Kasabay ng pagtunog ng door chime sa entrance ng kinaroroonan kong coffee shop ang pagdako ng paningin ko sa babaeng papasok roon. At kagaya ng madalas na nangyayari--nahigit ko ang aking hininga.Tila ba tumigil ang pag-inog ng aking mundo. Rinig ko ang bawat tibok ng aking puso. At maging ang mga palad ko ay nagsisimula nang mamawis.
Ganitong-ganito ang epekto sa akin ni Chiara. Mula noon, hindi pa rin nagbabago hanggang ngayon.
"Hi. Sorry ngayon lang ako." Bungad niya sa akin. May tipid na ngiti sa labi.
Parang pag-ibig niya sa akin, tinipid marahil kaya nagkulang.
Kaagad kong ipinilig ang aking ulo. Hindi. Mali na mag-isip ako ng ganoon. Hindi kami nagkita upang magsumbatan. Mali na isumbat ko sa kanya ang hindi niya sa akin pagkapit, at hindi ko sa kanya pagbitaw.
Ang nararapat kong gawin, ang ipaalala sa kanya kung bakit mas tamang piliin niyang manatili, kaysa ang tumalikod.
Dapat niyang maalala 'yung kami at hindi ang ako at siya na lang.
Kung kaya bago pa man mahila ni Chiara ang upuan ay inunahan ko na siya.
Unang hakbang sa pakikipagbalikan?
Maging gentleman."Uh, thanks," tipid na wika ni Chiara. "Pasensiya na talaga pinaghintay kita. Kanina ka pa ba?"
"Sakto lang," maagap kong sagot. "Nahintay nga kita ng ilang buwan bago mo ako sagutin noon, ngayon pa bang oras lang?"
Hindi siya tumugon pero seryoso ang mukha niya na tumunghay sa akin.
"Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan, Kace?"
Wala sa loob na napatitig ako sa kanya dahil sa sinabi niyang iyon. Natuon ang tingin ko sa mukha niya--na hindi ko pinagsasawaang pagmasdan noong kami pa. At kagaya ng dati, muli akong nalula sa gandang taglay niya.
Lalo na sa mga mata niya. Iyon pa naman ang pinakagusto ko sa kanya. Doon ko kasi nakikita ang pag-ibig niya para sa akin. Subalit kakatwang ni katiting na bakas ng pagmamahal niya ay hindi ko na mahanap ngayon maski anong pakikipagtitigan pa ang gawin ko.
Kung paano niya kadaling bitawan ang mga I love you's niya sa akin noon, ganoon kadali rin ba niya iyong nalimot?
"Unblock mo naman ako sa fb, Chi." Wala sa loob na sabi ko.
Nakita kong tumaas ang kaliwang kilay niya. "Dahil lang diyan kaya ka nakipagkita ngayon?"
"Gusto ko rin pag-usapan at ayusin natin ang 'tayo', Chiara."
"Wala nang aayusin dahil tapos na tayo, Kace."
"Ikaw lang ang nag-desisyon. Hindi ako pumayag," mariing kontra ko. "Noong niligawan kita, naghintay ako ng pagpayag mo bago naging tayo. At ngayong nakikipaghiwalay ka, 'di ba dapat tanungin mo rin ako kung papayag ba ako? Respeto naman sa feelings ko, Chi."
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan niya. "Ano ba talaga ang gusto mo, Kassandro?"
Diretso ko siyang tinitigan. "I want you back. Please, love."
Kitang-kita ko ang pagdaan ng sari-saring emosyon sa mga mata niya. At matapos ang ilang sandaling pananahimik ni Chiara, muli siyang nagsalita.
"Hindi ko alam kung magwo-work pa ba tayo uli, Kace." Malungkot niyang saad. "Nasimulan ko nang mag-move on, ikaw rin dapat."
Nang mga sandaling iyon, naranasan ko kung paano madurog uli ang puso ko. Iyong klase ng pagkadurog kung saan hindi ko sigurado kung mabubuo pang muli.
Pero wala nga yata akong kadala-dala sa sakit dahil nakuha ko pang hingin sa kanya ang bagay na napag-usapan namin noon, sa kung paano namin wawakasan ang aming relasyon.
Kung sakali mang kailangan naming magwakas. Kung sakali lang. Kunwari. Pero ni sa hinagap, hindi ko inaasahan na darating nga ang araw na ito."Ito na ba 'yung punto na hihingin ko na ang one-month rule, Chiara?"
---------

YOU ARE READING
Daily Fools
Teen FictionBrokenhearted si Kassandro sa ex-girfriend niya nang dumating sa buhay niya si Serene--ang babaeng ginawang hobby ang kulitin siya. Mula sa walang humpay sa chat messages hanggang sa pagtawag sa kanya ng 'mahal'. Sa pagkabwiset, binlock niya ito sa...