Eight

1.6K 38 7
                                    

STEFFI


Noong mga sumunod na araw, biglang nag-iba ang pakikitungo sa akin ni Ryan. Mas sweet na siya kumpara sa dati. Palagi nang nagtetext, tapos kung hindi agad ako makasagot bigla siyang tatawag. Mas madalas na rin siyang bumisita sa bahay, kahit na wala naman siyang ginagawa kung hindi umupo lang sa sala habang pinapanood ako na mag-ayos ng bahay. Aaminin ko na kinikilig ako sa tuwing ganiyan siya ka-sweet sa akin, pero nandito pa rin yung takot ko na, paano kung hindi totoo lahat 'to? Paano kung panandalian lang?

Una sa lahat, hindi naman kami nag-level up. Best friends pa rin kami. Hindi naman siya nagpaparamdaman na nanliligaw siya, basta naging sweet lang siya. Kung dati, "Good morning Steffi!" lang ang texts niya, ngayon, mas mahahaba at mas sweet na. Katulad 'nung tinext niya sakin ngayong umaga:

Good morning to you, little sunshine! I hope you have a beautiful day today. Can you come out for a while? It's gloomy in here, and I would like a glimpse of my sunshine: you.

Nakakapanibago, nakakataba ng puso. Pero hindi ako sigurado. Paano kung bumabawi lang siya? Paano kung sa akin lang pala may meaning lahat? Paano kung hindi naman talaga kami pareho ng nararamdaman sa isa't isa? Paano kung wala lang sa kaniya lahat nang 'to?

Tulad ngayon. Papasok na ako at sasakay na sa kotse ko, pero nakaabang siya sa gate ko at nakangiting bumati sa akin.

"Oh, sasabay ka na ba sakin?" tanong ko sa kaniya. Nakabihis na rin kasi siya at papasok na rin. Siguro, naubusan na naman siya ng gas. Minsan kasi, kapag ganiyan na bigla siyang susulpot ng ganiyan, may kailangan yan sa akin o may pabor na hihingin.

"Hindi. Ikaw ang sumabay sa akin."

"Ha? Eh para saan pa? Papasok na rin ako eh."

"Sasabay ka, o hahalikan kita nang matahimik ka?" Ayan. Ganiyan yan. Kung umasta siya sa akin, parang boyfriend ko siya. Pero gaya nga ng sinabi ko, wala kaming label, kaya hindi ko rin alam kung dapat ba akong maki-ride sa ginagawa niya o pipigilan ko ang sarili ko dahil ayokong masaktan.

"Siraulo ka na naman. Ikaw na sumabay sakin! Sakay na," sabi ko sa kaniya para matigil na ang pang-aasar niya sa akin. Pumasok na rin siya sa loob ng kotse at nung nakasakay na ako, hinalikan niya ako.

"Kahit naman anong gawin mo, hahalikan kita. Bango ng mouthwash mo ah," sabi niya at kinindatan ako. Diyos ko, paanong hindi ako mahuhulog sa'yo, Ryan? Paano ko pipigilan 'yung sarili ko na mahalin ka kung ganiyan ka? "Oh, breakfast mo. Hot chocolate and pancake sandwich, dahil alam kong paborito mo 'yan," sabi niya sa akin pagkatapos iabot sa akin ang paper bag ng Jollibee.

"Ry, hindi naman na kailangan, hindi naman ako nagugutom."

"Sabi nino? Kailangan mong kumain. Nasasanay ka na naman yata na mag-skip ng meals! Gusto mo na naman bang magkasakit?" Noong high school kami ni Ryan, sinugod ako bigla sa ospital habang nasa school kami dahil bigla na lang akong nahimatay. Isa 'yun sa hectic months ng school year dahil finals season noon at talaga namang napaka-busy nang lahat, nakadagdag pa na honor student ako at marami ring extra-curricular engagements. Dahil sobrang busy at hectic ng schedule ko, napadalas na hindi na ako nakakakain sa tamang oras, o kung minsan pa nga hindi na talaga ako nakakakain sa buong araw. Nagka-gastritis ako noon at na-confine ng tatlong araw. Simula noon, nakabantay na palagi sa akin si Ryan kung nakakakain ba ako nang tama at nasa oras. Kaya ganiyan rin siya kahigpit sa akin kapag kakain.

Kinuha ko ang bag at inubos muna ang pancake sandwich tapos nagdrive na ako. Nagpupumilit si Ryan na siya na raw ang magmamaneho, para makakain rin ako nang maayos, pero dahil ayoko nang basta basta ipinapagamit o ipinapahawak ang mga gamit ko, wala na rin siyang nagawa at pumayag na lang siya na ako na ang magmaneho.

***

Nag-park na agad ako ng kotse pagkarating namin sa school, pero nagulat ako dahil pagkababang pagkababa ko ng sasakyan, nakaabang na ulit si Ryan at hinawakan bigla ang kamay ko. Pilit kong tinatanggal, pero lalo niyang hinihigpitan kahit na nasa loob na kami ng building namin. Pinagtitinginan kami, pero wala lang kay Ryan at ayaw niya pa ring bitawan ang kamay ko.

"Ryan, pinagtitinginan tayo."

"Alam ko."

"Uhm, hindi mo ba bibitawan?

"Hindi. Pake ba nila?"

"Nakakahiya eh. Alam mo namang hindi ako sanay sa ganun, 'di ba?"

"Ako hindi kita kinakahiya eh," sabi niya at nginitian ako. Para na naman tuloy nalulusaw 'yung puso ko. Ryan, bakit ka ba ganiyan?

Nagpumilit siya na ihatid ako sa room ko, kaya pumayag na rin ako. Nung nasa hallway na kami, nakasalubong namin si Yana, ex ni Ryan. Si Yana Cruz na napakaganda, sexy at sikat sa school namin. Madalas siyang manalo sa pageants, kahit noong high school pa lang kami. May modeling gigs rin siya at marami ang nagkakagusto sa kaniya. Sa lahat ng naging girlfriend at niligawan ni Ryan, kay Yana talaga siya nagseryoso at napamahal ng sobra, pero iniwan at ipinagpalit niya lang si Ryan sa kaibigan nito. 'Nung napatingin sa amin si Yana, parang lumungkot yung mata niya tapos nginitian niya na lang kami ni Ryan. 'Nung tinignan ko naman si Ryan bigla siyang umiwas ng tingin. Nakakapagtaka, dahil matagal na silang nagkaayos, pero hindi ko na lang sila pinansin. Nakarating na rin kami sa room ko at nagpaalam na ako kay Ryan.

Hindi ko na lang pinansin o in-open up pa, pero simula nung nakasalubong naming si Yana, lumuwag ang kapit ni Ryan sa kamay ko at hindi na umiimik pa. Bigla siyang tumahimik at nginitian niya na lang ako pagkahatid niya sa akin, at mabilis siyang umalis at naglakad palayo nang hindi man lang nagpapaalam.

My Boyish GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon