When Sabrina Went Missing

1.9K 34 12
                                    

        Nagising akong mag-isa sa cabin namin sa beach resort na iyon. Pagdilat ng aking mga mata wala na sa tabi ko si Sabrina. Ilang beses kong tinawag ang kanyang pangalan pero walang sumagot sa'kin.

        Tumayo na 'ko mula sa kama at tinawag ko muli ang kanyang pangalan pero wala pa ring sumagot. Inisip ko na lang na nagising siguro siya ng maaga at naglakad sa dalampasigan. Dumiretso ako sa banyo para maghilamos nang mapansin kong may kakaiba sa paligid ko; isa lang ang toothbrush sa harap ng salamin. Bago kami natulog kagabi ay sabay pa kaming nag-toothbrush ni Sabrina at natatandaan kong dalawa ang toothbrush sa lalagyan. Binuksan ko ang maliit na tukador sa harapan ko at wala ang mga gamit ni Sabrina pangtanggal ng kanyang make-up. 

        Naalarma na 'ko.

        Mabilis kong kinuha ang cellphone ko para tawagan siya pero sabi ng operator ay 'the number you have dialled doesn't exist'. Ilang beses kong sinubukan pero paulit-ulit lang ang sinasabi ng operator sa kabilang linya.

        Parang may mga kabayong tumatakbo sa dibdib ko sa kaba. Nasaan na siya? Saan ba siya nagpunta? Iniwan ba niya 'ko?

        Sinubukan kong i-dial ulit ang number niya at inilagay ko sa loudspeaker mode ang smartphone habang patuloy akong naghahanap sa buong cabin na alam kong kanina ko pa naikot nang halos magimbal ang buong mundo ko nang makita kong mag-isa lang ako sa wallpaper ng screen. Tandang-tanda ko din kagabi bago kami matulog ay pinalitan ko ang wallpaper ko ng picture naming dalawa sa harap ng simbahan pero ngayon...ngayon ay mag-isa na lang ako at walang Sabrina sa tabi maging sa ibang pictures.

        Nanlaki ang aking mga mata at parang naramdaman ko bigla na mababaliw ako. Ano bang nangyayari? Tanong ko sa sarili ko na pinipilit kong gisingin na nagbabaka-sakaling isang panaginip lang ito pero hindi. 

        Hinanap ko ang iba pa niyang gamit sa may walk-in closet pero wala na rin ang mga ito. Lumabas ako at nagpunta sa may front desk para tanungin kung nakita nila si Sabrina pero lalo lang akong nanghina nang sabihin nila sa'king, "Mag-isa lang po kayong nag-check-in dito sir."

When Sabrina Went Missing [SOON TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon