NAGING abala ang mga sumunod na araw para kay Charlene at Art. Content meeting para sa tv show, tapings, idagdag pa ang sunod-sunod na interviews dahil nagkagulo ang media nang malaman ang pagbabalik ni Art Mendez sa sirkulasyon.
Bukod doon ay ginulat din siya ng binata nang dalawang araw matapos nilang bumalik ng Maynila ay nagpasama ito sa ospital. Buo na daw ang desisyon ni Art na sumailalim sa therapy para mas mapabilis ang paggaling ng mga binti nito.
"As much as I enjoy leaning against you, gusto ko pa ring makaya nang tumayo at maglakad na mag-isa. I don't want to be a burden to you, Char." Iyon ang sinabi ni Art. Kaya hayun, isiningit nila ang pagpunta sa ospital kung saan ito na-confine ng tatlong linggo dahil sa car accident.
Hindi lang si Charlene ang natuwa sa desisyon na iyon ni Art. Mas lalo na ang doktor nito na matagal na palang hinihintay na bumalik ang binata. Pagkatapos magpa-schedule ng therapy session ay nagpaalam na sila sa doktor. Naunang lumabas ng pinto si Art at ganoon na rin ang akmang gagawin niya nang bigla siyang tawagin ng doktor. Napalingon siya.
"Masaya at nagpapasalamat ako na hindi mo siya iniwan, hija. Sa loob ng tatlong linggong naka-confine siya rito ay nakita ko kung paano mo siya hindi pinabayaan. Ni ayaw mong umalis sa tabi niya maliban na lang kung kailangang kailangan. Malaking tulong sa recovery niya ang may taong nakaalalay at nag-aalaga sa kaniya. Masuwerte si Mr. Mendez na nandiyan ka."
Ngumiti si Charlene, tumango at nagpasalamat din sa doktor bago siya tuluyan na ring lumabas. Napakurap siya nang makitang nakatayo malapit sa pinto si Art at matamang nakatitig sa kaniya. "Bakit?" tanong niya at takang ngumiti.
Marahang umiling si Art. "Wala naman. Let's go." Ngumiti ito at inabot ang kanyang kamay. He held it firmly, intimately. Na para bang napakanatural na para dito ang makipag-holding hands sa kaniya. Pagkatapos ay ang binata pa ang humigit sa kaniya palapit para magkaagapay silang maglakad. May init na humaplos sa puso ni Charlene at matamis na napangiti.
Kapag nagmahal ka, hindi lang naman puro luha ang mararanasan mo. Makakaranas ka rin ng labis na kaligayahan basta kasama mo lang ang taong mahal mo. E ano kung alam mong may katapusan iyon? Para kay Charlene, mas okay nang magkaroon siya ng ganoong sandali sa piling ni Art at umiyak pagkatapos. Kaysa naman iwasan niya ang lalaking mahal niya at pigilan ang nararamdaman. Ganoon din naman ang ending. Iiyak din siya. Kaya doon na lang siya sa pansamantalang kaligayahan. At least, kapag dumating ang sandaling kailangan na talaga niyang pakawalan si Art at ang damdamin niya para dito, may babaunin siyang magandang alaala.
MAKALIPAS ang lampas isang linggo ay natapos din sa wakas ang taping para sa finale ng reality tv show kung saan naging guest judge si Art. Pagkatapos niyon ay promotional activities naman ang pinagkaabalahan nila. Bukod doon ay naging maingay na rin sa opisina nila. Nagsipagsulputan kasi ang crew ng binata mula nang malaman na nagtatrabaho na itong muli. Masaya si Charlene dahil nakikita niyang masigla na ulit si Art. Katulad na noon.
May naiba na nga lang ngayon at napansin iyon ng crew. Mas affectionate ang binata sa kaniya ngayon. At kahit na nasa presensiya ng mga tao ay hinahawakan ni Art ang kamay ni Charlene. Minsan pa nga ay paakbay siyang hinihigit at bahagyang niyayakap. Lalo na kapag masyado itong natutuwa. Kinakantiyawan na tuloy sila ng crew. Lalo na siya.
"Ano, kayo na ba ni boss?" pabirong tudyo sa kaniya ng mga ito isang araw na nagkataong hindi pa dumarating si Art sa opisina.
Uminit ang mukha ni Charlene pero nagawa namang ngumiti. Iyon lang naman kasi ang kaya niyang isagot sa tanong na iyon. Dahil hindi naman niya alam kung ano ang mayroon sila ni Art. Bukod kasi sa public display of affection ng binata sa kaniya, kapag silang dalawa lang ay ilang beses na siya nitong hinalikan. Magaan lang palagi, malambing at mabilis na mga halik. Pagkatapos ay ngingitian siya nito at titingnan na nakakatunaw sa kanyang puso.
Subalit kahit ganoon ka-sweet at affectionate sa kaniya si Art ay ni minsan hindi nito nabanggit kung ano ba ang score sa pagitan nilang dalawa. Ayaw naman ni Charlene na siya ang unang magsabi na may relasyon sila ng binata. Ni hindi pa nga niya alam kung talaga bang gusto siya nito sa paraang gusto niya ito. O baka nadala lang si Art nang dalawang linggong pagsosolo nila sa resthouse kaya attracted na ito sa kaniya ngayon.
"Ayan na naman ang ngiti mong iyan. Hindi namin alam kung anong ibig sabihin," ungol ng mga katrabaho niya.
Lalo lang ngumiti si Charlene at nagkibit balikat. Saka umalis sa lounge area at kunwari may gagawin siya sa opisina. Kahit ang totoo ay wala naman talaga.
MATAGUMPAY ang airing ng finale ng reality TV show. Higit na mas mataas ang rating kaysa sa mga kalabang palabas sa ibang network. Dahil doon ay nagkaroon ng victory party para sa lahat ng mga tao sa likod ng show. Bilang pasasalamat na rin sa mga naging sponsor. Semi-formal ang party na ginanap sa Prive Luxury Club, isang high end dance club sa The Fort. Maraming imbitado. Kahit iyong mga hindi naman related sa show. At ang mga imbitado na iyon ay may kasamang kung sino-sino. Kaya crowded at maingay ang party.
Katulad ng inaasahan ni Charlene, simula pa lang ng party ay nagkahiwalay na sila ni Art. Nahatak ng mga artista, modelo at socialite na nakilala at naging kaibigan na nito sa nakaraang mga taon bilang film director. At siya ay napunta sa grupo ng crew ng show. Iyon naman talaga ang grupo niya kapag may ganoong party bago at pagkatapos ng project ni Art. Mas kumportable siya na ang crew ang kasama, kausap at kabiruan niya.
Nasa kalagitnaan na ang party at marami na ang naparami yata ng inom – bukod sa masaya talaga ang lahat – kaya mga nagwawala na sa pagsayaw sa dance floor. Si Charlene ay hindi naman talaga malakas uminom. Kaso ang mga maliligayang tao sa paligid niya, abot ng abot sa kaniya ng drinks. Nakakahiya naman hindi inumin. Bukod sa dinaan na lang niya sa paginom ng cocktails ang frustration na nararamdaman niya sa tuwing hindi niya makita si Art. Na kapag nahagip naman ng tingin niya ay pinalilibutan ng mga babae. Malamang ay alam na ng lahat na single na ulit ang binata.
Maya-maya, habang nakatingin si Charlene kay Art ay bigla itong nag-angat ng tingin sa direksiyon niya. Malayo sila sa isa't isa at strobe lights ang ilaw sa paligid pero may pakiramdam siya na nagtama ang kanilang mga paningin. Sumikdo ang puso niya at nahigit ang paghinga nang makita niyang tila magpaalam ang binata sa mga kasama nito at mabilis na naglakad – palapit sa kaniya. Marami ang tinangkang kunin ang atensiyon ni Art pero ngumingiti lang ito, itinataas ang kamay upang tumanggi at saka nagpapatuloy sa pagtawid sa napakaraming taong nakapagitan sa kanilang dalawa.
Mabagal ang naging pag-usad ni Art at kahit alam niyang pilit naglalakad ng normal ang binata ay nahuhuli pa rin niya sa kilos nito na may pag-ika pa rin sa mga hakbang nito. Pero kung ikokompara ang kalagayan ng binata noong naka-confine ito sa hospital na ni hindi maigalaw ang katawan sa sobrang pagkabugbog niyon dahil sa aksidente, ay milagro para kay Charlene na nakikita niyang naglalakad na ulit ng mag-isa si Art. Salamat sa regular na therapy at sa determinasyon nitong tuluyang gumaling.
Nang makalapit na sa kaniya ang binata ay nag-iba ang ngiti sa mga labi nito. Naging masuyo at mas mainit. May nagliparang mga paru-paro sa sikmura ni Charlene nang abutin nito ang kanyang kamay at tulad ng dati ay pinaglingkis ang kanilang mga daliri. Pagkatapos ay lalo pa itong lumapit sa kaniya at yumuko hanggang magkadikit na ang kanilang mga mukha.
Nahigit niya ang hininga nang ilapit nito ang bibig sa kanyang tainga. "Char. Kanina ko pa gustong lumapit sa iyo pero hindi ako makawala sa mga kakilala ko," usal ng binata. Mainit at mabango ang hininga nito. Magkahalong mint at amoy ng mamahaling alak. Nagdulot iyon ng nakakakiliting sensasyon na kumalat sa buong katawan niya. "Are you having fun?" tanong pa nito na bahagya pang inilayo ang mukha para magtama ang kanilang mga paningin.
Sobrang lapit pa rin, pigil ang hiningang naisip ni Charlene. Ngumiti siya at hindi tinangkang lumayo. "Oo naman. Ikaw?"
Ngumisi si Art, inilapat ang noo sa kanyang noo at sumagot, "Yes. It's so good to be back. It's so good to be alive. Alam mo ba na napakaraming producer ang narito at kinokontrata na ako para sa mga movie projects nila? Magiging busy tayo at ang crew ko pagkatapos ng gabing ito."
"Wow. That's good news!" masayang bulalas niCharlene. Pero mas masaya siya na nakikita niya ang kislap ng excitement atkaligayahan sa mga mata ni Art ngayon. Uminit ang mga mata niya sa labis naemosyon at hindi nakatiis. Tumingkayad siya at payakap na ipinulupot ang mgabraso sa leeg nito. "I'm so happy for you," garalgal na usal niya at hinigpitanpa ang pagkakayakap.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)
RomanceMay manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa loob ng dalawang taong pagiging assistant ni Charlene kay Art Mendez, isang sikat na film director, buo ang paniwala niya na unconditional love ang nagtutulak sa kanya na gawin...