Six years ago...
HINDI maganda ang araw ni Art Mendez. Katunayan ay hindi maganda ang buong taon na iyon para sa kaniya. Malapit na niyang isipin na wala talaga siyang talent at mali ang career na pinili niya.
The latest mainstream movie he directed was a huge flop. Katulad ng dalawa pang pelikula bago iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit. Sa tingin naman niya ginawa niya ang best niya at kuntento naman siya sa kinalalabasan ng mga pelikula niya. Magaganda ang review. Artistic daw. Pero hindi bumebenta sa masa. Ngayon tuloy ay wala na kumukuha sa kaniyang producer. Iniisip ng mga nasa industriya na baka hindi lang talaga tipo ng mga Pilipino ang istilo ni Art. After all, sa Europa naman kung saan siya dating independent film director ay marami siyang tagahanga. Hindi lang mga European kung hindi iba't ibang lahi pa nga.
Noon ay sa England siya nakatira dahil British ang kanyang ina habang ang ama naman niya ay Pilipino. Pero nang mag divorce ang mga magulang niya at lumipat sa Hongkong ang kanyang ama dahil taga-roon ang bago nitong asawa habang ang ina naman niya ay mayroon na ring iba, nagdesisyon si Art na tuluyang magpaka-independent sa mga magulang niya. Nagpunta siya sa Pilipinas. Noong bata kasi siya ay ipinapasyal siya ng ama doon. And always, he falls in love with the Philippines. Kaya naisip niya na kung dito siya magsisimula ng bagong buhay ay magiging maayos ang lahat.
Mas mahirap pala kaysa akala ni Art. Sa ilang pelikula na ginawa na niya, ang nanonood lang ay mga babaeng mas interesado sa kaniya kaysa sa mismong pelikula. Isa lang yata ang talagang hanga sa mga gawa niya – isang babaeng college student yata na naka-braces at eyeglasses. Natatandaan ni Art ang babae dahil mukhang typical geek ang hitsura nito. Alam niya na talagang tagahanga ng pelikula dahil nagpapadala pa sa kaniya ang babae ng mensahe sa official email niya kung gaano nito kagusto ang pelikula. May kasama pang analysis. At natutuwa siya dahil nakukuha nito ang nais niyang iparating sa mga gawa niya.
Sa kasamaang palad, hindi mabubuhay si Art ng isang tagahanga lang. Ngayon nga ay kailangan pa niyang humanap ng bagong matitirhan dahil malapit na siya ma-bankrupt at hindi na niya kayang bayaran ang monthly rent ng condo kung saan siya nakatira sa nakaraang isang taon. Pero kung saan siya titira ay hindi pa niya alam. Diyahe magtanong sa mga kakilala niya sa industriya dahil ayaw niyang isipin ng mga ito na naghihirap siya. That is so uncool and so out of character for Art. Bukod sa baka maging laman pa siya ng tabloid.
Frustrated pa rin siyang pumasok sa Yellow Ribbon restaurant. Doon siya kumakain dahil malapit iyon sa condominium building niya at wala siyang oras magluto sa unit niya. Katunayan dahil palagi siya doon kumakain ay kilala at kabatian na nga niya ang lahat ng crew doon. Kahit ang isa sa mga chef na kaedad niya ay kaibigan at kainuman na niya.
Iniisip pa lang iyon ni Art ay nakita na niya ang kaibigan na nakapuwesto sa isang lamesa doon, may kasamang grupo ng mga lalaki himbis na nasa kusina. Mukhang nakita rin siya nito dahil ngumiti at kumaway sa kaniya. "Art! Hey."
Lumapit si Art at gumanti ng ngiti. "Hey, Derek. What's up? Wala ka yata sa kusina ngayon?" Tumayo si Derek at sandali silang nagtapikan ng mga balikat.
"Day off ko. I'm with friends." Itinuro nito ang limang lalaki. Ang dalawa ay nakasuot ng three-piece suit, mukhang mga businessman, moreno ang isa habang maputi at higit na mukhang bata tingnan ang isa pa. Ang isa pa ay nakasuot ng slacks at simpleng polo na pinatungan ng puting coat na may nametag sa chest pocket, Apolinario Montes, Nutritionist. Ang isa namang lalaki ay nakasuot ng simpleng jeans at fitted shirt, mahaba ang nakalugay at alon-alon na buhok at balbas sarado. At ang isa namang lalaki ay nakasuot ng hooded jacket na nakataas ang hood sa ulo at nakasuot pa ng dark shades kahit nasa loob na ng restaurant. Ang mga kamay nito ay nakasuksok sa magkabilang bulsa ng hooded jacket. Mukhang bata pa rin, kaedad lang yata ng isang nakasuot ng suit. Matangkad, balingkinitan ang pangangatawan na parang sa mga artista at modelong nakakasalamuha ni Art.
Hindi napigilan ni Art ang mapaangat ang mga kilay. What an odd group.
Ngumisi ang balbas sarado. "Alam ko ang iniisip mo. And I agree."
Napatikhim si Art. Tumawa ang balbas sarado at maging si Derek na tila may naalala at napabaling ulit sa kaniya. "Hey, ang sabi ng ilang crew nagpapaalam ka na daw ah. Aalis ka na sa condo kung saan ka nakatira ngayon?"
Napangiwi siya. "Oo. Pero wala pa akong lilipatan."
Biglang sumulyap si Derek sa mga kaibigan nito. "Narinig niyo iyon? Okay itong si Art. I can vouch for his character."
Nagkatinginan ang tatlo. Kumunot ang noo niya. Ano ang gustong sabihin ni Derek? Pagkatapos ay biglang tumingin ang tatlo sa nakasuot ng jacket. Na para bang ang desisyon ng lalaking iyon ang hinihintay nila. Kumilos ang ulo ng naka-jacket patingala kay Art. Kahit nakasuot ng dark shades ay alam niyang nakatitig sa kaniya ang lalaki. Maya-maya ay bumaling ito sa tatlong naghihintay sa reaksiyon nito at marahang tumango.
Ngumiti si Keith at tiningnan ako. "Well, bakit hindi ka na lang sa amin lumipat? Katatapos lang maayos ng residential building kung saan kami titira."
Tumaas ang mga kilay ni Art. Duda sa alok ni Keith. Tinapik siya ni Derek at nang bumaling siya rito ay ngumisi. "Come on, join us. Matutuwa ka. At malay mo, kapag lumipat ka ng matitirhan suwertehin ka."
Muli ay muntik na siyang mapangiwi. Ibig sabihin kasi ay alam ni Derek na minamalas talaga siya sa career niya. Sabagay, wala naman mawawala sa kaniya kung lilipat siya. Inaalok na siya, choosy pa ba siya?
"Sige. Payag ako," sagot ni Art.
Ngumiti ang mga lalaki at maliban sa nakasuot ng hooded jacket ay isa-isang nagpakilala at nakipagkamay sa kaniya.
Makalipas ang isang buwan ay lumipat si Art sa Bachelor's Pad. Isang buwan pa pagkatapos niyon, may natanggap siyang proyekto mula sa isang mainstream film company. Romantic Comedy movie. Pumayag siya dahil iyon lang ang proyektong alok sa kaniya ng mga sandaling iyon.
That movie became one of the top grossing films in the Philippines. Iyon ang naging big break ni Art. Sa huli ay tama si Derek. Mula nang lumipat siya sa Bachelor's Pad, sinuwerte siya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)
RomanceMay manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa loob ng dalawang taong pagiging assistant ni Charlene kay Art Mendez, isang sikat na film director, buo ang paniwala niya na unconditional love ang nagtutulak sa kanya na gawin...