bakit ba?" tanong niya sa lalaki.
Tumingin ito sa kanya. "Okay ka lang, 'tart?" tanong nito.
"Okay lang."
"Sigurado ka? Baka makunan ka?" Sabay hipo sa tiyan niya.
Hindi lang siya ang napamulagat, kundi lahat ng nakamasid sa kanila.
"Ano'ng sinasabi mo diyan?" sabi ni Tipper, hindi malaman kung mahihiya o matutuwa. Pero mas lamang ang pagtataka niya. Kanina, walang dudang galit na galit si Algernon. Bakit ngayon, nagbibiro na yata? Kahit kailan yata, hindi na niya magagawang ipaliwanag ito.
Nginisihan lang siya ni Algernon. Patuloy naman sa pagwawala si Alberto habang inilalayo ito. Inalalayan siya ni Algernon na makaahon mula sa hukay.
"Dahan-dahan, 'tart, baka kung mapaano si Conchita," sabi pa nito.
Napatigil siya sa pag-akyat, na-freeze sa ere ang kamay ng isang lalaking nakalawit para sa kanya.
Nilingon niya si Algernon. "Sinong Conchita?" tanong niya.
"Si baby," sabi nito. "Oops!" He shoved her up. Maagap naman ang lalaki sa itaas, nahagip agad nito ang kamay niya at sa isang iglap ay nasa itaas na siya.
"Algernon—" sabi ni Tipper nang makaahon na rin ito.
"Sandali lang, 'tart. I'll take a shower. I'm filthy." Pagkasabi nito niyon ay mabilis nang umalis. Mas nauna pa kaysa sa kanya na pumasok sa loob.
Kay Caloy siya lumapit. Naguguluhan na talaga siya. "Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Caloy," sabi niya. "May diperensiya ba sa utak si Algernon?"
"Hindi mo pa ba halata?" anang lalaki.
Inay ko!
BINABASA MO ANG
Señorito Series 1 : Algernon COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDahil frustrated sa trabaho bilang real estate agent, tinanggap agad ni Tipper ang alok ng TV personality na si Margot Soriano na magpanggap na maid at mag-apply kay Alberto Fierro, ang action superstar na kasalukuyang nagtatago sa Tranquility Islan...
