"Chiara, wait!"Buong akala ko, naranasan ko na noong kabataan ko ang klase ng pinaka-nakakapagod na paghahabol--'yun ay kapag naglalaro kami ng mga kaibigan ko ng habulan, taguan, tumbang preso o maski simpleng pagpapahabol lang sa aso.
Pero mali pala ako. May mas nakakahapo pa pala roon na uri ng paghahabol.Hindi iyong tipong makailang ulit na akong muntikang mapasubsob sa ginagawa kong pagtakbo. Hindi iyong gigil na nararamdaman ko sa bawat hakbang na nagagawa ko maabutan lang siya. Kundi iyong kaalaman na hindi naman ganoon kalayo ang distansya namin, pero sa puso ko, ramdam kong hinding-hindi ako makakalapit sa kanya.
Dahil ayaw niyang magpahabol. Ngayon, alam ko na.
Iyon pala ang mas masakit. Ang humabol sa taong walang balak na tumigil sa paghakbang--palayo sa akin.Pero sa kung anong trip ng mga paa ko, ayaw nilang huminto. Sige pa rin sila sa pagtawid ng agwat namin ni Chiara. Sige pa rin sila sa pag-abante.
Lakas loob na akong humarang sa daraanan ni Chiara. Kitang-kita ko ang paglarawan ng pagkainis sa maganda niyang mukha.
"Tumabi ka riyan, Kassandro." sita niya sa akin.
"Hindi ko gagawin 'yun hangga't hindi mo ako kinakausap," seryosong tugon ko. "Please, Chi, kausapin mo na ako."
"Wala na tayong dapat pang pag-usapan."
Walang sabi-sabing hinagip ko ang mga kamay niya at mahigpit na hinawakan. "Patawarin mo na ako. Hindi ko na uulitin. Hindi na ako gagawa pa ng ikakasakit ng damdamin mo. Isang pagkakataon pa, love."
Kitang-kita ko ang pagdaan ng pait sa kanyang magandang mukha, saka mapait na ngumiti. "Sawang-sawa na ako sa ganito, Kace. Pagod na akong kumapit sa relasyong 'to. Tama na, itigil na natin 'to."
Matigas akong umiling. "Kung pagod ka nang kumapit, ako na lang ang hahawak. Para sa 'yo, para sa 'ting dalawa.."
"Nagpapatawa ka ba, Kassandro? Lumuwag nga ang hawak mo 'nung panahong tayong dalawa pa ang nakakapit, di ba? Kaya 'wag mo na lang ipilit. Tayo rin lang ang masasaktan."
"But I love you," bahagyang nabasag ang boses ko nang sabihin ko iyon, namumuo na sa lalamunan ko ang pinipigilan kong emosyon, ang luha. "Hindi kita susukuan, Chiara."
"I love you too, but.." Isang pagal na tawa muna ang pinakawalan niya bago nagpatuloy. "Nakakapagod kang mahalin, Kace. Kasalanan ko rin naman. Masyado kitang minahal hanggang sa punto na parang ako na rin ang nagturo sa 'yong kahit balewalain mo ako, nandito lang ako, nakaabang kung kailan mo maisip na ako naman ang pag-alayan mo ng buong atensyon mo.. Pero kinasawaan ko na ang maghintay."
"Tinatapos ko na ang pagpapahintay ko sa 'yo, Chi. Sa pagkakataong 'to, seryoso na ako. Paninindigan ko na ang relasyong 'to."
"Handa ka na bang iwan ang pagsusulat mo?"
Hindi ko inasahan ang sinabing iyon ni Chiara. Ang akala ko, matagal na naming naresolba ang tungkol sa bagay na iyon. Ang akala ko, tanggap na niya ang pagiging isang manunulat ko.
"Kung gusto mo ng isa pang pagkakataon para ituloy pa ang relasyon natin, dapat simulan mo nang i-consider ang mga ayaw at gusto ko," direktang nakatingin sa mga mata ko si Chiara. "At alam mong hindi ko gustong nagsusulat ka. Pinapakita lang 'nun na ang dami mong gusto sa buhay. Ano ba talaga ang gusto mong maging? Ang maging author o ang makasama ako?"
YOU ARE READING
Daily Fools
Teen FictionBrokenhearted si Kassandro sa ex-girfriend niya nang dumating sa buhay niya si Serene--ang babaeng ginawang hobby ang kulitin siya. Mula sa walang humpay sa chat messages hanggang sa pagtawag sa kanya ng 'mahal'. Sa pagkabwiset, binlock niya ito sa...