RYAN
"Steff ano ba? Ang tagal tagal mo dyan sa taas! Nilamon ka na ba ng kwarto mo?"
Ngayon lang nagtagal sa pag-aayos si Steffi. Dahil nga wala rin siyang arte sa katawan, mabilis lang siyang matapos sa pag-aayos at paggayak sa tuwing aalis kami. Kanina pa ako naghihintay dito sa sala ng bahay niya. Hindi ako sanay na ganiyan siya, biglaan ang pagbabago niya.
"Eto na, pababa na ako!" Sabi niya noong narinig kong bumukas ang pinto niya. Sa wakas ay natapos din siya, halos kalahating oras na ako nandito sa baba, kahit nung sabihin kong iiwan ko na siya ay hindi pa rin siya nagmadali. Mainipin kasi akong tao at alam 'yun ni Steffi.
"Buti naman natapos ka na! Ano bang pinaggagawa mo dun sa—Steff..." Hindi ko alam kung bakit pero nagulat ako noong nakita ko siya. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang siya nakitang magsuot ng dress. At oo, aminin ko, napakaganda niya. Ibang Steffi ngayon 'yung nasa harap ko. Ito 'yung Steffi na napakaganda. Bakit niya itinago 'yung ganiyang kagandahan?
"Oh ano na, akala ko ba gusto mo na umalis? Bat nakatulala ka?"
"Ah.. sorry. Tara na, ang tagal tagal mo!" sabi ko habang napapakamot ulo dahil nahihiya ako sa kaniya. Ryan nga! Hindi naman na bago sa'yo na may nakaayos na ganiyang babae, pero ngayon ka lang natulala?
Lumabas na kami ng bahay niya at sumakay na sa kotse pagkatapos niyang i-lock ang mga pinto. Tulad nga ng nakasanayan, ako ang pinagmaneho niya. Tamad kasi siyang mag-drive, kaya nga minsan, sa akin pa siya sumasabay sa pagpasok sa eskwela. Madali rin kasi siyang mataranta lalo na kapag nagmamaneho kaya hindi rin siya ganoon kakampante sa tuwing siya ang may hawak ng manibela.
Habang nagmamaneho ako, tahimik lang si Steffi habang nakikinig sa music. Sinaksak niya ang phone niya habang sinasabayan ang mga kanta. Habang pinakikinggan at tinitignan ko siya, napapangiti na lang ako nang kusa. Hindi ko alam kung bakit, pero iba na ang nararamdaman ko. Lalo na noong nakita ko siya kanina pagbaba niya. Hindi ko maintindihan kung bakit ako natulala, kung bakit ang bilis ng pagtibok ng puso ko. Para akong baliw na walang ibang gustong gawin kung hindi titigan yung mukha niya at panoorin siya. Babae pa rin talaga si Steffi – at kaya niya pa ring baliwin ang puso ko.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit siya biglang umalis kagabi pagkatapos niya akong tanungin kung maganda ba siya. Pagkatapos noon, hindi ako makatulog. Gusto ko siyang puntahan sa bahay niya at sabihan siya na ang ganda ganda niya. Pero hindi ko nagawa. Hindi ko alam kung bakit. Samantalang dati kapag naman gusto ko 'yung isang babae kayang kaya ko naman agad sabihin. Pero bakit 'yung simpleng sabihin na maganda si Steff hindi ko magawa? Hindi ko na rin maintindihan 'yung sarili ko, bigla na lang ako nag-iiba kapag nandiyan siya. Iba na 'yung epekto sa akin ni Steffi.
'Nung makarating na kami sa supermarket, pumasok na kami sa loob. Noong ikukuha ko na sana siya ng cart, pero nagkataon na sabay kaming napahawak sa cart at nahawakan ko yung kamay niya. Eto na naman yung kuryente. Nararamdaman ko na naman. Tapos nung tinignan niya ako, kumabog ng malakas yung dibdib ko na kulang na lang matanggal 'yun sa katawan ko.
Ano bang ginagawa mo sa akin, Steff?
BINABASA MO ANG
My Boyish Girl
RomanceSteffi is not your typical girl. Mas komportable siya na magsuot ng mga damit na panlalaki at kumilos na parang isang lalaki. At dahil dito ay naging sobrang komportable nila sa isa't isa ng best friend niya na si Ryan. Pero ang hindi alam ni Ryan a...