STEFFI
Ganoon ba kahirap sumagot? Oo, alam ko na biglaan yung tanong ko, pero mahirap bang sumagot ng oo o hindi? Mahirap bang sabihin? Ganoon na ba ako ka-friendzoned sa kaniya kaya hindi niya ako masagot?
Hindi ko mapigil 'yung sakit. Para akong nanghina kanina sa harap ng pintuan niya. Hindi ako makahinga. Parang tutulo yung luha ko kaya umalis na ako agad. Wala akong ibang gusto kung hindi mapansin niya, kung hindi maging maganda sa paningin niya. Pero bakit ganoon? Siguro nga hindi ako talaga maganda kaya hindi niya kayang sabihin. Siguro nga hindi talaga niya ako gusto. Siguro nga, wala lang talaga akong pag-asa na mahalin niya, dahil kahit kalian, ako lang si Steffi Chua, best friend niya. Kasama sa kalokohan, taga-lakad niya sa mga babaeng gusto niyang ligawan, kapitbahay, kalaro ng games. Hindi ako potential girlfriend. Hindi ako 'yung babaeng magugustuhan niya.
Sino ba naman ako para magustuhan niya, diba? Lalaki ako manamit, video games ang gusto ko, sneakers ang sinusuot ko at hindi high heels. Walang wala ako sa babaeng gusto niya eh. Unang tingin pa lang, hindi na ako ang ideal girlfriend niya. Kasi sa una pa lang, best friend lang ako. Hanggang doon lang ako sa buhay niya. Hindi ako katulad ng mga babaeng nililigawan niya na sobrang kikay, mahilig sa mga sexy na damit, mahilig sa make-ups. Hindi kasi ako ganoon eh. Kaya hanggang kaibigan lang ako.
Ano pa ba ang kulang sa akin? Ay teka, tinatanong pa ba yan? Syempre maraming kulang sa akin. Kung bakit ba naman kasi siya pa ang nagustuhan ko, eh. Bakit ba kasi siya pa?
Nandito na ako sa loob ng kwarto ko pero parang naririnig ko pa rin ang boses niya. Parang nakikita ko pa rin yung itsura niya nung tinanong ko siya at hindi siya makasagot. Hindi talaga maalis sa isip ko.
Mangunguha na sana ako ng pantulog ko at maliligo na nang mapansin ko yung isang closet ko. Dalawa ang closet ko. Yung isang closet ko lang ang ginagamit ko dahil puro pants at shirt ang laman nun. Pero yung isa, doon nakalagay ang lahat ng mga binibili sa akin nila Mommy na ayaw na madalang ko lang gamitin, dahil nga ayaw ko ng ganoong damit. Nandoon nakalagay ang mga girly clothes na ibinibigay sa akin. Dress, crop tops, skirts, heels, at flat shoes at sandals. Ganoon 'yung mga sinusuot ng mga babae na tipo ni Ryan. Kung magsusuot kaya ako ng ganiyan, mapapansin na niya ako? Magugustuhan na niya ako? Lagi niyang sinasabi sa akin na bagay sa akin na magsuot ng mga ganiyang damit. Kung iibahin ko kaya ang ayos at porma ko, maging maganda na ako sa paningin niya?
Matagal kong tinitigan 'yung mga damit doon hanggang sa nakita ko ang isang pink na dress. May maganda din akong heels na babagay sa dress na 'yun. Isuot ko kaya bukas? May lakad kami ni Ryan dahil nagpasama ako sa kaniya na maggrocery. Siguro magugustuhan na niya ako nito. Magagandahan na siya sa akin. Inilabas ko na siya sa cabinet at inihanda na para bukas.
Hindi naman masama na sumubok, di 'ba? Kaya kahit hindi ako komportable, kahit na ayaw kong magbihis ng ganoon, isusuot ko 'yun bukas. Kahit na hindi ako tipikal na nagsusuot ng ganoon, isusuot ko 'yun bukas.
Gusto ko na mapansin niya ako bukas. Gusto ko na makita niya rin ako bilang babae, at hindi best friend niya. Kaya kahit na isang beses lang, susubukan ko na lang na mapansin niya ako.
BINABASA MO ANG
My Boyish Girl
RomanceSteffi is not your typical girl. Mas komportable siya na magsuot ng mga damit na panlalaki at kumilos na parang isang lalaki. At dahil dito ay naging sobrang komportable nila sa isa't isa ng best friend niya na si Ryan. Pero ang hindi alam ni Ryan a...