Chapter 3

19.5K 412 57
                                        


"IKAW 'yong katulong galing ng Maynila?" tanong kay Tipper ng lalaking bumaba ng bangkang may pangalang Tranquility.

"Oo." Naisip niyang hindi na niya kailangang sabihing hindi siya sa Maynila nanggaling.

"Tayo na. Sakay na," anang bangkero. "'Yan lang ang mga bagahe mo?" Itinuro nito ang dalawang di-kalakihang duffel bags sa paanan niya.

"Oo." Binitbit ni Tipper ang isa at hinayaang bitbitin nito ang isa. "Ano nga ang pangalan mo?"

"Caloy." May kasama pang kindat ang sagot nito, mukhang natipuhan siya.

Excuse me, hindi tayo magkauri! sigaw ng damdamin niya.

Hindi siya totoong maid, palabas lang nila iyon ni Margot. Spy siya. SPY. Dalawa ang dahilan kung bakit niya tinanggap ang alok ng journalist. Una, ang one hundred thousand na ibabayad nito sa kanya; binigyan na siya nito ng paunang fifty thousand at ang natitira ay ibibigay sa kanya pagkatapos ng trabaho niya. Pangalawa, ang taong eespiyahan niya, walang iba kundi ang idol ng masang Pinoy—nangunguna na siya—na si Alberto Fierro, ang actor na sinisiguro ng lahat na papalit sa trono ni FPJ. Na kay Alberto Fierro din ang taglay na mass appeal at mystery ng hari ng aksiyon. Hindi rin ito pahuhuli sa gandang-lalaki.

Pero sa pagkababaero nito, maluluma si Erap.

At nagtatago ngayon ang actor dahil sa isang malaking eskandalong kinasangkutan. Itinanan nito ang fiancée ng presidential son; pagkatapos ay iniwan din ang kawawa at luka-lukang babae.

Pagkatapos ng insidenteng iyon, seven months ago, kung ano-ano nang balita ang naglabasan tungkol kay Alberto. Drug lord din daw ito, may drug problems; kesyo nasa rehab daw, kesyo may sakit na at naglalagi sa US. Nabitin ang mga pelikulang ginagawa nito, wanted sa mga producers at sa mga manunulat ng mga balita, kabilang na kay Margot Soriano.

Alberto was already an icon; at nakadagdag pa sa kasikatan nito ang biglang pagkawala. At nangangamba ang mga fans na ipina-salvage na ito ng presidential son na napindeho.

Isa si Tipper sa mga nag-iisip ng ganoon at alalang-alala siya at lungkot na lungkot kapag nakakabasa ng news items tungkol sa pagkamatay daw ng actor. Si Alberto ang number one idol niya. Walang sinabi rito ang mga HUNKS na iyon. Alberto was sexy, mysterious, also amusing. Kapag tumakbo itong presidente, iboboto niya.

At sigurado na alam ni Margot na hindi nag-iisa ang mga kagaya niya sa Pilipinas. Sa katunayan, wala sigurong Pinoy na hindi humahanga sa actor at naghahangad na malaman ang totoong nangyari dito.

Kaya willing si Margot na magbayad ng isang daang libong piso makabalita lang ng kahit ano tungkol sa actor. May nakapag-tip daw kay Margot na nagtatago si Alberto sa Tranquility Island, somewhere between Boracay and Romblon. Ayaw ni Margot na may ibang makaalam ng impormasyong iyon kaya kinuha siya para ipadala sa isla. Kumpirmado raw na nandoon ang actor dahil maraming "sightings" ito roon, parang UFO.

Pero hindi magawa ni Margot na ito mismo ang magpunta sa isla dahil sigurado raw na malalaman ni Alberto ang tungkol doon at aalis agad ng isla. Sikat din si Margot at siguradong pag-uusapan agad ito ng mga makakakita at makakarating sa isla.

Ang trabaho ni Tipper ay mag-report kay Margot regularly ng mga aktibidades ni Alberto sa isla, i-record ang mga sasabihin nito, makinig kapag may kausap ito sa telepono, at makialam na rin sa mga gamit ng actor kapag hindi ito nakatingin.

At nagmamadali si Margot dahil napag-alaman din nitong nangangailangan ang actor ng maid sa isla; nangangamba ang babae na may mauna sa kanya. Kaya raw nang makita siya, hindi na ito nagdalawang-isip na alukin siya. Hindi na rin siya nagdalawang-isip na tanggapin ang trabaho. Sa palagay naman niya, kayang-kaya niya iyon.

Señorito Series 1 : Algernon COMPLETED (Published by PHR)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon